TAUHAN

 

DADO – 23 taong gulang, baguhang troll, fresh grad, cum laude 

JOJO – 25 taong gulang, troll/tech guy, nagrekrut kay DADO

 

TAGPUAN 

Sa isang maliit na kuwarto, sa isang gusali katapat ng LRT EDSA Station. 

May dalawang kompyuter sa gitna at monobloc na upuan. 

Sa gilid nito ang monobloc na mesa na may patong-patong na mga papeles sa ibabaw. 

Sa kabilang gilid naman ang kabinet kung saan nakasabit ang white board na may nakasulat na:

“[/] Tinang 83, [/] Bataan Nuclear Powerplant, [/] SC Open-pit mining protesters = NPA, [ ] SHS activists = NPA”   

May CCTV sa kanang itaas na bahagi (kunwaring sulok ng dingding).

 

PANAHON

 

Taong 2022, buwan ng Hulyo, pagkatapos na pagkatapos ng opisyal na pagkaluklok kay Ferdinand Marcos, Jr. bilang pangulo.

 

Sa pagbubukas ng entablado ay maririnig ang pagdaan ng LRT kasabay ng pag-ungol ng mga lalaki. Makikita sina DADO at JOJO na nakatutok sa iskrin ng kompyuter.

 

JOJO

(Sinasalsal ang hawak na baril.) 

O ‘di ba? Ayan o, ‘yang katabi nitong may tattoo. Si Mayor, ‘di ba? Tignan mo! Titikman pa niya tamod niya, titikman niya! O, ‘di ba? Linis kayo ngayon, tangina ninyong malilibog kayo, ha!

 

DADO

Edit lang naman yata ‘yan. Delete mo na nga ‘yan!

 

JOJO 

Edited amputa! ’Yang burat na ‘yan? Kay mayor lang ‘yan! 

 

Tatanggalin ni JOJO ang flashdrive sa PC at ibubulsa. 

 

DADO

Grupo pa ang mga gago. Ang bababoy! 

 

JOJO

(Sasalsalin ang baril.)

Wow! Parang hindi ka nagsasalsal sa porn, a?

 

DADO

Puta! Itabi mo na nga rin ‘yan! Kanina mo pa ‘yan nilala—

 

JOJO

Easy, lods. Proteksyon ‘to lods!

 

DADO

Sus! Wala naman tayo sa liblib. Tapat nga lang tayo ng LRT, o! 

 

Isisilid ni JOJO ang baril sa kabinet. 

 

DADO

Ang akin, mga bata ‘yung pinapanood nila! Puwede silang kasuhan!

 

JOJO

Si Mayor kakasu—. Linis mo, a? E, ano bang pinagkaiba ninyo?

 

DADO

Iba naman ‘yung atin.

 

JOJO

Iba amputa. Dami mong shit! O, ano, nasulat mo na ba ang script? 

 

Mapapayuko lamang si DADO.

 

JOJO

‘Tay tayo diyan! ‘Yan na nga ba ang sinasabi ko. Natapos mo na nga ‘tong Tinang, ‘tong Nuclear, at itong sa Cotabato (Ituturo ang whiteboard.), mag-iinarte ka pa! Isa na lang o!

 

DADO

Hindi ba parang sobra na? Gaya niyan, hindi naman kasi talaga ‘to mga rebelde!

 

JOJO

E, ‘yun nga ang punto ng trabaho, ‘di ba? Parang hindi ka na-brief, a? Tol, ita-type at iki-click mo lang. Iki-click mo ng putangina mo lang! Matik na ‘yan. Saka lahat naman tayo kumakapit sa patalim, e! Ang trabaho, trabaho lang. Sabi mo nga, para naman ‘to sa maintenance ng nanay mo at pag-aaral ng kapatid mo. Ano ba naman ang idudulot ng isang click, ‘di ba? Saka ano bang pinuputok ng butsi mong hayop k—

 

Tutunog ang selpon ni JOJO. Sasagutin niya ito. 

 

JOJO

O, boss… Opo, mayor, natanggap ko na po ang USB… Malapit na po ba kayo?… A, huwag po kayong mag-alala, naagapan naman po natin, e! Isahan lang ‘yan, delete agad… Opo, madali na lang ‘yang mga screenshots… Opo, opo, sinusulat na po niya rito ang script… Talaga po? Salamat, mayor! Ingat po kayo!

 

Ibubulsa ni JOJO ang selpon. 

 

JOJO

O, ‘di ba? Gano’n lang! Instant tsikot ‘pag nabura ko na ‘to! Isang click! May bonus pa raw tayo kapag natapos mo ang iyo!

