MGA TAUHAN
FRANCE mid 20s, bading pero hindi loud
KRIS mid 20s, bestfriend ni France, sweet at pleasant
NOEL mid 20s, boyfriend ni France, pogi, pa-mhin
TAGPUAN
Iba’t ibang tagpuan sa paglipas ng panahon
PANAHON
Saklaw ng dula ang college days ng mga tauhan hanggang sa kasalukuyan
PALIWANAG
Ang banghay ng dula ay hindi conventional. Minarapat ng mandudula na pumili ng mga eksenang sasaklaw sa kwentong nais niyang ilahad. Kinakailangan ng devised transitions para sa maayos na daloy ng dula.
ANG DULA
Kasabay ng pagbubukas ng ilaw, maririnig ang pagtunog ng kampana na naghuhudyat na may nagaganap na kasal. Makikita sa entablado sina FRANCE at NOEL, magkatabing nakatayo sa harap ng altar. Pormal ang kanilang suot na damit.
FRANCE
Ganito ang pinangarap kong kasal para sa’tin. Natupad na.
(Tititig sila sa isa’t isa. Kukunin ni NOEL ang kaliwang kamay ni FRANCE. Mahigpit silang mag-ho-holding hands. Muling kakalembang ang kampana kasabay ng pagdidilim ng entablado.)
(Sa muling pagbubukas ng ilaw, makikita si KRIS, nagsusulat sa kanyang diary/journal. Hinihintay niya ang nagbibihis na si FRANCE.)
KRIS
Bes, bilisan mo naman dyan. Hindi tayo makapag-kwentuhan ng maayos, e.
FRANCE
(VO.) Saglit na lang. Nag-ba-bra lang ako.
KRIS
Antagal-tagal. Kaya palagi kang nale-late sa klase, e. Ang kupad-kupad!
FRANCE
Heto na nga! Andaming kuda! (Papasok sa entablado.) Ano nga yung sinasabi mo?
KRIS
(Very enthusiastic.) Sabi ko, ‘pag nag-asawa ako, lima yung gusto kong magiging anak.
FRANCE
Limang anak? Wow! Do you have any idea kung gaano kahirap magkaroon ng anak?
KRIS
Wala pa. Hello, hindi pa naman ako nabubuntis. Gusto ko ng limang baby para marami akong aalagaan.
FRANCE
Ang sabihin mo, ipinaglihi ka talaga sa gabi. Pustahan tayo, during your first delivery, isusumpa mo na ang panganganak.
KRIS
May caesarean procedure naman. Tsaka painless operation. Kakayanin ko yun.
FRANCE
Mahal kaya yun. Mamumulubi ka.
KRIS
Sino naman nagsabi sa’yong mag-aasawa ako ng mas mahirap pa sa’min? Syempre, bukod sa dapat headturner siya, kailangan kaya niya ring buhayin ang magiging pamilya namin.
FRANCE
Alam mo, Bes, may tawag dyan sa mga qualification mo.
KRIS
Oo na, alam kong masyadong ideal. Pero so what? Dapat lang naman na ideal tayo when it comes to love.
FRANCE
Hindi ideal, Bes. Ilusyon. Ilusyon ang tawag dyan. Sa panahon ngayon, lalaki na lang ang may trabahong mang-anak. Yung bumuhay, inako na yun ng mga beki.
KRIS
Anong gusto mo? Ikaw na lang ang pakasalan ko?
FRANCE
Eeew. Not even over my dead, delectable body.
KRIS
Aba, ikaw pa talaga ang tumanggi. As if naman papayagan kitang tikman ako.
FRANCE
Excuse me, hindi ko ever gugustuhin. Alam mong allergic ako sa tahong.
KRIS
Excuse me rin, hindi ito tahong. Mediterranean cuisine ‘to. At kahit beki, hindi ito mahihindian.
FRANCE
Kung totoo yan, bakit wala ka pa ring jowa?
KRIS
Eh, hindi ko pa naman kasi nire-release yung menu.
FRANCE
Bes, panis na yan!
KRIS
Of course not. Gusto mong amuyin?
