Mga Tauhan:

AISHTAR – Pansamantalang nanunungkulan bilang Reyna ng Somora (kaharian ng mga nimfa), panganay na kapatid nina Seethar, Delsha, at Eira.

SEETHAR – Pangalawa sa magkakapatid na mga Prinsesa ng kahariang Somora

DELSHA –  Pangatlo sa magkakapatid, pinuno ng mga mandirigma ng Kahariang Somora

EIRA – Ikaapat at huli sa magkakapatid na Prinsesa

HOURA – Reyna ng Kahariang Ptares (kaharian ng paninira at kasamaan)

CLAUDIO 

Mga Nimfa ng Somora

Mga Alagad ni Houra

UNANG TAGPO:

(Sa kaharian ng Somora, makikita ang apat na Prinsesa na pawang naghihinagpis sa harap ng iba pang nimfa. Sila ay nakatayo sa harapan, malamlam ang mga mukha’t pilit na pinipigilan ang pagtulo ng mga luha.)

Aishtar: Matagal nang panahon mula nang maramdaman natin ang ganitong pagtatangis, iyon ay noong nawala ang aming Ina, ang ating Reyna. Ngunit ngayon, sa di inaasahang pangyayari, isa na namang minamahal ng kaharian ang binawi ng ating May Kapal. Ang aming Ama, ang ating Hari. (Bahagyang iyuyuko ang ulo).

Delsha: At dahil sa walang pormal na pahayag ang Hari kung sino ang itinalagang susunod na pinuno ng Somora, napagdesisyunan naming magkakapatid na ang Mahal na Prinsesa Aishtar ang pansamantalang tatayo bilang ating Reyna habang hindi pa tiyak kung sino ang susunod na uupo sa trono.

Seethar: Ngunit, nais sana naming hingin ang inyong panig kung sang-ayon ba kayo sa aming napagkasunduan.

(Mag-uusap-usap ang mga nimfa)

Nimfa 1: Kami po’y nalulugod na maging pansamantalang Reyna ang ating Mahal na Prinsesa Aishtar. Siya’y may higit na kaalaman at karanasan sa mundong ito kung kaya’t mas magiging madali para sa kanya ang mamuno.

Nimfa 2: Kami po’y sumasang-ayon sa inyong desisyon, siya naman talaga ang pinakamarunong sa ating lahat. 

(Masisilayan ang matitipid na ngiti ng lahat) 

Eira: (pabulong na kakausapin si Seethar) Wala ba akong maaaring ipahayag sa mga nimfa?

Seethar: (pabulong na sasagutin si Eira) Manahimik ka, magsasalita na si Aishtar. 

Aishtar: (mababakas sa mukha ang biglang kagalakan) Hindi ko inaasahang pati kayo’y magtitiwala sa akin. Isang karangalan ang mamuno sa ating kaharian kaya’t maraming salamat at binigyan ninyo ako ng pagkakataon. (Yuyuko sa harap ng mga nimfa)

(Lahat ng mga nimfa pati na ang mga prinsesa’y luluhod sa harap ni Aishtar)

IKALAWANG TAGPO:

(Isang hapag-kainan ang sasalubong sa pagbukas ng tabing, makikita roon na masayang nagsasalu-salo ang magkakapatid na prinsesa, maliban kay Eira)

Aishtar: Eira, ano pa’t hindi mo ginagalaw ang iyong pagkain? (Mababaling ang atensyon ng dalawa pang prinsesa kay Eira)

Eira: Bakit hindi man lang ninyo ako binigyan ng kahit ilang segundo para makapagsalita kanina sa harap ng mga nimfa? Alam naman ninyong bibihira kong makasalamuha ang ibang nimfa, iyon na lamang ang aking pagkakataong makausap sila ngunit ipinagkait ninyo sa akin! (Galit na aalis sa harap ng piging)

Delsha: Eira! Isang paglabag sa batas ng kaharian ang tumalikod sa hapag-kainan ng mga dugong bughaw! Bumalik ka rito! Eira! (Makikita ang inis sa ekspresyon ng mukha; akmang hahabulin si Eira ngunit pinigilan ito ni Aishtar.)

Aishtar: Intindihin na lang ninyo si Eira. Mahirap para sa kanya ang ating ginagawang paghihigpit sa bawat kilos niya. 

Seethar: Iyon na nga Aishtar, hinihigpitan siya para naman sa ikabubuti niya. Ano ang mahirap intindihin doon? 

Delsha: Nahihirapan siyang sundin ang mga bilin natin dahil sa hindi naman talaga siya ——–

Aishtar: Delsha, ang iyong bibig! Manahimik ka!

Delsha: Ipagpaumanhin mo, Aishtar, hindi na mauulit pa.

Aishtar: (Seryoso ang mukha pati ang tono ng pagsasalita) Dapat lang, Delsha. (Ibabaling ang tingin kay Seethar) Pati na rin ikaw, Seethar. 

(Tahimik na tumango ang dalawang napagsabihang prinsesa, tanda na sila’y nangangako kay Aishtar.)


IKATLONG TAGPO:

(Sa kahariang Ptares, masisilayan ang matandang suot ay malaking itim na tela, ito ay nakaupo sa tronong gawa sa mga buto ng tao. Ang pinaghahariang lugar ay madilim, masalimuot, maraming patay na puno’t halaman at mga kakatwang hayop.)

Houra: Ano ang hatid mong balita, aking alipin? (Habang nagsasalita’y hinahaplos ang alagang hayop na nakapatong sa kanyang mga hita)

Alipin 1: Tagumpay ang iyong plano, Mahal na Reyna. Patay na ang Hari ng Somora. At ngayo’y pansamantalang mamumuno ang panganay na anak nito – si Aishtar. 

