Nilalampaso ni Titser Jane ang sahig ng musoleyong putikan dahil sa pag-ulan kagabi. Ginawa nila itong panandalian na silid-aralan para sa mga batang nakatira rito sa sementeryo ng Brgy. Mayapis. At hindi sila ngayon makapagklase dahil sa kapal ng putik na pumasok sa loob nito.
Kasalukuyan siya na tinutulungang maglinis ng mga bata na kaniyang tinuturuan. Nilapitan siya ni Chelsa na tila balisa.
“Titser Jane sabi po ni Loloy na sabi raw po ng Mama niya kapag namatay raw po ang tao nagiging lupa ‘pag matagal nang nakalibing. Tinatakot niya po kami Titser Jane,” sumbong nito habang pinipilit na hindi maiyak.
Nagpupunas ng pisara na nakapatong sa ibabaw ng lapida si Loloy nang lingunin ito ni Titser Jane.
“Bakit ka natatakot? Tama naman ang Mama ni Loloy, Chelsa. Kapag namatay ang tao, kalaunan magiging lupa. Gaya ng mga nasa loob ng mga lapida na inuupuan ninyo,” paliwanag niya sa bata.
“Eh kasi Titser Jane sabi niya pinapaalis na raw po tayo ng mga lupa na nandito.”
Napatingin siya sa putik na nilalampaso.
“Hindi naman dapat katakutan ang mga patay na, Chelsa.”
Hinawakan nang mahigpit ng bata ang tangan-tangan nitong lapis, “Pero Titser Jane hindi naman po ako sa mga patay natatakot.”
This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.