2023

Ang Kuwento ni Lola Mina

Lipas na ang panahong pinipilahan siya ng mga tao para lang makita. Wala na ang mahahabang pila, ang bulungan ng mga nagsipunta, ang mangha sa kanilang mga mata. Matagal nang sarado ang perya at limot na ng mga taga-Buenavista si Mina, ang lola kong may anim na paa.

Kuwento niya sa ‘kin noon, nagsimula ang kalbaryo nilang mga nagtatrabaho sa perya nang may taga-Maynilang dumating para magtanong-tanong tungkol sa mga palabas doon. Hindi nila pinansin ang mga pasugalan at laruan ng mga bata. Mas interesado sila sa puwesto ng mga Kakaibang Nilalang – Ang Babaeng Sirena, Ang Taong Pinaglihi sa Palaka, Si Boy Tiyanak, at kay Lola, Si Minang Gagamba.

Matapos ang ilang araw, dumating ang dokumentarista at ang kanyang mga cameraman. Marami siyang kinausap na mga nagtatrabaho sa perya. Ang sabi raw niya noon kina Lola, tutulong sila para mapaigi ang sitwasyon ng buhay ng mga naroon. Ilang linggo pa, ipinalabas sa TV ang dokyu. Sa una, natuwa ang mga tagarito dahil nakita nila ang mga sarili sa screen. Pero ilang araw pa ang lumipas, nagsidatingan sa perya ang mga bataan ni Mayor. Hinanap ang manager at ang may-ari para kausapin. Paglaon, isa-isa nilang dinistrungka ang mga puwesto ng bawat Kakaibang Nilalang. Hindi makatao, masama sa bata, at barbaro daw ang ginagawa nila roon. Malaking kasiraan sa bayan, sabi pa raw ni Mayor. Read More

Pilipinas, 2026

“Last Aug. 15, the Philippine Statistics Authority (PSA) said the food threshold for a family of five in 2021 was P8,379, indicating that the government won’t classify you as “food poor” if you spend more than P18.62 per meal.”

Sanggunian:

Dela Peña, K. (2022, August 23). Ph Poverty: You’re not poor if you spend more than P18.62 per meal. Retrieved September 1, 2022, from https://newsinfo.inquirer.net/1651097/ph-poverty-youre-not-poor-if-you-spend-more-than-p18-62-per-meal

Tatlong taon matapos tuluyang makalaya ng Pilipinas sa pangil ng pandemya, panibagong kalbaryo ang kinahaharap ng bansa — apaw na naman ang mga ospital at salat sa mga doktor at nars na magseserbisyo para sa mga mamamayang tinatamaan ng panibagong sakit. Read More

Messenger

“walang biro… kay langan ko ng pamasahe totohanan lang… papatayin nako .. ng mgs pulis.. pinapipili ako kong ako o si Edgar .. kaylangan ko tulong mo binigyan sko ng palugid hangang bukas”

“Hindi ako naniwala kaagad noong binasa ko. Sana nirespondehan ko. ‘Di ko nireplyan. Naisip ko, baka napapraning lang ‘to. Tsaka pandemya ngayon. Sipa na naman sa diyes mil mahigit ‘yung mga nagkakasakit. ECQ ulit kaya tigil-sideline na naman. Kung may extra sana ‘ko, mapapahiram ko sana siya. Pareho kaming kelangan ng tulong e kaso mas importante pala ‘yung kanya.

Gulity na guilty ako kasi di ko napakinggan. Hindi ko nabigyan ng pasan. Dapat pala, mas inintindi ko ‘yung message niya. Tinawagan ko sana. Tangna naman kasing Messenger ‘yan! Malay ko bang taranta talaga ‘tong si Vincent. Matagal na kaming tropa e. May mga pareho kaming kaibigan dito sa Angono na nagsama-sama kasi pare-pareho ng trip – bisyo, toma, drugs. Nung madampot ako noon, dumalaw pa sa ‘kin ‘yan. Me dalang kaha ng yosi. Sabi pa niya, “Tatag lang, pre. Kita ulit tayo sa labas.” Tapos nagkausap na lang kami ulit paglabas ko.  Read More

Ang Mga Naulila

Isang araw, tinawag ng liwanag ang mga batang naulila ng onsehan, gang war, hitman ng mga hindi nag-remit ng napagbentahan, palit-ulo, death squad ng sekta at frat, mga pulis na kumuquota para sa balato at ranggo. Tinawag sila ng liwanag na kasimbilis ng kisap sa bibig ng ipinutok na baril. Tinawag sila ng liwanag na kasingnipis ng kislap na nanalamin sa patalim. Tinawag sila ng mga kasing-edad nilang tinamaan ng mga ligaw na bala. Tinawag sila ng mga kasing-edad nilang nanlaban. Lilingunin nila ang liwanag, bibitawan ang bigat ng hawak o pasan. Titindig silang sumusulak ang gantindusa sa mga mata.

Executive Order

Sa kabila ng kabi-kabilang pagtutol—na kahit ang mga dukha ay may mga karapatang-pantao rin—itinuloy ang pag-aresto at pagkapon sa mga lalaking natutulog sa lansangan. Nangyari ito isang taon makalipas pirmahan ng Pangulo ang isang executive order nang tuluyang mabawasan ang pagdami ng mga batang hamog na nagnanakaw sa mga pampublikong sasakyan. Halos isang milyon ang kinapon. Hindi makapaniwala ang lahat na ganoon na karami ang mga nakatira sa kalsada. At tila biro ng tadhana, pinatalsik ang Pangulo at kinuha ang lahat ng kaniyang mga ninakaw sa sambayanan. Ngayong wala na siya ni isang kusing, nakatakda na siyang kapunin.