Houra: (Hinay-hinay na papalakpak sabay ang mala-diyablong halakhak) Kaawang-awang Somora. Ngayon, unti-unti nang babagsak ang imperyo nila. (Hahalakhak ng malakas) Mapapasaakin na ang Shiro. Manunumbalik ang aking lakas at kagandahan! (Mas lalo pang lalakas ang halakhak)

IKAAPAT NA TAGPO:

(Sa labas ng Kaharian ng Somora, makikita ang dalisay na kapaligiran. Ito ay makulay, maraming puno at bulaklak. Doon makikitang nagtitipon-tipon ang grupo ng mga nimfa, at sa unahan nila’y naroon si Delsha)

Delsha: Pinatipon ko kayong lahat ngayong hapon sa kadahilanang isang marangal na misyon ang inyong gagampanan sa ating kaharian. Ang ating hukbo ang naatasan ng Reyna Aishtar na magbantay sa kayamanang alam nating walang tutumbas. 

Nimfa 3: Ang Shiro ba ang inyong tinutukoy Mahal na Prinsesa? 

Delsha: Tama, iyon nga ang tinutukoy. Mahalaga pa sa buhay ng kalakawan ang Shiro. Ito ang tanging gamot na maaaring gawing imortal ang isang mortal at gawing bata’t maganda habang buhay ang isang matanda. Ito ay nag-iisa lamang sa buong kalangita’t kalupaan. Kaya’t ganun na lamang ang labis na pag-aalala ng ating Reyna Aishtar kung sino ang maaaring magbantay doon sa kinaroroonan ng Shiro. Mabuti na lamang at naririto kayo, handang maglingkod sa kaharian. 

Nimfa 4: Isang malaking gampanin ito, Mahal na Prinsesa. Kung kaya’t isang karangalan para sa aming lahat ang maatasang magbabantay ng Shiro.

Delsha: Maski ako’y nagagalak na tayo ang pinagkatiwalaan ng Mahal na Reyna Aishtar. Ngunit, nais ko sanang ipaalala sa inyo na ang kayamanang ito’y matagal na ring inaasam na makuha ni Houra, ang pinuno ng Ptares. Alam nating sya’y makapangyarihan at mahirap na kalaban, kaya’t kailangang mas maging matatag ang ating Hukbo alang-alang sa ikabubuti ng ating kaharian. 

Mga Nimfa: Maaasahan ninyo iyan, Mahal na Prinsesa. (Yuyuko ang lahat bilang paggalang sa Prinsesa Delsha)

IKALIMANG TAGPO:

(Sa kwarto ng Prinsesa Eira: makikita itong hawak-hawak ang larawan ng Ama’t Ina habang unti-unting pumapatak ang luha.)

Eira: Bakit ganoon, Ina? Bakit, Ama? Hindi ba talaga ako mahalaga sa kahariang ito? Magmula nang mamulat ako sa mundong ito, wala na akong ginawa kundi ang sumunod sa mga utos at bilin nila. Ano ba ako rito? Prinsesa o Alipin? Ang hirap namang intindihin. Sa tuwing ninanais kong makatulong sa ibang nimfa, pinagbabawalan ako baka raw mahirapan pa ako. Kapag nais kong mag-ensayo ng tulad sa Hukbo ng Somora, huwag na raw baka masugata’t manghina ako. Sa tuwing nais ko namang lumabas at makisalamuha sa ibang nimfa’t nilalang, hindi maaari sa kadahilanang hindi ko pa raw lubusang alam ang tamang pakikipag-usap sa mga ito. (Matitigilan ng ilang segundo dahil sa pagluha) Hindi ko na alam aking Ina’t Ama. Kung ano ang dapat ko lang gawin. Sana’y hindi umabot sa puntong susuko na talaga ako sa paghihigpit nila sa akin. (Makikitang mapapalitan ng poot ang ekspresyon ng mukha na dati’y malamlam at malungkot)

(Mababaling ang kanyang atensyon sa taong kumakatok sa kanyang pinto)

Eira: Sino iyan?

Aishtar: Ako ito, si Aishtar. Maaari ba akong pumasok?

Eira: Bukas iyan.

Aishtar: (Papasok itong may dalang pagkain para kay Eira) Dinalhan kita ng makakain, alam kong hindi ka pa nabubusog. (Ilalapag ang dalang pagkain sa higaan ng kapatid; lalapit ng bahagya kay Eira) Mahal kong kapatid, ipagpaumanhin mo na sana kung hindi ka nakapagsalita sa harap ng mga nimfa kanina. Hindi naman namin intensyon na ipagsawalang bahala na lamang ang iyong presensya dito sa kaharian, iniisip lang namin ang iyong kaligtasan. Malayong-malayo ang aming edad sa iyo Eira, kaya’t di hamak na mas kakayanin na namin ang mga pagsubok sa kaharian. Samantalang ikaw, napakabata mo pa, marami ka pang dapat na matutunan bago ka maging ganap tulad namin.

Eira: (Tatalikod na parang walang naririnig)

Aishtar: Isa pa iyan sa mahirap sa iyo Eira, sa tuwing pagsasabihan ka’y parang walang pakialam!

Eira: Halos pang-isang milyon na iyan, Aishtar! Pang-isang milyong paalala, pang-isang milyong pangangaral, at pang-isang milyong pagpapaliwanag! Hindi ako isang bingi na hindi naririnig ang lahat ng pinagsasabi ninyo sa akin. Hindi rin ako mangmang na hindi makikita ang paulit-ulit ninyong paghihigpit sa aking bawat kilos. Matagal na akong naghahanap ng mga kasagutan sa aking mga tanong, ngunit ni isa sa inyo’y walang nangahas na maliwanag na sagutin ang mga iyon. Napakagahaman ng inyong budhi, wala kayong inisip kundi ang ikabubuti ng inyong mga pangalan!

Aishtar: Nagkakamali ka, Eira. Huminahon ka. Maiintindihan at masasagot ang iyong mga tanong sa tamang panahon. Sa tamang panahon na itinakda ng Bathala para sa iyo.

Eira: Tamang panahon? Kailan pa ba iyan? Noong ako’y bata pa, iyan na ang inyong sinabi sa akin. Naniwala naman ako at umasa. Ngunit ngayon, ni isang pangako ninyo sa aki’y walang natupad. Diyan kayong tatlo magagaling, sa pagpapangako na hindi naman tinutupad!

