Ilang kamao na ang bumagsak
sa upós kong balát.
Dumaplis.
Nagmarka.
Nanahan.
Ilang damit na ang binili ngunit
nanatiling nakatago sa aparador.
“Kailan ka lalaya?”
Tanong ng paldang korduroy.
Malayò ako sa
kilalá niyong
hinugot lamang
sa tadyang. — lagpas ako roon.
Wala sa laki ng braso,
hindi sa lalim ng boses.
Walang puki, matres
at natural na dibdib
ang kailangan
para sa pagtanggap.
Hindi ako tunay,
hindi rin huwad — “Buháy ako!”
“Babae, Ako!”
This literary piece is part of Katitikan Issue 4: Queer Writing.