Ben Aguilar

Utang

Kukuwentahin ko kung ilang sinulid ang ginamit ko para ipinid ang aking bibig. Bibilangin ko kung ilang karayom ang nabali sa pagtahi ko ng aking labi. Bibilangin ko kung ilang lubid ang ginamit ko para posasan ang sariling kamay. Kung ilang bulak ang isiniksik ko sa aking mga mata. Para ipagpalit sa aking mga mata. Itatala ko ito lahat. Iuukit ko ito sa aking likod, sa balat, laman, at buto. Bubudburan ko ang katawan ko ng abo. Maliligo ako sa abo. Pupunuin ko ang mga lamat na iniukit ko ng abo. Magtatago ako sa sako.

Matapos lang ito lahat, sisingilin ko din ang mundo.


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.

Salaysay ng mga Hindi ko Sinali sa Opisyal na Ulat

Nakakatuwa tuwing nabubunot ang pinagsisikapan mong kutkutin, tulad ng langib o ligaw na buhok. May iba’t ibang baon na panganib ang motorsiklo, ngunit hindi mo mababalutan ng proteksyon ang buong katawan nang hindi pinapagpalit ang kaluwagan ng paggalaw. Kinailangan kong habaan ang una kong hiwa. Madulas ang bakal sa bakal kapag napapadulas ang dalawa ng mantika. Maraming gamit ang daliri ng tao. Malaman ang hita ng tao. Hindi nauunawaan minsan ang trahektorya ng bala. Hindi daw masakit pero hindi halata sa kanyang mukha. Halata ang agwat sa mga pangyayari sa mundo kung saan gumagalaw ang mga himala. Mas makunat ang balat sa likod kaysa sa harap. Para kang tumutumba ng baka tuwing nagbabalik ka ng natanggal na balakang. Hinabaan ko ang una kong hiwa dahil kulang ang haba upang magkasya ang bala na nakasipit. Mabisang pampawala ng sakit minsan ang panloloko. Mabisang proteksyon minsan ang taba. Hindi mabisa ang sipit humawak kapag hindi mabisa ang daliri na humahawak. Mas maganda sa aking inaasahan ang sugat nang sinara ko na muli ang balat.


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.