MATUWA nga kaya kung ako’y magtapat

Tanggapin n’ya kayang sa dibdib maluwag

Na ang daliri ko’y tumitikwas-tikwas

At pakendeng-kendeng sa aking paglakad?

NAHILING niya kay Lord na sana kapag nagtapat siya sa Papa niya ay maging katulad ito ni Bes na tuwang-tuwa sa kanya. Na kapag nagsasayaw siya sa sala ay sumasabay ito sa kanya. Pumipitik-pitik ang mga paa nito kapag tumitikwas at pumipila-pilantik ang mga daliri niya. Kumekendeng-kendeng din kasabay ang buntot na pinaiikot-ikot kapag kumekendeng-kendeng siya. Gumigiling-giling din kapag gumigiling-giling siya. Gumugulong-gulong din kapag gumugulong-gulong siya. At kapag sumisigaw-sigaw siya, ngumingiyaw-ngiyaw naman ito. Na ikatitigil lamang nilang pareho kasabay nang pagpapakalong nito sa kanya kapag bumubukas na ang gate nilang bakal. 

Nagtatrabaho ang Papa niya sa kanilang munisipyo bilang ingat-yaman. Hinahatid-sundo siya nito sa kanilang eskwelahan. Kapag may abiso ang kanilang adviser na walang pasok dahil may dadaluhang seminar, may staff conference, may LAC session, magho-host ang school sa isang municipal, zonal o division activity ay tuwang-tuwa siya dahil makapagsasayaw siya nang buong laya sa kanilang sala, lalo na kapag umuwi na si Nang Maria matapos nitong maglaba at magsampay, at magluto ng pananghalian nilang mag-ama. Gayundin kapag Sabado at Linggo, kapag nasa bundok ang kanyang Papa at binibisita ang nagbubulay ng abaka o di kaya’y kapag nasa bukid ito at binibisita ang palayan nila. 

Kapag nasa bahay kasi ang Papa niya at napapaindak siya habang nanonood ng variety show sa tv o habang nakikinig sa DVD player ay papansinin nito agad ang galaw niya. Dapat walang titikwas at pipilantik na daliri. Walang sobrang kendeng. Walang sobrang giling. Walang gulong. Walang sigaw. 

Ang tuwa sa mukha biglang naglalaho

Gusto kong i-express 

Ang nasasaloob, di dapat itago

Pero sinu-suppress!

“LAHI tayo ng matatapang. Ang Lolo mo ang isa sa pinakamatinik na sundalo sa kanilang hukbo. Namatay man siya ay dahil walang takot n’yang hinarap ang mga rebelde upang mailigtas niya ang kanyang mga kasamahan sa tiyak na kamatayan,” pagkukuwentong muli ng Papa niya tungkol sa katapangan ng kanyang Lolo na ginawaran ng Medal of Valor na tinanggap ng kanyang Lola.

“Andres the Second ako, the Third ka. Pangalan pa lang, katapangan na ang ipinapakahulugan… dapat, matapang ka. Paglalapastangan sa alaala ng Lolo mo kung hindi ka magiging matapang. Nakuha mo ako?” Iyon ang madalas na sabihin sa kanya ng Papa niya kapag lalambot-lambot siyang gumalaw.

Gusto niyang sabihin sa Papa niya na hindi naman siya si Andres Bonifacio. Na hindi naman siya ang kanyang Lolo. Na kapag lalambot-lambot ay hindi ibig sabihin, hindi na matapang. Kaya lang kapag gusto na niyang mangatwiran, mauunahan na siya ng kanyang Papa. 

The Third ka, tandaan mo!” may diin na sasabihin ng Papa niya. Na sa paulit-ulit na pagpapaunawa sa kanya ay lalong naguguluhan siya. Kung The Third siya, at The Second ang Papa niya, dapat sundalo ang Papa niya at siya ay magiging sundalo rin, pero hindi naman sundalo ang Papa niya, ingat-yaman nga ito sa kanilang munisipyo. 

Ako’y nalilito

Laging sinasabing tularan si Lolo

Matapang na tao 

Di po ba dapat lang na s’ya ri’y sundalo?

“Di pumayag ang Lola mo na magsundalo ako, nasabi ko kasi rito na gusto kong maging Accountant. Narinig ko ang pagtatalo ng Lolo at Lola mo sa kukunin kong kurso ngunit nanaig ang Lola mo. Nanaig ang pangarap ko. Pero dahil nananalaytay ang tapang sa dugo natin, naging aktibista akong estudyante, di lang basta aktibista kundi ako pa ang namuno… nilabanan namin ang tuition fee hike, nag-demand kami ng kompletong school facilities at iba pa na sa tingin namin ay makapag-aambag sa pagkakaroon ng quality education! Nakilala ang tapang ko… tuwang-tuwa ang Lolo mo. Tatapik-tapikin ako sa balikat at sasabihang The Second ka nga at saka sasaluduhan.”