 

DADO

Naniwala ka naman diyan!

 

JOJO

Parang hindi ka sumasahod, a? May isang salita ‘yun si mayor! 

DADO

‘Pag may krimen! 

 

JOJO

At least, hindi siya tulad nung iba pang politiko na bonus lang ang bigay! Bonus amputa! Bwakanangshit, mga pakshit!

 

DADO

E, ba’t nagpatuloy ka pa rin? 

 

JOJO

O, e, ‘di tignan mo buhay ko ngayon. Nakapagpundar kami ni Shiela ng sari-sari store, nabayaran namin lupa sa Cavite, naka-laptop pa ‘tong si Junjun sa online class. Bigayan lang kasi talaga ‘yan, e. O tamo, ‘yung isang gago naging presidente na!

 

DADO

Anong bigayan? Sabihin mo, bayad ka!

 

JOJO

Tayo! Bayad tayo! Ipagmalaki mo ‘yun! ‘Yung iba, ngawngaw nang ngawngaw sa internet, wala namang nabubulsa! Alam mo, kung nalaman ko na ‘to noon pa, e, ‘di sana kinarir ko ‘yang Facebook. Daming uto-uto doon, e. Mga kampon ni Zuckerberg! Zuck my bird! 

 

Sandaling katahimikan. Tatayo si DADO at akmang magliligpit ng gamit. 

 

DADO

Subuin ninyo mga burat ninyo. 

 

JOJO

Hoy! Bakit ka ba nag-iinaso bigla, ha? Alam mo, kung writer lang ako, ginawa ko na ‘yang trabaho mo matigil lang ‘yang bibig mo!

 

DADO

Hindi ko na ‘to masikmura. Mali ‘to, Jo.

 

JOJO

Tanga! May tama o mali ba sa internet? Saka kung makaasta ka, parang may mahahanap kang trabaho kahit cum laude ka, a? 

 

DADO

Kahit ano, makaalis lang ako dito!

 

JOJO

Hoy, boy! Mag-AWOL ka man o mag-resign, bantay ang galaw mo!

 

DADO

Panakot lang ‘yun! Saka bakit ka ba pilit nang pilit, ha? 

 

JOJO

Aba, malamang, Dado! Trabaho mo ‘to! Pumirma ka sa kontrata! 

 

DADO

Sabihin mo, takot ka lang mawala ako kasi bawas sa porsyento mo! Sa putanginang sasakyan mo! Ano, ngayon, gagamitin na naman nilang pantapal ang mga estudyante sa kababuyan nila mayor? 

 

JOJO

Bobo! Tanga-tanga! Sige, subukan mo lang talagang lumabas!

 

DADO

Bakit, anong gagawin nila? Papatayin a—

 

JOJO

Papatayin ka! Tatambangan ka rin tulad nu’ng taga-Bulacan! 

 

DADO

Ulol!

 

JOJO

Alam mo, burat na burat na ako sa’yo! Hindi ka naman ganiyan last week, a? Ano bang inaaburido mong hayop ka? Gusto mo kong madungisan? Gusto mo k—

 

DADO

Tol, kapatid ko! Tangina ninyo, kapatid ko nandito!

 

Sisipatin ni JOJO ang iskrin. Sandaling katahimikan.

 

JOJO

O, NPA ba ‘yang kapatid mo?

 

Tititig si DADO kay JOJO.

 

JOJO

O ‘yun naman pala, e! Wala ka nang paki sa ilalabas. Ang mahalaga alam mo sa sarili mo na hindi rebelde ‘yang kapatid mo!

 

DADO

Ano, gano’n gano’n na lang ‘yun? Patay na ‘yung ilan dito, Jo! Iyang Alisa, Anton, Shaira. Lahat mga hayskul. Lahat inabangan! Paano kung siya na ang tadtarin ng mga putanginang pulis?

 

Maririnig ang pagdaan ng LRT. Sandaling katahimikan.

 

JOJO

Nanay mo o kapatid mo?

 

DADO

Ulol!

 

JOJO

Titimbangin mo lang pansamantala! 

 

DADO

Paano kung si Junjun ‘yang pinagjajakulan ni mayor? 

 

JOJO

Tangina mo! Huwag mong dinadamay anak ko! Simple-simple lang naman kasi niyang problema mo! Patigilin mo muna sa rally-rally!

 

DADO

Hindi naman ‘yun rally-rally lang. 

