February 2021

Wika ng Pagdamay

Nais kong manangis kasama mo, 
ilapag muna ang ngiti ko hindi para palitan ang iyo
kung hindi upang paliparin doon sa buwan
at masuklayan ka nito ng hiram na sinag, 
kasama ng mga bituing umutang muna  
ng ningning sa aking mga balintataw.
Isasangla ko muna ang indayog ng aking paa
(dalawa naman yata silang kaliwa) upang maging 
yanig ng lupa at yayaing pumanaog ang iyong luha.
Ipapatangay ko ang tinig ng aking tawa, 
hanggang maging alingawngaw riyan sa inyo,
at maging hiyaw ng iyong pagdurusa.
Ipapaanod ko ang aking mga ayuda, patak man o silahis,
hanggang sa ang tula ko ay tula na rin ng daigdig,
ang mga bahagdan ko ay hibla ng iyong kumot,
saplot mo sa iyong hubad na lungkot. 
Magluksa ka at ‘wag mag-alala sa akin,
dahil umaawit pa ang puso ko, naghahanda
para sa kapistahan ng paghupa ng iyong bagyo,
ititira ko kasama ang tenga ko sa sandaling 
nalimbag mo na ang kuwento ng dalamhati 
at handa nang ipabasa para sabay tayong papalahaw.
Nais kong manangis kasama mo,
hanggang sa wala nang matira kung hindi tayo
dahil kung hindi tayo ay wala nang matitira.
Dahil ang wika ng pagdamay ay wika ng pag-ibig.


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.

Tiket

Lagi na lang naiiwan

Ang pilas mo sa upuan,

‘Di kaya naman nakadungaw ka 

Sa binta pagkatapos maging ebidensya.

Tangay-tangay ka ng panahon-

Sa pagmulat ng umaga

At pagkaagnas ng gabi.

Nakikilala mo ang bawat

Mukha ng paglalakbay,

    Pagbabasakali,

At panghihinayang.

Nadarama mo ang gaspang na 

Nanunuot sa palad ng mga pauwi

At pabalik. 

Matalik kang kaibigan 

Ng kanilang pag-idlip.


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.

Stay at Home

Lumikha ng ubo ang singaw
Ng gabi. Nalasahan niya
Ang kamaong inereseta ng asawa
Sa kaniyang mukha.
Malansa ang hininga ng dugo
Sa ilalim ng ilong n’yang bali.
May bubog ng pinag-ipunang 
Salamin sa sahig, kaya tila
Kumikindat ang liwanag
Sa kaniyang mga sugat
Na dati na ring pinamahayan
Ng mga lumayas na gasgas.
Parang nilaro ng ipu-ipo
Ang buhok n’yang ‘di na maalagaan.
Pinipitas niya ang mga ngiping
Sumambulat sa lamesa, tila bulaklak
Ang pagsilat niya rito —minamasdan,
Saka ihahalik sa daliri. Ingat na ingat
Niyang sinasalansa sa palad
Ang bawat rosas ng kaniyang ngiti.

Hindi siya pinahihintulutang lumabas, 
May beerus pa, ani ng balasubas.


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.

Santol

Waray nagbunga dida han katsirak 
an santol ha bungsaran.
Sugad hin maaram na hiya 
nga paprehas na la 
an tiabot nga mga adlaw–
paningkamot nga makakaon, 
makabayad hit mga baraydan, 
makapanalipod, makatalwas 
sunod na la anay an karagtatawa, 
an girok, an hiyom han kalag.

Ugaring, padayon man la gihap 
an pagrabong han iya kadahunan 
sugad han may ada la gihap 
nanganak, igin-anak 
naghigugma, hinigugma 
nangawat, ginkawatan 
nanguwat, gin-uwat 
nagpreso, ginpreso 
nagpatay, ginpatay

Read More

Sa May Divisoria

Nauna na kaming bitbitin

ang mga bagahe ng pangamba

sa may bangketa. Sa Divisoria

kung saan nanahan ang mga gunita-  

Nang minsang dinidikdik

ng mga puwersa,

itinaboy na parang mga peste 

sa malinang na kabukiran

nilimas, nilampaso

wika nila’y:

mga sagabal sa daan.

Read More