Andres…

The Second…

The Third…!

KAPAG tinatawag siyang The Third ng Papa niya ay naaalibadbaran siya. Ang gusto kasi niyang itawag sa kanya ay Thirdy. 

“Thirdy. Malambing ang tunog. T-h-i-r-d-y, Thirdy! O, di ba, Bes?” ngumiyaw si Bes na nagpapapungay.

Naisip niya na kung hindi namatay ang Lola niya pagkatapos nang mag-iisang taong pagkamatay ng Lolo niya dahil sa madalas bangungutin ng pagkakatadtad ng bala ng kanyang Lolo sa huli nitong laban ay ipinagtatanggol sana siya nito sa Papa niya lalo na siguro ang Mama niya kung buhay rin ito. Namatay daw kasi ito sa pagsilang sa kanya. Naniniwala siya na ipagtatanggol siya nito kung anuman siya. Gaya ng pagtatanggol daw nito sa kanya nang malaman nitong ipinagbubuntis siya. Hindi raw ito nagdalawang isip na ituloy ang pagbubuntis sa kanya dahil biyaya raw siya ng Diyos at hindi makahahadlang ang lumalalang sakit nito sa puso upang makita niya ang mundo. 

-Hayaan mo ang ‘yong anak sa kanyang gusto…- sasabihin siguro ng kanyang Lola- Doon s’ya magiging masaya… tulad ng pagpili mo sa’yong kurso kaysa magsundalo- siguro idadagdag nito.

-Kapag lalambot-lambot ba ay hindi na matapang?- sasabihin siguro ng kanyang Mama sa kanyang Papa- Lalambot-lambot ako, pero hindi ako duwag… matapang ako! Bakit papag-aastahin natin s’yang matipuno kung sa pagiging malambot, s’ya ay nagiging matapang?- siguro idadagdag nito.

May mga sandaling ako’y umiiyak

Walang makausap

Ulo’y sumasakit, dibdib namimigat

Sana’y may kausap.

NAIPAGPASALAMAT niya na may naligaw na pusa sa kanilang bahay.  Isang araw iyon na umiiyak siya sa kuwarto niya dahil nga sa kasasaway sa kanya ng Papa niya sa pagtikwas at pagpila-pilantik ng kanyang mga daliri, pagkendeng-kendeng, paggiling-giling, paggulong-gulong at pagsigaw-sigaw habang sumasayaw. Pumasok sa bukas na bintana ng kuwarto niya ang hindi pa kalakihang puting pusa. 

“Mi-yaw… mi-yaw….” mahinang ngiyaw nito.

“Mi-yaw… mi-yaw….” ginaya niya ang pusa habang bumabangon. 

Tiningnan siya nito. At akmang tatalon palabas sa bintana.

Hindi siya kumilos at baka tuluyang lumabas ang pusa. 

“Mi-yaw….” parang nakikiramdam din ang pusa.

“Mi-yaw….” mahinang tugon niya upang hindi matakot ang pusa.

“Mi-yaw….” humakbang na ang pusa palapit sa kanya.

“Mi-yaw….” ibinuka na niya ang kanyang mga palad. At sa pagdantay doon ng pusa ay may ngiting sumilay sa kanyang mga labi. Hindi niya napigilang yakapin ang pusa. Na ikinuskos-kuskos naman nito ang nguso sa kanyang leeg na ikinakiliti at ikinatawa niya. Hanggang sa naghabulan sila at nagpagulong-gulong sa kama. Hanggang sa bigyan niya ito ng pagkain sa kanilang kusina.

“Ipagtanong mo ‘yan sa kapitbahay, pagkatapos mong mapakain,” utos sa kanya ng Papa niya nang makita nito ang pusa. “Hahanapin ‘yan ng may-ari….” dugtong nito.

“Pa… atin na po ‘to,” sabi niya.

“Ang hindi atin ay hindi atin,” tugon ng Papa niya.

Bagamat masakit sa kanyang loob ay ipinagtanong niya sa kanilang mga kapitbahay kung sa kanila ang pusa. 

Naglulundag siyang pauwi habang kalong-kalong ang pusa dahil walang nagmay-ari nito sa kanilang mga kapitbahay. 

“Mula ngayon ikaw na ang kalaro ko… ang kaibigan ko… ang magiging kau-kausap ko,” sabi niya sa pusa. “Tatawagin kitang Bes,” sabay yakap dito na muling nagkuskos ng nguso nito sa kanyang leeg. 

“Wala bang may-ari?” tanong ng Papa niya nang makita sila nitong naglalaro sa sala.

“Wala po, Pa,” sagot niya. “Atin na po ‘to.”

