Mark Anthony Angeles

Ang Mga Naulila

Isang araw, tinawag ng liwanag ang mga batang naulila ng onsehan, gang war, hitman ng mga hindi nag-remit ng napagbentahan, palit-ulo, death squad ng sekta at frat, mga pulis na kumuquota para sa balato at ranggo. Tinawag sila ng liwanag na kasimbilis ng kisap sa bibig ng ipinutok na baril. Tinawag sila ng liwanag na kasingnipis ng kislap na nanalamin sa patalim. Tinawag sila ng mga kasing-edad nilang tinamaan ng mga ligaw na bala. Tinawag sila ng mga kasing-edad nilang nanlaban. Lilingunin nila ang liwanag, bibitawan ang bigat ng hawak o pasan. Titindig silang sumusulak ang gantindusa sa mga mata.

Executive Order

Sa kabila ng kabi-kabilang pagtutol—na kahit ang mga dukha ay may mga karapatang-pantao rin—itinuloy ang pag-aresto at pagkapon sa mga lalaking natutulog sa lansangan. Nangyari ito isang taon makalipas pirmahan ng Pangulo ang isang executive order nang tuluyang mabawasan ang pagdami ng mga batang hamog na nagnanakaw sa mga pampublikong sasakyan. Halos isang milyon ang kinapon. Hindi makapaniwala ang lahat na ganoon na karami ang mga nakatira sa kalsada. At tila biro ng tadhana, pinatalsik ang Pangulo at kinuha ang lahat ng kaniyang mga ninakaw sa sambayanan. Ngayong wala na siya ni isang kusing, nakatakda na siyang kapunin.

Baldado

Limang taon na ang nakakaraan nang may naglalangis sa Partido ng Pangulo ang nagpanukalang bulagin at putulan ng mga braso‘t hita ang mga pusher, runner, snatcher, holdaper, at akyatbahay nang hindi makapagtulak at makapagnakaw. Hindi pa naibababa ang kahatulan, kabikabila na ang mga insidente ng pambubulag at pamumutol ng mga braso‘t hita. Libo-libo kada linggo sa lahat ng sulok ng bansa. Nilangaw sa mga tambakan ang mga putol na bahagi ng katawan. Lumutang ang iba pa sa mga estero‘t ilog. Ginawang pataba sa lupa… pakain sa alagang hayop. Ngayong nalalapit ang pambansang eleksyon, tinahi ang bibig ng mga nagbubulunga‘t maiingay.