Short Stories / Fiction in Filipino

Walang Susing Musoleyo

Nilalampaso ni Titser Jane ang sahig ng musoleyong putikan dahil sa pag-ulan kagabi. Ginawa nila itong panandalian na silid-aralan para sa mga batang nakatira rito sa sementeryo ng Brgy. Mayapis. At hindi sila ngayon makapagklase dahil sa kapal ng putik na pumasok sa loob nito. 

Kasalukuyan siya na tinutulungang maglinis ng mga bata na kaniyang tinuturuan. Nilapitan siya ni Chelsa na tila balisa.

“Titser Jane sabi po ni Loloy na sabi raw po ng Mama niya kapag namatay raw po ang tao nagiging lupa ‘pag matagal nang nakalibing. Tinatakot niya po kami Titser Jane,” sumbong nito habang pinipilit na hindi maiyak.

Read More

Quaranfic

Tondo 1

“Nay pwede na lumabas?!” Napabalikwas sa higaan si Jeng-jeng nang makarinig ng mga naghuhuntahan at naglalarong bata.

“Oo, ikaw na lumabas para bumili ng ulam at marami pa kong isasampay. Yung kapatid mo papasukin mo na rin dito!” 

Agarang tumayo si Jeng-jeng at kinuha ang barya mula sa ina.

Read More

Sanayan Lang ang Pagpatay

Mag-aalas kwatro ng madaling araw, nagpaalam kang umalis. Tumambad sa atin ang mga bote ng alak na iniwang gumugulong sa kalsada ng mga sundalong halos kauuwi pa lamang.

Mag-aalas kwatro ng madaling araw, nagpaalam kang umalis. Isang oras na mas maaga sa karaniwan mong gayak. 

Hindi ka pa nakalalayo ng bahay, nakarinig na ko ng magkakasunod na putok. Huwag daw akong lalapit at kahit magpumilit, anong laban ko sa dahas ng armadong militar?

Naging maligalig ang mga sumunod na araw. Nakipagbarilan ka raw, sabi sa radyo. Rebelde ang tawag sayo ni mayor. Isa ka raw sa sampung NPA na napatay sa shootout, balak parangalan ng Palasyo ang mga pumaslang sa iyo.

Gusto kong dukutin nang direkta ang bituka ko sa patong-patong na sakit na di ko na masikmura. Wala silang respeto sa alaala mo. Inangkin nila ang buhay mo at pinipilit nilang baguhin ang katauhan mong para bang sila ang may-ari.

Mag-aalas kwatro ng madaling araw, nagpaalam kang umalis. Bago buksan ang gate, sinigurado mong nasa bag ang baon mong tubig, lapis, at test permit. 

Ang Huling Sayaw ni Sebyo

Ika-walo na ng umaga nang magising ako sa mga palakpak at halakhak ng mga drayber ng traysikel na naghuhuntahan sa labas. Kinusut-kusot ko ang aking mga mata . Napatingin ako sa kisame at naaninag ko ang mga butiking nag-akyat manaog dito at sa mga kantuhang haligi ng aking silid. Hinagilap ko  ang aking  salamin sa matang nakapatong sa munting mesa sa gilid ng aming kama. Pagkatapos ng saglit na pag-antada ay saka tumungo sa terasa ng aming bahay.  Natanaw ko ang mga drayber . Animo’y nanonood ng isang palabas nina Dolphy at Panchito. Nasa harap nila si Sebyo, kumakandirit at tumitili habang sumasayaw. Libang na libang ang mga drayber sa kanyang pagsayaw. Siya naman ay labis ang pagkaaliw sa kanilang paglilibang.

Suot na naman ni Sebyo ang kremang salakot. Kapag pabirong inaalis ito ng sinuman sa  Sityo Batong-Buhay,tila nahuhubaran si Sebyo. Patakbo siyang uupo saanman maibigan, ilalagay ang baba sa mga tuhod na nakatupi. Kasabay nito ay iniyuyuko niya ang ulo. At sa kahit anong palakpak at tawag, hindi siya tutugon. Hindi maipaliwanag ng sinuman, kahit ng mga matatanda sa sityo,kung anong taglay na kapangyarihan ng salakot niya. Kung bakit hindi mabuti ang dulot nito sa kanyang disposisyon.

Read More