Aishtar: Eira, para sa ikabubuti mo ang lahat ng ito! Hindi mo talaga maiintindihan hangga’t di mo binubuksan ang iyong puso sa lahat ng ginagawa namin sa iyo. Mahal ka namin, Eira, higit pa sa iyong inaakala. Maiintindihan mo rin ang lahat kapag dumating na ang tamang panahon. (Pagkatapos magsalita’y lalabas na sa kwarto ni Eira; maiiwang nakaupo ang Prinsesa Eira at titingnan ang dalang pagkain ni Aishtar. Ngunit, hindi niya ito kakainin, sa halip ay humiga na lamang ito at natulog)

IKAANIM NA TAGPO:

(Makikitang taimtim na nagdarasal si Seethar sa templo ng Poon. Siya’y nakaluhod sa harap ng imahe ng Panginoon at sinasambit ang mga dalangin niya rito.)

Seethar: Aming Minamahal na Poon, ako po’y dumudulog sa Inyong mahahabaging kamay. Sana’y sa mga panahong darating sa aming Kaharia’y Inyo pong gabayan at pagpalain. Wala na ang aming Hari’t Reyna, datapwat hindi kami nagtanim ng masamang loob sa Iyo aming Ama. Pagkat alam naming sila’y mawawala’t maglalaho rin. Kami nga ay nagpapasalamat ng higit dahil ibinigay Ninyo sila sa amin. Dahil sa kanilang pamumuno’y muling lumakas ang aming Kaharian. Maraming salamat sa lahat-lahat ng Iyong biyaya at gabay. Patawarin mo sana kami kung sa mga ilang pagkakatao’y nakakalimot kami sa paggawa ng kabutihan. At tungkol kay Prinsesa Eira, sana maging bukas na ang kanyang isipa’t puso sa lahat ng aming ginagawa, para sa kanya ang lahat ng ito kaya’t sana ay unti-unti na niyang maunawaan. Hinihiling ko ang lahat ng ito sa Iyong banal na pangalan. Amen. 

(Yuyuko sa harap ng imahe ng Poon; pagkatapos ay aalis na sa templo, ngunit sa kanyang paglabas ay biglang matitigilan dahil sa tinig na maririnig)

(Tinig ni Houra): Kumusta Seethar? Mahirap na ba ang maging mabuti? (Hahalakhak) Mahirap na ba ang sumunod na lamang sa utos ng sariling kapatid? Kung ako sayo’y hindi ako papayag na pamunuan ako ng sarili kong kapatid na alam ko namang ako ang mas may kakayahan. Di ba’t matalino ka? Ano’t nagpapatalo ka sa posisyong asam mo rin? 

Seethar: Tama na Houra! Hinding-hindi mo ako malilinlang sa mga sinusumbat mo sa aking kapatid. Siya ang panganay sa amin kaya’t siya ang mas may karapatan. At isa pa, pansamantala lamang siyang mamumuno sa Somora, habang naghahanap pa ng itinakdang susunod na pinuno. 

(Tinig ni Houra): Iyon na nga, pansamantala at umaasa kang ikaw yaong itinakda, di ba?

Seethar: Hindi! Pagkat alam ko na kung sino ang susunod sa yapak ng aming Ama’t Ina!

(Tinig ni Houra): Hanggan naman ba ngayo’y niloloko pa ninyo ang inyo mga sarili na sila nga’y mga —

Seethar: Manahimik ka, Houra! Subukan mong muling magsalita’t isasara ko iyang bibig mo habambuhay!

(Tinig ni Houra): Aba! Ako’y sobra-sobrang natatakot sa iyo, Seethar! Hahahahahahaha! (Unti-unting mawawala ang tinig)

Seethar: Huminahon ka Seethar… (Sabi nito sa kanyang sarili habang patuloy na maglalakad palabas ng Templo)

IKAPITONG TAGPO:

(Muling masisilayan ang tulad ng sa Ikatlong Tagpo)

Houra: Nakakatuwang paglaruan ang magkakapatid na Prinsesa ng Somora. Nagkakagulo, nagkakatampuhan, iyan ang matagal ko nang hinihintay na mangyari. Kung di lang dahil sa mga hadlang na iyon, matagal ko na sanang nakuha ang Shiro pati na ang mayamang Somora. Ngunit ngayon, tila unti-unti nang magliliwanag ang aking mga plano. Makukuha ko na ang dapat na sa akin! HAHAHAHAHAHAHA!

(Papasok ang ilang alagad na nakasuot ng telang itim tulad ng kanilang reyna)

Alipin 2: Kung ika’y magtatagumpay Mahal na Reyna’y ikagagalak naming kami ang iyong maging magagandang alipin. (Magtatawanan ang mga alipin)

Houra: Huwag kayong masyadong magmadali. Nagsisimula pa lamang ang aking paninira. Darating din tayo sa panahong iyan. HAHAHAHA! (Sasabay na hahalakhak ang mga alipin)

IKAWALONG TAGPO:

(Sa kahariang Somora, makikita ang Reyna Aishtar na nakaupo sa trono habang ang mga ibang nimfa’y abalang nag-aayos ng kapaligiran para sa paghahanda sa pagpupulong ng mga nimfa)

Aishtar: Nasaan na ba ang aking mga kapatid?

Nimfa 5: Paparito na ang iyong kapatid na sina Seethar at Eira, Mahal na Reyna.

Aishtar: Ang Prinsesa Delsha? (Papasok ang dalawang prinsesa; si Seethar at Eira; babatiin siya nito at uupo na sa kanilang trono) Alam niyo ba kung nasaan si Delsha?

Seethar: Ang alam ko’y nasa hardin siya ng ating kaharian. Siguro’y — (Matitigilan siya sa pagsasalita nang biglang nagtatakbong pumanaog si Delsha sa Kaharian)

Aishtar: (Bakas ang pagtataka sa mukha nito) Anong nangyari’t namumutla ka?