FRANCE
Kadiri ka! Hindi ako mahilig sa exotic.
KRIS
Bes, may tanong pala ako.
FRANCE
Seatwork mo na naman sa Algebra?
KRIS
Hindi. Close ba kayo nung classmate mong Math major sa Philosophy class?
FRANCE
Math major?
KRIS
Oo.
FRANCE
Babae?
KRIS
Hindi.
FRANCE
Lalaki?
KRIS
Oo. Yata.
FRANCE
Gwapo?
KRIS
Oo!
FRANCE
Matangkad? Matikas?
KRIS
Oo! Oo!
FRANCE
Tahimik?
KRIS
Pwede.
FRANCE
Magaling pumorma?
KRIS
Oo! Siya nga!
FRANCE
Bading yun.
KRIS
Hindi.
FRANCE
Eh, sino ba yun?
KRIS
Ikaw nga yung tinatanong ko. Groupmate mo sya dun sa report nyo last week.
FRANCE
Ahh. Si— sino dun?
KRIS
Dalawa lang naman kayong lalaki dun sa grupo.
FRANCE
Ahh, si Emmanuel.
KRIS
Wow. Emmanyuwel. Beautiful name. It means God is with us.
FRANCE
Ang landi mo.
(Maririnig ang school bell. Lipat-tagpo. Lalabas ng entablado si KRIS. Papasok naman si NOEL, naka-backpack. Nasa labas na ng classroom nina NOEL at FRANCE nung college. Kakatapos lang ng klase.)
NOEL
France!
FRANCE
(Lilingon.) Yes?
NOEL
France, di ba?
FRANCE
Oo. Bakit?
NOEL
Manghihiram sana ako ng handouts mo sa Philo. Kulang kasi yung sa’kin.
FRANCE
No problem. Kaya lang hindi ko dala eh.
NOEL
That’s okay. Kung pwede, kahit next meeting na lang. Ayy sorry, Emmanuel pala. (Iaalok ang kamay.)
FRANCE
Yeah. God is with us.
NOEL
Huh?
FRANCE
Di ba yun yung meaning ng pangalan mo?
NOEL
Ah, oo. Pero Noel na lang. Para hindi masyadong high school.
FRANCE
Christmas.
NOEL
Yeah. Noel is an alternative word for Christmas. Pero etymologically speaking, it actually means birth.
FRANCE
Naks! Genius!
NOEL
Genius ka dyan. I just take time to know myself more. Tsaka ikaw kaya ang genius. Laging perfect sa quiz ni Ma’am.
FRANCE
Echosera!
NOEL
Huh?
FRANCE
Ah, wala. Sabi ko, thanks.
NOEL
Ah, akala ko tinawag mo kong echosera. Pero paano ka nga ba nag-ta-top lagi? Ako palagi na lang nasa bottom, e.
FRANCE
Gusto mong mag-top?
NOEL
Oo. Sabay naman tayong mag-aral para sa midterm.
FRANCE
Oh, sige. Okay lang. Isasama ko rin si Kris.
NOEL
Kris? Girlfriend mo?
FRANCE
Ay, hindi. Bestfriend ko yun. Gusto ka rin niya kasing makilala.
NOEL
Ha? Bakit naman nya ko gustong makilala?
FRANCE
Ha? Anong gustong makilala? May sinabi ba kong ganun?
NOEL
Oo kaya! Aha, pinag-uusapan nyo ko nung bestfriend mo, ha.
FRANCE
Wag ka ngang feeling.
NOEL
Eh, bakit nya ko gustong makilala?
FRANCE
Wala nga. Wala akong sinabing ganun.
NOEL
Meron. Sabihin mo na sa’kin kung bakit. Dali!
FRANCE
Wala lang yun.
NOEL
Sige na. Sabihin mo na. Eee, sasabihin na niya.
FRANCE
Pilitin mo pa ko.
NOEL
Sige na. Please. Please. Pretty please.
FRANCE
Ah— eh— kasi—
NOEL
Kasi?
FRANCE
Kasi daw crush ka nya.
NOEL
Sus. Yun lang naman pala.
