Araw-araw na hinihiling ni Doning1 ang ulan
Ngunit ayaw niyang dumadalaw ang bagyo.
Sumusuksok kung sumisigaw ang mabangis na kulog
Tinatakpan ng mga kamay at tenga’t ipipikit sa guhit ng kidlat
Gaya ng tunog ng pag-akyat ng mga trakturang tagapatag.
Sumasalok siya sa mga patak ng langit
Subalit ibinubuhos muli nang mapaglaruan
ng mga insekto, ng mga bitak-bitak na kalyo
sa ligaya ng pagtigil ng mga kamay na bakal,
ang tagaguho’t tagahukay.
Sariwa pa sa alaala ni Doning, pipi mang itinuring
Ang ginawang pagkahig ng mga dambulahang daliri
At pagguho ng lahar sa pamanang lugar ni Amamang Pablo2.
Naroon, sa sulok at pinagmamasdan sa pergolang muog
Naghihintay sa pangakong-pansin ng pinunong-tribu,
Ngunit wala, wala roon, walang kadamay sa paglaban
at pagkikibaka sa lupang pamana.
Kaya’t mali,
Maling sabihing, “ang lahat ng daan ay daang pauwi”
Pagkat lahat ng daan ay daan ng pagsakop at pagkalugami.
Dahilan para di himasin ni Doning ang ulap,
At itigil ang pagsulat sa lupa sa pagkausap ng araw.
Nais niyang lunurin at patuloy na languyin ang lalim
ng dagat na putik na sandaling bumati bago pulbusin
ng mga bakal, ng mga graba’t sementong sumabay sa hangin –
ng kasaysayang ginawang pulbos at buhangin.
1 – Doning – isang katutubong Aeta ng Catanauan, Quezon at huling mag-anak sa San Jose Anyao na nananatiling nomadiko o namumuhay sa kinagisnang nilang buhay.
2 – Amamang Pablo – ninuno ng mga mga katutubong Aeta at dating pinunong tribu na lumaban sa mga dayuhan sa kanilang ancestral domain.