Delsha: (Hingal na magsasalita) Doon… Doon sa hardin may… may nilalang… (Habang nagsasalita’y tinuturo ang direksyon ng hardin)

Aishtar: Anong sinasabi mo? Hindi ka namin maintindihan.

Delsha: Sumama kayo sa akin.

(Susunod ang tatlo kay Delsha patungo sa hardin ng Kaharian)

IKASIYAM NA TAGPO:

(Sa hardin ng Somora, makikita ang makulay at magandang kapaligiran; papasok naman sa eksena ang apat na magkakapatid. Ituturo ni Delsha ang kinaroroonan ng nilalang)

Delsha: Ito… Ito ang sinasabi ko sa inyo kanina…

Aishtar: (Dahan-dahan itong lalapit sa nilalang at pagmamasdan) Katulad sya ni Ama… Isa siyang Lalaki.

Seethar: Kung gayo’y bakit ganoon na lamang ang iyong reaksyon Delsha?

Delsha: Ipagpaumanhin ninyo, ako’y nabigla lamang pagkat tanging ang Ama lamang natin ang nakita kong Lalaki na namuhay sa ating Kaharian. Kaya’t hindi ko sukat akalaing may mapapadpad dito ang tulad niya. Natakot ako na baka manakit siya. 

Aishtar: Tama na iyan. Tama ang iyong ginawa Delsha. Kahit na tulad siya ng Ama, hindi pa rin natin sigurado kung saan talaga siya nanggaling. 

Eira: Papaano siya nakapasok sa ating Hardin?

Aishtar: Iyon ang ating aalamin. Kapag nagising na siya’y ating sisiyasatin ang kanyang katauhan. Sa ngayo’y tawagin mo muna Delsha ang iyong Hukbo. Pagtulungan nilang buhatin ito at ipunta sa loob ng kaharian. Bigyan siya ng paunang lunas. May mga galos sya at bakas sa kanya mukha ang panghihina. 

Delsha: Masusunod, Mahal na Reyna.

Aishtar: Ikaw naman Eira, pumasok ka na sa iyong silid at mamahinga muli. Ikaw Seethar, samahan mo akong ipamahagi sa ibang nimfa ang mga pangyayari.

Eira: Buong araw na lamang akong nagpapahinga. Sasama na lang ako sa inyo sa pakikipag-usap sa mga nimfa.

Seethar: Huwag na Eira. Sundin mo na lamang ang utos ng Reyna.

Aishtar: Sige na Eira, napag-usapan na natin ito. (Tatalikod na si Seethar at Aishtar sa nagtatampong kapatid; maiiwang galit si Prinsesa Eira) 

IKASAMPUNG TAGPO:

(Sa kwarto ng para sa mga panauhi’y nakaratay doon ang lalaking nakita ng mga prinsesa sa hardin. Sa loob ay kasama nito ang dalawang nimfa na kasapi sa Hukbo ng Somora. Habang pinagmamasdan nila ito ay unti-unting nagkamalay ang lalaki.)

Nimfa 6: Naku! Gising na ang Lalaki! Pupuntahan ko na ang Mahal na Reyna’t mga Prinsesa (halos patakbong lalabas ng silid)

Nimfa 7: (Lalapit sa Lalaki) Maghintay ka lamang ng ilang oras at paparito na ang aming Reyna. (Hindi kikibo ang Lalaki)

(Pagkatapos ng ilang oras ay makikitang papasok ang Reyna Aishtar, kasama ang tatlong Prinsesa at mga nimfa; ang lalaki’y babangon at uupo)

Aishtar: (Lalapit sa Lalaki) Maaari ba naming malaman ang iyong pangalan at kung saan ka nanggaling?

Claudio: Ako si Claudio. Galing ako sa Daigdig.

Delsha: Daigdig? Ngayon ko lang iyan narinig.

Aishtar: Daigdig. Lugar ng mga Mortal… Tama ba ako?

Claudio: Iyon na nga. Doon ako nanggaling. Isa akong maglalayag. Naghahanap ako ng mga kayamanan nang biglang isang malakas na hangin at napakaliwanag na ilaw ang nagdala sa akin dito sa inyong lugar.

Eira: Bakit alam mo ang lugar na iyan, Aishtar?

Aishtar: Pagkat —

Seethar: Sandali lamang, naaalala ko kung sino at kailan ko na narinig iyang lugar… Sa ating Hari’t Reyna. Tama sa kanila nga!

Aishtar: (Titingnan si Seethar na para bagang nagbabanta)

Seethar: Ah… Hindi ba naikwento na iyan sa atin nina Ama’t Ina? Hindi ba? (Titingnan sina Aishtar at Delsha nang nangungumbinsi)

Aishtar at Delsha: Ah, oo… Matagal na. 

Eira: Ganoon ba. Ano ang mga Mortal? May ganoon palang lugar. Akala ko’y tanging tayo lamang ang mga nilalang na nabubuhay.

Aishtar: Sila’y iba sa mga nimfa. Ang mga Mortal ay may hangganan. May kamatayan. Mayroong ganoong lugar, akala rin namin noo’y bunga ng kathang-isip ang lugar na iyon. Ngunit minsa’y napatunayan na ng kaharian na sila nga’y nabubuhay. (Ililipat ang atensyon kay Claudio) Claudio, ang lugar na ito’y isang kaharian. Kaharian ng mga nimfa; tinatawag namin itong Somora. Ako ang pansamantalang Reyna dito sa amin, ako si Aishtar. Ito naman ang aking mga kapatid – (Isa-isang ituturo ang mga prinsesa) Siya si Seethar, pangalawa sa akin, si Delsha, sumunod kay Seethar at pinuno ng Hukbo ng Somora – 

Claudio: At siya naman ang huli. Tama ba ako? Ano ang iyong pangalan magandang Binibini? (Sabay na aabutin ang kamay ni Eira at hahalikan)

Eira: (Nagulat sa inasal ni Claudio) Ano ang iyong ginagawa? (Inalis sa pagkakahawak ni Claudio ang kamay)

Claudio: (Bahagyang ngumiti) Isa iyong paggalang at pagbigay ng pagpapahalaga sa isang babae sa lugar namin.