FRANCE
Wow. Heartthrob ka pala.
NOEL
Hindi naman. Bakit ikaw, hindi mo ko crush?
FRANCE
Ha?
NOEL
Ayan ka na naman. Nakakabingi ba ang presence ko?
FRANCE
Ano bang pinagsasasabi mo?
NOEL
Ang sabi ko, hindi mo ba ko crush?
FRANCE
Ha? Bakit?
NOEL
Kasi ikaw, crush kita.
(Maririnig ang school bell. Lipat-tagpo. Lalabas ng entablado si NOEL. Papasok naman si KRIS.)
KRIS
BES! My god! Super kinikilig talaga ako!
FRANCE
Bakit? May concert na naman yung idol mong Japanese boy band?
KRIS
Hindi yun. Ni-like kasi ni Noel yung FB status ko.
FRANCE
Para yun lang.
KRIS
Anong yun lang? Ibig sabihin nun, nagustuhan niya yung sinabi ko.
FRANCE
Eh, ano bang ini-status mo?
KRIS
Sabi ko, “Maaari bang malaman ko kung feel na feel mo nang sabihin, sana ay sabihin na ito. Request ng puso ko’y ikaw, kung tameme ka, Tsong, ako na ang manliligaw.” Oh, di ba?!
FRANCE
Kadiri ka talaga. Paanong hindi niya ila-like yun, eh, die hard fan yun ni Jolina.
KRIS
Oh my god! We’re so meant to be! Pareho kami ng paboritong artista! Ipapakita ko kay Noel yung Jolina doll collection ko! Naku! Maiinlove yun sa’kin nang todo!
FRANCE
Naku! Maiinggit lang yun sa’yo.
KRIS
Ha?
FRANCE
Ahh, sabi ko maiinggit yun sa’yo lalo nang may mga signatured cassette tape at CD ka pa ni Jolina, di ba?
KRIS
Eh ‘di, ipapahiram ko rin sa kanya yung mga yun. O kaya naman, sabay kaming makikinig nung lahat ng album ni Jolina.
FRANCE
Oh, wag kang masyadong excited. Baka hindi matuloy.
KRIS
Wag ka ngang kontra bulate dyan.
FRANCE
Nagpapaalala lang. I’m just performing my responsibility as your best friend.
KRIS
Bes, sa tingin mo ba liligawan na niya ko?
FRANCE
Ha?
KRIS
Or ako na ang gagawa ng first move?
FRANCE
Hindi mo pa ba nagagawa?
KRIS
Para kasing ang torpe-torpe ni Noel. Baka maunahan na siya nung iba ko pang manliligaw. Baka bukas-makalawa, hindi na siya ang type ko. Baka sa sobrang bagal niya, mainip ako. Baka—
FRANCE
Baka hindi ka naman nya talaga bet, Bes.
KRIS
Tingin mo?
FRANCE
Baka lang naman.
KRIS
Sinong gusto nya? Ikaw? (Walang sagot si FRANCE.) Sabi pa nya sa’kin kahapon, may surprise sya para sa’kin today. Magtatapat na kaya sya?
FRANCE
Nagtext sya kanina lang. Malamang, parating na yun.
KRIS
My god! Maganda pa ba ko? Mukha na ba kong haggard? Wala na kong powder, shit. Mapula pa ba yung lips ko. Baka may tinga pa ko. Pacheck nga, oh.
FRANCE
Wala. Wala naman.
NOEL
(Mula sa likod.) Hey, you two! Hello there!
KRIS
Oh! Hi Noel!
NOEL
Hi! Sorry, hindi ako nakasabay sa inyo mag-lunch.
FRANCE
Okay lang. Saglit lang din naman kaming kumain.
NOEL
Mag-meryenda na lang tayo later.
KRIS
Sure. That would be great.
NOEL
So ano na’ng gusto nyo ngayon?
KRIS
Ikaw. Ay.
NOEL
I mean, saan na tayo tatambay?
FRANCE
May surprise ka daw for Kris?
NOEL
Ahh, yeah.
KRIS
Really? Ang sweet naman.