Sagot ka Bes ni Lord sa ‘king panalangin

May kalaro na ‘ko at kausap na rin

Kasabay sa sayaw, sa paggiling-giling

Na pagbukas ng gate ay napapatigil.

DAPAT bang katulad ko talaga ang Lolo, Bes?” sabi niya sa pusa habang hinahagod-hagod ang ulo nito. “Na matipuno? Na matikas kung maglakad? Na dumadagundong ang boses kung magsalita? Hindi ba katapangan ang ipakita ko kung ano ako?” 

“P’wede kang magsayaw pero hindi ganyang talo mo pa ang babae sa galaw,” puna ng Papa niya na parang nag-aaktibista.

Nahihirapan siya. Gusto niyang ilabas kung ano ang nasa loob niya pero ayaw ng Papa niya. 

“Dapat matapang!” umaalingawngaw sa isip niya ang madalas na sinasabi ng kanyang Papa.

“Hindi ba katapangan ang paggawa ng mga gawaing hindi halos ginagawa ng aking mga kaklaseng lalaki, Bes?” sabi niya sa pusa habang kalong ito.

Nakapaghahanda na siya ng hapag-kainan. Nakapaghuhugas na siya ng kanilang kinainan. Tumutulong siya minsan sa pagtutupi ng kanilang mga damit na nilabhan at pinalantsa ni Nang Maria. At maging sa pagluluto ng Papa niya ng kanilang almusal at hapunan ay tumutulong din siya paminsan-minsan.

“Hindi ba katapangan ang harapin ko ang mga nambu-bully sa akin at gawin ang lahat na mga assignments, projects, at performances na nire-require ng mga titser ko, Bes?” sabi niya sa pusa habang hinahaplos-haplos ang balahibo nito.

Isa siya sa mga nangunguna sa kanilang klase. Pinapalakpakan sila ng Papa niya tuwing Quarterly Awarding sa kanilang eskwelahan dahil lagi siyang nagagawaran ng Sertipiko ng Pagkilala.

Ako ay matapang

kahit na malambot.

Kahit na malambot

ako ay matapang.

SABADO ng gabi, pagkatapos maghapunan ay kinausap niya ang kanyang Papa.

“P-pa, w-wag ka p-pong m-magagalit…” 

“Bakit, may nagawa ka bang mali sa school?”

“P-pa…”

“Ano nga?”

“B-beki po ako.”

“Walang malambot sa lahi natin. Ilang beses kong ipinauunawa sa’yo… !”

“N-nahihirapan na po akong maging matipuno, Pa. Wala naman pong masama sa ginagawa ko, di ba? Wala naman po akong ginagawan nang masama, di ba?”

“Lahi tayo ng matatapang!”

“Matapang naman po ako, di ba, Pa. Matapang naman ako! Mabuti pa po si Bes, naiintindihan ako… kayo, hindi!”

“’Yan ba ang tapang na ipakikita mo sa ‘kin? ‘Yan ba?” At tumalikod ang Papa niya kasunod ng pagpasok nito sa sariling kuwarto.

Pumasok na rin siya sa kanyang kuwarto. Mabigat ang mga paa. Sinundan siya ni Bes. Ngumingiyaw-ngiyaw. Pumipitik-pitik ang mga paa. Kumekendeng-kendeng na pinaiikot-ikot ang buntot. Gumigiling-giling. Gumugulong-gulong.  Ngumingiyaw-ngiyaw. Pero hindi siya naaliw kay Bes. Tinatanong niya ang sarili kung talagang mali ba siya sa ginawa niyang pagtatapat sa kanyang Papa at sabihin ditong hindi siya naiintindihan.  Hindi naman niya talaga gustong magkasamaan sila ng loob ng kanyang Papa. Ang gusto lamang niya ay ang maintindihan siya at matanggap siya. Kasabay ng paghiga niya sa kama ay ang pagluha niya. Nakatulugan niyang inaaliw siya ni Bes.

Kinabukasan, Linggo, ipinakiusap siya ng Papa niya sa kanilang kapitbahay na si Nang Martina na regular ding nagsisimba na isabay siya sa pagpunta sa simbahan dahil masakit daw ang ulo nito. Dahil ba kagabi?

Masakit din ang ulo niya. Dahil kagabi. 

“Sumabay ka na kay Nang Martina,” sabi nito sa kanya nang huminto ang traysikel nina Nang Martina sa tapat ng bahay nila.

Ayaw niya rin sanang magsimba kahit pa nakabihis na siya. Mas gusto niyang magkausap silang muli ng Papa niya. Ngunit nang ngumiyaw si Bes at nagbabay sa kanya, nagbabay na rin siya rito at lumabas na ng bahay.