Eira: Ipagpaumanhin mo ang aking inasal. Hindi ko alam ang ganoong paraan ng pagbibigay respeto. Ako pala si Eira. Ako nga ang huli sa aming magkakapatid.

Claudio: Eira, ikinagagalak kong makilala ka.

Eira: Salamat. (Palihim na matutuwa)

(Magkakatinginan sina Aishtar, Seethar at Delsha)

Aishtar: Tila nakalimutan mo nang ang kausap mo’y ang Reyna ng Somora.

Claudio: Ipagpaumanhin ninyo, Mahal na Reyna. Ako’y nabighani lamang sa ganda ng iyong kapatid na si Eira.

Seethar: At iyan ay ipinagbabawal sa aming Kaharian.

Aishtar: Seethar, huminahon ka. (Kakausapin naman si Claudio) Salamat sa iyong papuri sa aming kapatid dap’wat binabalaan kita, hindi ka na muling makakalapit sa Prinsesa Eira kung patuloy ka sa gayong pag-aasal. At isa pa, hindi ka pa naming lubusang kilala, kaya’t asahan mong bawat galaw mo’y babantayan.

Delsha: Sandali Reyna Aishtar, ang ibig ninyo bang sabihin ay maninirahan sa ating kaharian ang Lalaking ito?

Aishtar: Pansamantala lamang, hangga’t di pa natin nalalaman ang paraan kung paano siya ibabalik sa kanyang pinanggalingan. Sa ngayo’y obligasyon natin siya. (Babalik kay Claudio ang tuon) Nagkakaintindihan ba tayo, Ginoong Claudio?

Claudio: (Tatayo sa kinauupan at yuyuko sa harap ng Reyna Aishtar) Maaasahan ninyo ang aking pagsunod, Mahal na Reyna.

Aishtar: Maraming salamat. (Tatapat sa tatlong kapatid) Magsibalik na kayo sa inyong mga gawain. Ikaw Eira, maaari ka nang sumama sa amin ni Seethar.

Eira: Hindi na ako sasama sa inyo. Mamamahinga na lamang ako sa aking kwarto. (Mauuna nang umalis sa iba pang kapatid)

Aishtar: Nakapagtataka. Kanina’y labis ang pagnanais nyang makausap ang mga nimfa, ngunit ngayon.

Seethar: Hayaan mo na iyan Aishtar, nagtatampo lamang ang bata. (Matatawa ito at si Delsha)

Aishtar: (Titingnan ang dalawang nagkakatuwaan) Masaya pa ba kayong nagkakaganyan siya?

Seethar at Delsha: (Iiling bilang tugon sa tanong ng nakatatandang kapatid)

Aishtar: Kung gayo’y magsitigil kayo.

Seethar at Delsha: Masusunod Reyna Aishtar.

(Sabay-sabay silang aalis sa kinatatayuan)

IKALABING-ISANG TAGPO:

(Sa kwarto ng Prinsesa Eira)

Eira: Daigdig… May lugar palang ganoon at may mga mortal na nilalang? Nakapagtataka. Ngayon ko lamang iyon nalaman. Ano kaya ang pagkakaiba ng Mortal sa amin? At anong mayroon sa daigdig? Maganda kaya doon?

Claudio: (Nasa loob ng kuwarto) Ang mga mortal ay di hamak na lumilipas na hangin, hindi tulad ninyo. Walang katapusan. Ang Daigdig ay huwag mo nang aasaming makita. Magulo roon, wala nang respeto ang ibang tao, bibihira ang kumakain. Marami ang naghihirap. Kaya nga’t kung mamarapatin lamang ng magandang dilag na nasa aking harapan na ako ay tanggapin bilang kabiyak niya’y hindi na ako magdadalawang-isip pang hilingin kay Bathala na gawin akong Imortal tulad niya. (Ituturo si Eira)

Eira: (Natulala sa mga nakita’t narinig; matagal bago ito nakapagsalita) Papaa- Papaano ka nakapasok sa aking kwarto ng walang pahintulot? Hindi ba’t dapat ay nasa silid ka ngayon ng sa mga panauhin at nagpapahinga? Alam mo bang maaari kang parusahan sa pangangahas mong pumasok sa aking silid?

Claudio: (Lalapitan ang Prinsesa; halos magkadikit na ang kanilang mga mukha) Ang isang umiibig Mahal kong Prinsesa’y walang pinipiling batas at panahon. Unang kita ko pa lamang sa iyo’y alam ko nang ikaw na nga ang aking matagal nang hinahanap. Ikaw ay mabait, napakaganda, matalino, at higit sa lahat ay matapang. At ang lahat ng iya’y ang pinakagusto ko sa isang babae, kaya’t nangako ako noon sa Panginoon na kapag biniyayaan niya ako ng isang pagkakataong makasalubong ng inaasam kong dilag ay hinding-hindi ko na pakakawalan.

Eira: (Aatras ng kaunti at iiwas sa mukha ni Claudio) Maraming salamat sa iyong pagpupuri. Ngunit, hindi tayo maaaring magmahalan. Isa kang mortal at ako’y isang nimfa. Darating ang panahon na iiwan mo ako’t ika’y maglalaho.

Claudio: Sa iyong mga ipinapahayag Mahal kong Dilag ay tila nasisiguro ko ngang ako’y mahal mo na rin! Tama ba ako, Mahal ko?

Eira: (Itataas ang mga mata’t tila nahihiya pang sambitin ang nais sabihin kay Claudio) Alam kong mali itong aking nararamdaman, ngunit aaminin ko sa iyo noong ika’y wala pang malay ay minahal na kita. Unang pagkakataong naramdaman ko iyon, pagkat dito sa aming kaharian, tanging galit, selos at pagkainggit ang aking nararanasan. Unang pagkakataong nagmahal ako nang lubusan.

Claudio: (Masisilayan ang ngiting tila nasa langit) Mahal kong Prinsesa, nais ko sanang iyong maging kabiyak habang-buhay…

Eira: Habang-buhay? Pero, papaano?

