Calle Burgos
Mag-aalas sais na nang araw na yaon. Inagahan ni Atong ang pag-uwi mula sa pinapasukang trabaho na pagmamay-ari ng Intsik na nakapangasawa ng Tagalog. Nang marinig ni Burnok ang pitada ng kanilang traysikel sa labas ay dagli siyang gumayak, sinuot niya ang bagong biling damit na mula pa sa anim na buwan na ipon, t-shirt na halagang 80 piso’t may tatak ng Dragonball Z. Sa araw kasi na yao’y mayroong pangako ang kanyang ama, bibisita raw sila sa isang lugal kung saan mayroong matatangkad na manika na Arabo, may hawak ang mga ito na baston, nakabalanggot ang ulo, mahahaba ang kanilang balbal, may mga tupa at baka sa kanilang paligid, at parang nasa isang malaking kamalig silang lahat na naiilawan nang nakasabit na tala ang ibabaw ng kanilang dampa. At matamis-wagas-banal ang pangako ng ama, sa unang pagkakatao’y dadalhin niya ang anak sa palad ng uniberso, maliligo sila kapwa sa ilalim ng mga tinuhog na tala at buntala kasama ang iba pang nilalang sa gabing yaon ng pagpapasinaya.
Katatapos lang ng Ikalawang Digmaan nang palihim na ipinamalita ng kuryer na si Alejandrino ang isang maganda ngunit nakakatakot na balita.
Read More