Hasmin
Mumunting flora
ang pamumukadkad
ng palad ng musmos
upang mamalimos
ng pansin sa tabi
ng simbahan:
sinasalo
ang bawat patak
mula sa alangaang.
Iluhog
sa kinabukasang
masisinagang muli
ang mga talulot ng awa.
Mumunting flora
ang pamumukadkad
ng palad ng musmos
upang mamalimos
ng pansin sa tabi
ng simbahan:
sinasalo
ang bawat patak
mula sa alangaang.
Iluhog
sa kinabukasang
masisinagang muli
ang mga talulot ng awa.
Kada tanghali,
iyong ipinagkakaloob
ang tamis ng ngiti
sa kristal na daigdig
ng paborito mong kendi.
Pinaiikid
ang mundong asukal
sa loob ng bibig; pinapawi
ang uhaw kasabay
ng masidhing pag-igting
ng pagtirik ng araw.
Parang uban
ng aking ina
ang hinabing sapot
ng gagamba.
Manipis
at buhol-
buhol ang hibla
na napipigtas
sa paghawi ng aking mga daliri.
Kapag sinusuong ko ang aking pantalon,
muli kong inaaral kung paanong
humakbang: unahin ang kaliwa;
dahan-dahang kilalanin
ang pagtaas-baba.
Binabalikan ko rito ang mga yabag
ng aking mga kalaro. Naririnig
ang kaluskos at paghila sa gusot ng tela
ang mga bulung-bulungan
ng aking mga kababata,
tinatawag ang mga pangalan ng iba.
Madalas, dito ako humihinto:
namumulikat sa sikip.
Pinalalaya ako ng gaspang
ng mga hibla sa suot na damit.