Claudio: Narinig kong nag-uusap-usap ang mga nimfang kasapi sa inyong Hukbo. At nalaman ko ang tungkol sa Shiro. Iyon ang aking pagkakarinig… Tama ba ako?

Eira: Ang Shiro? Iyan ang pinakamahalagang kayamanan sa Langit at Lupa. Iyan ang nakapagbibigay ng walang hanggang buhay sa mga mortal at nagbibigay ng lakas at habang-buhay na kagandahan. Labag sa aming batas ang kunin ito at gamitin pagkat ito raw ay nakalaan sa isang itinakda na mamumuno sa buong kalawakan.

Claudio: (Biglang malulungkot) Akala ko’y matutupad na ang aking mga panaginip, hindi pa pala. (Akmang aalis na at lalabas sa kuwarto ng Prinsesa)

Eira: Ngunit… (Hihinto si Claudio) Ngunit, hindi ba’t sabi mo kanina’y ang pag-ibig ay wala ng mga batas pang dapat sundin. Ang umiibig ay kayang isakripisyo ang lahat para lamang masunod ang isinisigaw ng puso. Ang umiibig ay nais ng kalayaan. Kaya’t ngayong ako’y tiyak nang umiibig, handa ako sa lahat ng dapat nating harapin. Claudio, mahal kita.

Claudio: (Halos patakbong lumapit kay Eira at niyakap ito nang mahigpit, at hinalikan niya ito sa noo) Mahal rin kita, Eira.

IKALABINDALAWANG TAGPO:

(Sa pagbukas ng tabing makikita si Prinsesa Eira at Claudio na dahan-dahang lumalapit sa kinalalagyan ng Shiro; samantalang dalawang nimfang tagapagbantay ang nasa bawat gilid nito)

Claudio: (Pabulong na kakausapin ang Prinsesa) Ako na ang bahala doon sa isa, ikaw naman sa isa.

Eira: (Mahigpit na hahawakan si Claudio) Nagdadalawang-isip na ako ngayon Claudio. Hindi ko kayang pumatay ng aking kalahi.

Claudio: (Hahaplusin ang namumutlang mukha ng prinsesa) Kanino mo ba nararanasan ang mahalin at pahalagahan ng tunay? Hindi ba’t sa akin lamang. Lahat sila’y walang pakialam sa iyo.

 Eira: (Mapapalitan ng galit ang mukha) Handang-handa na ako. (Makikita na lamang na biglang babagsak ang dalawang nimfa at sila’y nasa likod ng mga ito na may dalang matutulis na armas; hihilahin nila ito paalis ng entablado)

Claudio: Mahal ko, ano na ngayon?

Eira: Ang pinto ng templo ng Shiro. Ang naaalala ko’y may katagang dapat sabihin bago ito mabuksan. Ano nga ba iyon? Alam na alam ko iyon… (Pilit na inaalala ang salitang makapagbubukas ng pinto) Iyon nga… Naaalala ko na – PTARES!

Claudio: Ptares?

Eira: Iyon nga, bakit Mahal?

Claudio: Wala aking Mahal… (Maririnig ang malakas na tunog na parang lindol)

Eira: (May galak sa mukhang hinarap ang kasama) Claudio, ito na ang inaasam natin. Bukas na ang pinto. Halika kunin na natin ang Shiro. (Hinila ang nakatulalang Claudio papunta sa loob ngunit, hindi makapasok ang lalaki kahit anong pilit ni Eira. Hindi ito makapasok.)

Eira: Ano ang nangyayari, aking mahal?

Claudio: Siguro dahil sa ako’y isang mortal kaya’t hindi ako tinutulutang makapasok sa templo ni Shiro.

Eira: Siguro nga ika’y tama. Ako na lamang ang papasok at agad akong babalik. Hintayin mo lamang ako. (Pumasok na ang prinsesa sa loob samantalang si Claudio’y sa labas lamang ng templo; pagkalipas ng ilang minuto ay muling makikita ang Prinsesa na lalabas sa templo dala-dala ang Shiro.)

Claudio: (Hahagkan ng mahigpit si Eira) Nagawa mo! Ito na ba ang Shiro?

Eira: Ito nga aking Mahal. (Pagmamasdan ang lalaking kaharap) Magiging masaya na tayo. Pangako iyan.

Claudio: Ngunit, hindi dito sa inyong kaharian. Dapat na magpakalayo-layo tayo. Sumama ka sa akin. Hanapin natin ang kaligayahang pupuno sa uhaw nating mga puso. (Ang magkapareha ay maghahawak ng kamay at nakangiting tatalikod sa templo ng Shiro)

Eira: (Matitigilan sa pagsasaya) Sandali lamang, Claudio aking Mahal. Papaano tayo makakalabas sa aming Kaharian?

Claudio: Huwag ka nang mag-alala pa aking Mahal. Kapag ninanais ay laging may paraan. (Muli ay bahagyang masisilayan ang liwanag sa mukha ng Prinsesa)

IKALABINTATLONG TAGPO:

(Sa pagbukas ng tabing, makikita ang sunud-sunod na pagpasok ng ilang nimfa at ng mga prinsesa; Seethar, at Delsha at ng Reyna Aishtar. Sila’y patungo sa Templo ng Shiro, inabutan nila itong bukas at tumambad sa kanilang harapan ang dalawang naghihinalong nimfa.)

Aishtar: Oh! Mahal na Poon, ano ang nangyari?! (Lalapit sa isa sa mga nimfang naghihingalo) 

Nimfa 8: Aaa… Ang Prinsesa Eira — At… at… ang lalaki… (Pagkatapos magsalita’y mawawalan ng malay)

Delsha: Dalhin silang dal’wa sa ating pagamutan! (Dalawang nimfa ang aalalay doon sa naging biktima nina Eira)

Seethar: (Papasok sa Templo ng Shiro, susunod ang dalawa – si Aishtar at Delsha) Tama nga ang aking hinala. Hindi iyon isang mortal.

Aishtar: Ano ang ibig mo sabihin?