NOEL
Actually, para sa inyong dalawa. (Iko-compose ang sarili.) Kris, I hope wag kang mabibigla sa ipagtatapat ko sa’yo. (Makahulugang titingin kay FRANCE.) I tried— I really tried to find the perfect time para ipaalam sa’yo ‘to.
FRANCE
Wait! Naiihi ako. Mag-CR lang ako.
NOEL
(Pipigilan si FRANCE.) Pigilan mo muna yan. Ayun, I tried, pero I don’t think that there’s such thing as perfect time. So, ngayon na lang. Para special.
FRANCE
Sasabog na talaga! CR muna ko!
NOEL
Wait. Okay, here it is. (Titikhim.) Kris… France, your best friend, and I, your new found friend, are actually celebrating our first month today. And we are so glad na ikaw yung kasama namin sa aming first monthsary. France, happy first monthsary! Pwede ka nang umihi.
(Tutugtog ang Paper Roses ni Jolina Magdangal. Lipat-tagpo. Lalabas ng entablado si NOEL. Maiiwang windang si KRIS habang bothered naman si FRANCE. Maglalabas ng bote ng alak si KRIS mula sa kanyang bag.)
KRIS
Ang ganda mo, Bes.
FRANCE
Bes, sorry. Hindi ko agad sinabi.
KRIS
Ang haba ng buhok mo. Muntik na kong matisod.
FRANCE
Hindi ko naman alam na mauuwi kami sa—
KRIS
Hindi ka ba nahirapang dalhin yan? Palagi tayong magkasama. Palagi akong nagkekwento sa’yo tungkol kay Noel. Yun pala—
FRANCE
Hindi naman dapat aabot sa—
KRIS
Siguro tuwang-tuwa ka na sa tuwing kinikilig ako, naiisip mo na ang tanga-tanga ko dahil hindi ko man lang napansin na wala ngang gusto sa’kin yung tao. Enjoy na enjoy kang naririnig yung pagtili ko kapag kinikilig ako, tapos bigla mo kong hihiritan na wag akong umasa dahil baka masaktan lang ako. Ang laki kong gaga.
FRANCE
Alam mo namang hindi totoo yang mga naiisip mo.
KRIS
Anong totoo? Ikaw na kaibigan ko simula pagkabata, na pinagkatiwalaan ko na ng lahat, maliban sa virginity ko, sasaksakin lang pala ko sa likod. Bading ka nga!
FRANCE
Bes, masyado ng masasakit yang mga binibitiwan mong salita.
KRIS
Totoo naman, eh. Masakit kasi totoo. Bakit, hindi ka ba bading? Hinawa mo pa si Noel.
FRANCE
Excuse me, Bes. Siya ang lumapit.
KRIS
Ayy! Ang ganda mo naman pala talaga, Bes.
FRANCE
Nagsasabi lang ako ng totoo.
KRIS
Mahirap nang maniwala kapag galing sa’yo.
FRANCE
Kaya nga nag-so-sorry na ko, e. Alam ko naman na masasaktan ka pero pinili kong maging duwag. Alam ko yun.
KRIS
Eh, kung alam mo, bakit sumige ka pa rin?
FRANCE
Eh, ang gwapo nya eh.
KRIS
Malandi ka. Mas malandi ka sa’kin.
FRANCE
Bes, pwede naman natin siyang paghatian. Hindi naman ako madamot.
KRIS
Gaga ka. Gagawin mo pa kong kabit.
FRANCE
Eh, hindi siya kumakain ng Mediterranean cuisine, eh.
KRIS
(Matatawa tapos ay seseryoso ulit.) Nag-sex na kayo?
FRANCE
Anu ba, Bes.
KRIS
Wag ka ngang maarte. Sagutin mo, nag-sex na ba kayo?
FRANCE
Ano ba namang tanong yan, Kris? Kilala mo naman ako. Hindi ako basta-basta kumakain ng pagkaing hindi ko alam ang luto. Ayoko nang sinasakitan ng tiyan. Kaya — thrice pa lang.
KRIS
Thrice your face! One month na kayong mag-on, tatlong beses pa lang kayong nag-aano?! Huwag mo nga akong inaano.