Sa simbahan ay nagdasal siya. Hiniling na mawala ang sakit ng ulo niya gayundin ang sa kanyang Papa. Humingi siya ng tawad kay Lord dahil napagsalitaan niya ang Papa niya.  Humiling siya kay Lord na sana pag-uwi niya ay maunawaan na siya ng Papa niya at matanggap na.

Pagpasok pa lang niya sa gate nila ay buo na ang loob niya na humingi ng tawad sa Papa niya at ipakiusap dito na tanggapin siya katulad ng pagtanggap ng mga magulang ng ilang kaklase niya. Lalo na’t dadalawa na lamang sila sa buhay pangatlo si Bes. Nagkurus pa siya at pinagdaop ang mga palad.

Pagpasok niya sa sala ay naulinigan niya na may tumutugtog sa kuwarto ng Papa niya. Iyon ang tugtog na madalas niyang sayawan ngunit madalas siyang sawayin ng Papa niya.   Bakit kaya pinatutugtog iyon ng Papa niya ngayon?

Tiningnan niya ang DVD player sa sala. Wala roon sa kinalalagyan. 

Maingat niyang pinihit ang door knob. Hindi naka-lock. Napamulagat siya. Nakita niya ang Papa niya na nagsasayaw. Tikwas ang mga daliri at ipinipila-pilantik. Kumekendeng-kendeng. Gumigiling-giling. Gumugulong-gulong. At sumisigaw-sigaw. 

Sobrang masakit kaya ang ulo ng Papa niya? 

Napasigaw siya at naitulak pabukas nang tuluyan ang pinto ng kuwarto ng Papa niya nang tumalon sa kanyang likod si Bes. 

Inayos agad ng Papa niya ang pustura nito. Tumigas ang kaninang malambot na katawan. Kumuyom ang kaninang tumitikwas at pumipila-pilantik na mga daliri. At biglang hinagilap ang remote ng DVD player sa kama at pinatay ang tugtog. 

Kinuha niya ang remote at muling binuhay ang tugtog. Hinawakan niya sa kamay ang Papa niya at nagsabi, “Sa’yo pala ako nagmana ng galing sa pagsayaw, ‘Pa. Sayaw po tayo!”

Ayaw ng Papa niya. Gumiling siya na hindi bumibitaw sa kamay ng Papa niya, sa halip ay nanghihila na nagsasabing sabayan siya. Na ikinasayaw na rin ng Papa niya.

Kumendeng-kendeng. Gumiling-giling. At bumitaw siya sa kamay ng Papa niya. Sabay silang gumulong-gulong. At sumigaw-sigaw.

Ngumiyaw-ngiyaw naman si Bes.

Pagkatapos ng tugtog ay niyakap siya ng Papa niya. Nagtapat ang dibdib nila. Tumatambol sa isa’t isa.

“Tunay kang Andres… Di ka pagagalitan ng Lolo mo… Matapang ka… Di ako naging kasingtapang mo… I’m proud of you, T-h-i-r-d-y!

Humigpit ang yakap ng Papa niya sa kanya.  Lumakas ang pagtambol ng dibdib nila. Naluluha siya. Tumalon si Bes sa balikat niya. Ngumiyaw-ngiyaw.

Nalathala sa Liwayway Magasin, Oktubre 16-31, 2020 isyu.


This literary piece is part of Katitikan Issue 4: Queer Writing.

By Arnold Valledor

Arnold Matencio Valledor ay may asawa at apat na anak, Punongguro II, at kasalukuyang Officer-in-charge Public Schools District Supervisor ng isang distrito sa Hilagang Catanduanes ay naging fellow ng 10th Ateneo National Writers Workshop taong 2010. Nalathala ang mga akda (maikling kuwento, maikling-maikling kuwento, dagli, maikling kuwentong pambata, tula, artikulo at tapusang komiks) sa Liwayway Magasin. Nalathala ang maikling kuwento at tula sa ANI 40 at 41, Cultural Center of the Philippines Literary Journal (2018). Kabilang ang tatlong dagli sa LAGDA: Journal ng Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas at isa sa antolohiyang AKSYON: Dagli ng Eksenang Buhay ng 7 Eyes Productions (2020). Kabilang ang maikling kuwento sa antolohiyang BALINTUNA: Mga Kuwentong Kakatwa, at ilang tula sa antolohiyang LAKBAY: Mga Tulang Lagalag ng 7 Eyes Productions (2020); tula sa Kasingkasing Nonrequired Reading in the Time of COVID- 19 Alternative Digital Poetry Magazine Issue No. 4 (April 2020); at maikling kuwento sa antolohiyang BALLIGI: Mga Kuwentong Tagumpay at Pagpupunyagi ng KAISA (Kapisanang may Adhikain na Itaguyod ang Sining sa Akademya) (2020).

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.