 

JOJO

Sabi niya! Pero may ambag ba? Napagamot ba nanay mo? E, kung pinasok mo na lang dito? E, ‘di sana may dagdag porsyento pa ‘yang sahod mo! Mapapatay ka talaga sa ginagawa mo, e! 

 

DADO

Subukan nila! 

 

JOJO

Tol, concern lang ako sa’yo.

 

DADO

Ulol. E, ba’t ayaw mo gawin?

 

JOJO

Trabaho mo, galaw mo! ‘Yan ang sabi sa kontrata, ‘di ba?

 

DADO

Ayaw mo madamay kung sakali? Duwag ka pala, e! 

 

JOJO

Ikaw ang duwag! Parang ‘to lang, hindi mo pa magawa! Makakalimutan lang din naman ‘yan ng mga makakabasa!

 

DADO

Alam mo, Jo, nilamon ka na ng kaka-troll mo! 

 

JOJO

Bakit, paglabas ng kuwartong ‘to, anong gagawin mo? Magko-call center? Mag-e-NPA tulad ng kapatid mo?

 

DADO

Tangina mo! Ikaw nga, ipagpapalit mo sa pera ‘yang anak mong jajakulan lang ng mga tulad ni Mayor!

 

JOJO

Ayusin mo ‘yang pasmadong bunganga mo, Dado. Huwag mong dina—

 

DADO

O, bakit? Totoo naman, a? 

 

JOJO

Umupo ka’t tapusin mo na ‘yang trabaho mo!

 

DADO

Jakolerong mukhang pera! 

 

JOJO

Isa pa!

 

DADO

Chuchupain mo pa nga yata sila e! Mayor, gusto ninyo chupa? Sige, Jojo, chupa, chupa, chupa!

 

Kukuhain ni JOJO ang baril sa kabinet at itututok kay DADO. 

 

JOJO

Isa pa, putangina mo! Gawin mo trabaho mo! Nakikita tayo sa CCTV! Upo!

 

DADO

Putok mo!

 

JOJO

Putangina mo, umupo ka! 

 

DADO

Putok mo! 

 

JOJO

Isa!

 

DADO

Hindi mo kaya, ‘no? Kasi uhaw ka sa bonus mula sa salsalero mong boss. Ano? Putok mo! Putok mo! Putok m—

 

JOJO

Tangina mo! Manahimik ka at umupo ka nang lintik na baguhan ka! 

 

Magsasapakan ang dalawa, subalit maaagaw ni DADO ang baril kay JOJO at maipuputok ito. Bubulagta si JOJO sa sahig.

 

Nanginginig na sasalpak ni DADO ang flashdrive sa kompyuter at magtitipa sa keyboard. 

 

DADO

Putangina ninyo, ha! Lahat na lang kinokontrol ninyo! Humanda kayong hayop kayo! Ngayon ninyo matitikman kung paano kuyugin ng mga taong ginagawa ninyong bobo. Tangina ninyong mga baboy ka— 

 

Tutunog ang selpon ni JOJO, ngunit hindi ito sasagutin ni DADO. Sa halip, kukunin niya ang baril sa kabinet, ikakasa ito, at itututok sa kanang itaas na bahagi (sa CCTV).

   

DADO

Mga gago! Anong isang click lang naman? Putangina nila, Jo. Binobobo nila tayo! Isa? Hindi sapat ang isa! Tatadtarin namin kayo! Ang dami-dami ninyong mga gago kayo! Ang dami-dami ninyong binabago ang totoo! Lumabas lang talaga kayo, ipuputok namin ‘to sa ulo ninyo! Mga putangina ninyo!

 

Biglang maririnig ang pagdaan ng LRT. Mapapalingon si DADO sa bintana. Magdidilim ang entablado.

By Mark Andy Padere

Nagmula sa lunsod ng Taguig si Mark Andy Pedere. Ang kaniyang panulat ay pangunahing umiikot sa mga paksang pampersonal patungong panlipunan: naratibo ng kabaklaan, karanasan sa looban, at mga absurdong eksena mula sa pakikipagsapalaran sa urban. Ilan sa mga akda niya ay mababasa sa Entrada, Agwat-Hilom 2, TLDTD Journal, Voice & Verse Poetry Magazine, at iba pa. Nagwagi siya sa ilang pambansang patimpalak at naging fellow ng Palihang Rogelio Sicat at Virgin Labfest Writing Fellowship Program. Kasalukuyan siyang mag-aaral ng Philippine Studies sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman. Ilan sa mga interes niya ay ang mga sumusunod: film, folklore, media studies, gender & identity, at urbanhood.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.