Seethar: Nang hindi magawang kunin ni Houra ang aking loob para gamitin niya sa pagkuha ng Shiro at pagsakop sa ating kaharian ay ang kahinaan naman ni Eira ang naging patibong niya. Anak niya si Claudio. Sinadya niyang ipadpad sa ating hardin ang lalaki at nilagyan niya ang mga mata ni Claudio ng posyon upang madaling mapaibig si Eira. Ito namang si Eira, mahina at nagpadala kaagad sa bugso ng kanyang damdamin. Nagpahulog sa mga kasinungalingan ng lalaking iyon. 

Delsha: Paano mo iyan naisip samantalang kani-kanina pa lang naman natin siya nakilala?

Aishtar: (Tatapat kay Delsha) Si Seethar ang tanging pinagpala sa ating magkakapatid ng pambihirang talino at kapangyarihan. Napagtanto niya ito pagkat nakakabasa siya ng isip ng iba, malakas ang kanyang pakiramdam, at nalalaman niya ang mga susunod na mangyayari.

Delsha: (Tila nabigla sa mga narinig) Kung gayo’y dapat alam mo nang mangyayari ito. Bakit hindi mo binalaan ang buong kaharian at si Eira?

Aishtar: Simple lamang Delsha. Dahil malakas na pwersa ang ginamit ni Houra. Kaya’t halos dilim lamang ang nakikita ni Seethar sa kanyang isipan.

Seethar: Hanggang ngayo’y wala akong maliwanag na imahe ng dalawa. Ngunit, Aishtar, bilang aming Reyna. Kailangan mo nang magdesisyon kung ano ang mainam nating kilos. Hindi maaaring mainom na ni Houra ang Shiro. Mamatay tayong lahat kapag siya na ang mamuno.

Aishtar: (Hihinga ng malalim) Tayong tatlong na lamang ang haharap kay Houra ngayon, sigurado akong naroroonan na ang dalawa. Hindi na tayo sasama ng ibang nimfa. (Yuyuko ang dalawang prinsesa bilang pagsang-ayon sa Reyna.)

IKALABING-APAT NA TAGPO:

(Sa kaharian ng Ptares – lugar ni Houra; makikita si Eira at Claudio na papasok sa kaharian)

Eira: Mahal ko. Ano itong lugar?

Claudio: Ito na ang Daigdig.

Eira: (Nagtatakang titingnan ang kapareha) Akala ko ba’y hindi mo na nais na maparito?

Claudio: Dito na muna tayo habang hindi pa ako nakakahanap ng lugar na maaari nating pagharian. Mas ligtas tayo rito kaysa sa inyong kaharian. Basta ang mahalaga’y magkasama tayo. Hindi ba?

Eira: Salamat, aking Mahal… (Yayakapin si Claudio)

Claudio: Tila napagod ka sa ating paglalakbay. Mabuti pa’y magpahinga ka muna rito at ako nama’y maghahanap ng ating makakain.

Eira: Sige, mag-iingat ka. Dito na lamang ako matutulog. Hihintayin kita.

Claudio: (Hahalikan sa noo si Eira) Salamat.

(Isasara ang tabing; pagkalipas ng ilang minuto’y muli itong bubuksan at makikita ang parehong tagpo, masisilayan ang mahimbing na natutulog na si Prinsesa Eira; maya-maya’y ang tatlong kapatid nito’y dahan-dahang papasok sa kaharian.)

Aishtar: (Lalapit kay Eira at gigisingin ito) Eira… Eira…

Eira: (Mabibigla sa pagdating ng mga kapatid) Ano ang ginagawa ninyo rito? Masaya na akong kasama si Claudio! Umalis na kayo!

Seethar: Si Claudio ay hindi isang mortal. Siya ay anak ni Houra, ang Reyna ng kahariang ito – ang Ptares. Hindi ito ang Daigdig, Eira. Lahat ng tinuran sa iyo ng lalaking iyon ay pawang mga kasinungalingan. Huwag ka sanang magpalinlang.

Eira: Hindi! Kayo ang mga mapaglinlang! Sinisiraan ninyo sa akin si Claudio pagkat nais ninyong makuha ang Shiro!

Delsha: Ang Shiro ay hindi nakalaan para sa amin! Para iyon sa iyo!

Eira: (Mabibigla sa sinabi ni Delsha) Ano?! Hindi ko maintindihan…

(Malakas na halakhak ang maririnig habang unti-unting masisilayan si Houra galing sa itaas ng kaharian niya, kasama ang anak na si Claudio na nakangiting susunod sa Reyna)

Houra: Napakagandang pagmasdan ang pagkakataong ito. Sa loob ng maraming tao’y naniwala ka Eira na isa kang nimfa. Ngunit, isang malaking kasinungalingan ang dapat nang ibunyag sa iyo ngayon! ISA KANG TAO! Isa kang Mortal! Isang hampas lamang ng espada’y mamamatay ka! HAHAHAHAHAHAHA

Eira: (Naguguluhang titingnan ang mga kapatid) Hindi ko na alam kung sino ang paniniwalaan ko sa inyo…

Aishtar: Makinig ka Eira. Totoo ngang isa kang tao… isang mortal. Ngunit nagawa lamang naming ilihim ito sa iyo upang tuparin ang hiling ng iyong mga magulang, ang ating Reyna’t Hari. Napadpad sila noon sa aming kaharian, sila’y mga manlalayag. Nag-aaral ng kalawakan. At sa ‘di inaasahang pangyayari’y dinala sila ng higanteng ipo-ipo papunta sa aming kaharian. Sa una’y kinulong namin sila’t inakalang mga halimaw. Ngunit kami’y nagkamali. Sila pala’y may dalisay na puso’t kalooban. Tinulungan nila kaming maging maunlad at marunong sa lahat ng bagay. Kaya’t noong sila’y tanggap na ng buong kaharian, tinalaga namin silang Reyna’t Hari ng Somora. At hindi doon nagtapos ang aming kagalakan. Isang araw ay masaya nilang ibinalita sa buong kaharian na sila’y magkakaroon ng isang supling. At ikaw iyon, Eira. Labis kang iniingatan at pinahahalagahan ng buong Somora. Kaya’t gayon na lamang ang paghihigpit namin sa iyo… At alam kong matagal ka nang nagtataka kung bakit kailangang mamatay ng ating Reyna’t Hari, ngayo’y alam mo na kung bakit. Patawarin mo kami Eira. Patawarin mo kami. (Bahagyang makikita ang lungkot sa mga mukha nina Aishtar, Seethar at Delsha)

Eira: Hinding-hindi ko kayo mapapatawad… (Masisilayan ang galit sa mukha) Hinding-hindi ko kayo mapapatawad!!! (Tatalikod sa mga kapatid at lalapit kay Houra at Claudio)

Delsha: Eira! Eira, huwag mong gagawin iyan!

