kamatis march
araw-araw siyang nagmamartsa
sa tapat ng bahay namin
nakasampay ang sako sa likuran
habang inuusisa ang aming
basurahan sa kung ano mang maglilikas
sa bagyo ng kanyang gutom
boteng pambenta o mga
papel o bakal na maipakikilo pa.
minsan akong nagpatalo sa awa’t
konsensya: nag-iwan ng tatlong pisong
barya sa tabi ng kalkalan, sukli
sa sinakyang traysikel
tinitigan niya ito, at hindi ginalaw
habang isa-isang dinadampot
at pinapagpag ang mga padurog
at pabulok nang kamatis nawalang-panghihinayang kong
itinapon kaninang umaga.