Ang kasaysayan ng bakla ay kasaysayan ng pagtatanggi.
Hindi ko ito maitatanggi. May pitong taong ako,
Walang malay sa posibilidad ng daigdig, wala pang hinagap
Sa lohika ng mga lalaki; ang sabi ng angkol, sunda-sundaluhan
At baril-barilan ang laro ng tunay na matitikas.
Para akong pinaltik noon sa dibdib. Gawa-gawang mitong
Pinag-inugan ng musmos kong mundo. Parating angas,
Tapang, tipuno. Ibinubukod ang lambot, isinasalansan
Ang hinhin. May pakiramdam na laging nakaamba ang tukso
At buyo ng mga kalaro. Pinakamatalab ang salita ng papang.
Sa ganoon ko unang natuklasan ang mahika ng pagkukunwari.
Kukumbinsihin ang sariling ako nga iyong pinaniniwalaan kong ako.
Subalit minsan nadaratnan na lamang ang sariling wala sa katawan.
May mga pagkakataon ngang ang kasaysayan ng bakla
Ay kasaysayan ng pagtatanggi.
Mabuti nga ay kasaysayan na lamang iyon,
Matagal nang naagnas na bahagi ng akin.
May mabuting bersiyon ng pag-angkin.
This literary piece is part of Katitikan Issue 4: Queer Writing.