“Don’t make another Sodom and Gomorrah out of this classroom.” Halos pumutok na ang mga ugat sa leeg ng fourth year adviser namin nang humarap siya sa klase.

May nagsumbong daw sa kanya. Ginagawa raw parausan ng ilan sa amin ang banyo ng homeroom. Tahimik ang lahat. Nagpapakiramdaman. Hindi naman maitago ng ilan ang mga nakaimprentang question mark sa noo. Isa ako sa mga nakikiramdam. Pasulyap-sulyap sa dalawa kong kaklase – kina Rik at Edsel.

Absent ang adviser namin noong isang araw. Kapag wala ang teacher, wala ring klase sa subject niya. Libreng oras. Huwag lamang labas nang labas sa classroom at baka maimbitahan sa principal’s office na katabi lamang ng kuwarto namin. Para hindi masayang ang isang oras na walang matututuhan, magdadaldalan ang karamihan sa amin. Ang ibang mga grade conscious, magrereview o kaya’y gagawa ng assignment na ipapasa kinabukasan. Ang iba, maglalabas ng songhits at magkakantahan ng A1, Westlife, at M2M songs.

Noong araw na iyon, sinapian ng espiritu ng init ng katawan si Edsel. Bigla na lamang nangalabit at sumenyas na sumunod ako sa banyo. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa isip ko at imbes na dumiretso sa banyo ay inaya ko pa si Rik na sumama sa amin.

Pasimple at isa-isa kaming pumasok sa banyo na parang mga magnanakaw na may niloloobang bahay.

“Um-uma ko.” Nanginginig ang boses ni Edsel habang taas-babang hinihimas ang masigabong bukol sa harap ng suot na pantalon.

“Indi ko ya, ah. Si Rik na lang,” pagrereto ko sa kasama. “Ako mabantay sa puertahan.”

Agad na lumuhod si Rik sa harapan ni Edsel. Sumandal ako sa pintuan ng banyo matapos ko itong i-lock. Napapapikit at napapamura si Edsel sa paghagod ng bibig ni Rik nang bigla na lamang may kumatok sa pintuan. Nanlaki ang mga mata namin. Matatalim at mabibilis ang mga senyas namin sa isa’t isa na para bang sinasabing: Putang ina! Umayos kayo, dalian niyo!

Dali-daling isinara ni Edsel ang nakangangang zipper ng pantalon at nagkunwaring umiihi sa inidoro. Si Rik naman, kunwari’y naghihilamos sa lababo. Nang buksan ko ang pinto, naroon at naghihintay ang kaklase namin. Ihing-ihi na raw siya. Pero nang masilip sina Rik at Edsel sa loob ay hindi na rin tumuloy. Umurong yata ang ihi sa natuklasan. Lumabas ako ng banyo at iniwan ang dalawa para tapusin ang sinimulan nila.

Nagpatuloy sa pagsermon si Ma’am. Hindi pa rin humuhupa ang galit. Nagkuwento tungkol sa kung paanong pinarusahan ng Diyos ang mga taga-Sodom at Gomorrah dahil sa kanilang masasamang gawi at paraan ng pakikipagtalik. Ganoon din daw ang mangyayari sa klase namin kapag naulit pa iyon.

 “Don’t make another Sodom and Gomorrah out of this classroom.” Pag-uulit niya. Sa pagkakataong ito, mas mabigat na ang pagbabanta sa kanyang boses.

Umalingawngaw ang halaklak sa isip ko. Hindi naman kasi sakop ng classroom namin ang SG office na siyang Sodom at Gomorrah namin ni Edsel.


This literary piece is part of Katitikan Issue 4: Queer Writing.

By KC Daniel Inventor

Si KC Daniel Inventor ay nagtapos sa kursong AB/BSE Literature sa Pamantasang Normal ng Pilipinas – Manila. Naging fellow siya sa 2nd Nueva Ecija Personal Essay Writing Workshop, Lagaslas Children’s Story Writing Workshop ng NCCA – Taga-Alog, Luntiang Palihan para sa pagsulat sa Lokal na Wika (Hiligaynon) ng De La Salle University – Manila, Ed Maranan Children’s Story Writing Workshop ng Baguio Writers’ Group, at 17th Ateneo National Writers’ Workshop ng Ateneo de Manila University. Siya ay tubong Valladolid, Negros Occidental.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.