Eira: Huwag mo akong utusan! Hindi ko kayo kalahi! Nilinlang ninyo ako! (Ilalabas ang Shiro sa itim na lalagyan) Ito… Ito ba ang dahilan kung bakit kayo nagkakandarapa’t nakikiusap na maniwala ako sa inyo?!

Aishtar: Hindi! Iyan ay nakalaan para sa iyo. Pagkat ikaw ang nakatakdang susunod na mamumuno sa ating Kaharian – ang Somora. Iyan ay para maging ganap kang imortal.

Eira: Hindi na ako muling magpapahulog sa mga mabubulaklak ninyong pahayag. Nakapagdesisyon na ako. Ibibigay ko na ito kay Houra. (Dahan-dahang lalapit kay Houra)

Houra: (Tila asong takam na takam nang makuha ang Shiro) Bilis… Eira… Bilis… (Makikitang aatake ang tatlong magkakapatid at ito’y patatamaan ng panangga upang hindi na makagalaw pa) Mas matalino ako sa inyo mga balingkinitang nimfa! HAHAHAHAHAHAHA! Bilisan mo na Eira!

Eira: Huwag kang masyadong magmadali Houra, baka mahulog ang Shiro’t mabasag… (Dahan-dahang humahakbang patungo sa kinaroroonan ni Houra)

Houra: Claudio… Umalis ka riyan. Dito ka sa aking likuran, baka ikaw pa ang kumuha ng Shiro. (Susunod naman ang lalaki)

Eira: (Halos isang hakbang na lamang siya mula kay Houra) Houra! Sa iyong likod! (Makikitang namumutla ito habang may itinuturo sa likuran si Houra)

Houra: (Maaalis ang panangga sa tatlo at tiningnan ang nasa kanyang likuran; nabigla ito nang makitang si Claudio lang naman naroroon at muli siyang haharap sa Prinsesa Eira na ngayo’y kasama na ang tatlong nimfa) Nilinlang mo ako! (Akmang sasaktan ang prinsesa ngunit huli na… Makikitang ihuhulog ni Eira ang Shiro at ito’y mababasag, ang laman nitong likido ay kakalat sa kanilang kinatatayuan) Hindiiiiiiiiiiii! (Kasabay ng unti-unting pagkalat ng likido sa lupa ay ang panghihina ng dalawa – si Claudio at Houra) Hi – hi – hindiiii… (Halos sabay na babagsak ang dalawa sa kinatatayuan nito at mawawalan na ng buhay)

Aishtar: Eira… (Yayakapin niya ito) Hindi ko inaasahan ang iyong ginawa… Ngunit, paano ka na? Iyon lamang ang paraan upang maging ganap kang nimfa at mamuno sa amin ng habang-buhay… Iyon ang habilin ng iyong Ama’t Ina.

Eira: Hindi ko na kailangan pang maupo sa trono at maging Reyna upang pamunuan ang Somora. Kahit bilang isang mamamayan doo’y makakatulong na ako sa ikauunlad at ikagaganda nito.

Delsha: Ngunit, paano na ang trono? Sino na ang magmamay-ari nito? Ikaw ba Aishtar?

Aishtar: Hindi… Ako ay hindi pa lubusang marunong para mamuno sa buong Somora pati na sa Kalawakan.

Eira: (Bahagyang makikita ang masaya nitong mukha) Sa tingin ko… Hindi na iyan malaking suliranin na dapat pa nating pagtalunan. Hindi ba Seethar? (Pagkatapos magsalita nito’y mababaling ang pansin ng dalawa – Aishtar at Delsha sa tahimik na nakikinig na si Seethar)

Aishtar: Ano ba’t hindi iyon naisip? (Matatawa)

Delsha: (Pabulong) Ang tanong, may isip nga ba?

Aishtar: Narinig ko iyon, Delsha…

Delsha: HAHAHA. Biro lamang.

Eira: (Matatawa sa inaasal ng mga nimfa) Aking mga minamahal na nimfa, magsiayos na tayo’t magbigay-galang sa ating bagong Reyna… (Titigil na sina Aishtar at Delsha; sabay-sabay silang tatlo na luluhod sa harap ni Seethar)

Aishtar, Delsha, at Eira: Mabuhay ka aming Reyna…

Seethar: (Masisilayan ang magkahalong emosyon – pagkabigla’t kagalakan) Maraming salamat sa inyo… Hindi ko inaakalang ang dating pangarap ko lamang ay magkakatotoo. Salamat… (Aanyayahan nang tumayo ang tatlo at yayakapin) Eira, ipapangako ko, dumating man ang panahon na kunin ka na ng Bathala, hinding-hindi malilimot ng aking masasakupan ang iyong kabayanihan…

Eira: Salamat. Sapat na sa akin ang makasama kayo at tumira sa inyong kaharian. Iyon ay malaki nang biyaya sa akin ng Bathala. Wala na akong hihilingin pa. (Muli ay yayakapin nila ang bawat isa)

(Dahan-dahang isasara ang tabing)

WAKAS


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.

By Jayne Arianna Grace Gotera

Jayne Arianna Grace V. Gotera is a public secondary school teacher in her province. She teaches English subject. She loves writing poetries, personal essays and such in her available time.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.