FRANCE
Three times pa nga lang.
KRIS
(Maiiyak.) Buti ka pa. Samantalang ako, wala man lang akong natikman.
FRANCE
Wag ka nang umiyak. Ikekwento ko na lang sa’yo yung lasa. Anong part of the body ba?
KRIS
(Maiiyak nang mas malakas.) Hayop ka, Bes. Mga animal kayo.
FRANCE
Huy, tahan na. Di ba dapat nga masaya ka para sa best friend mo?
KRIS
(Manggigigil.) Kundi lang kita kaibigan, kinalbo na kita.
FRANCE
Kris, sana maging masaya na lang tayo para sa isa’t isa. Hindi na tayo high school para pag-awayan pa natin ang lalaki. Hindi naman ako papayag na masira yung friendship natin dahil lang kay Noel.
KRIS
So hihiwalayan mo na siya?
FRANCE
Hindi. Ang ibig kong sabihin—
KRIS
Oo na! Gets ko naman. Kahit naman ako di ko ipagpapalit sa heartache yung pinagsamahan natin.
FRANCE
Mabuti.
KRIS
Wag mo syang papaiyakin, ha.
FRANCE
Siya kaya ang sabihan mo na wag akong papaiyakin.
KRIS
Mag-condom kayo, ha.
FRANCE
Hoy, tama na nga yang alak. Kung anu-ano nang lumalabas sa bibig mo.
KRIS
Minsan, threesome tayo.
(Maririnig ang Chuva Chu Choo ni Jolina Magdangal. Lipat-tagpo. Minumungkahi na magbago rin ang ilaw. Ang mga sumusunod na tagpo ay buhat ng maraming alaala ng mga tauhan. May laya ang direktor sa kung paano itatanghal ang mga eksena.)
KRIS
(Nagsusulat sa diary.) Simula third year college, hindi na naghiwalay sina France at Noel. Madalas, where France is, Noel is. And vice versa.
FRANCE
Noong una, natakot akong maging out ang relationship namin. Ayokong may masabi ang ibang tao na makakasakit sa’ming dalawa, lalo na kay Noel.
NOEL
Maraming nagulat nang malaman nilang boyfriend ko si France. Sabi ng mga dati ko ng kaibigan, hindi na sila nabigla dahil sa panahon ngayon, ruler na lang ang straight sa mundo. Sabi ko naman, I’m just trying to enjoy the wonders of this world. Isa na dun si France.
KRIS
Medyo matagal bago ko natanggap na bi o bading o kung anupaman si Noel. Hindi kasi kagaya ni Bes na buong buhay ko nang kilala, umasa ako na baka curious lang talaga si Noel.
FRANCE
Maraming gustong malaman si Noel tungkol sa same sex relationship. Matagal na raw siyang nakakaramdam ng attraction sa mga lalaki pero sa’kin niya piniling makipag-relasyon dahil ramdam niyang kaya ko siyang imulat sa mundong ngayon pa lang niya papasukin.
NOEL
Wala naman akong pakialam sa gender. Basta alam kong nakatagpo ako ng isang tao who really care about who I am, regardless the established norms of the society.
KRIS
Ang gaga ko lang dahil kahit after their 2nd monthsary, sinubukan ko pa ring ligawan si Noel. Hindi ko rin alam kung paano ko yun gagawin nun. Kaya dinaan ko sa diskarteng high school.
FRANCE
Naloka ko nung religiously ay tinutulungan ni Bes si Noel sa mga papers at homeworks. Tapos may mga kung anu-anong text messages na pinapadala na finoforward naman sa’kin ni Noel.
NOEL
Sumasagot naman ako kay Kris ‘pag nagtatanong sya ng “Anong gawa mo?” or “Nag-lunch ka na po?”. Pinapabasa ko ang mga text na ‘to kay France. Prinomise kasi namin sa isa’t isa na sana as much as possible, wag kaming magtatago ng secrets.
KRIS
Ipinagdasal ko na sana bumuka ang lupa at lamunin na ako nang buong-buo nung ifinorward sa’kin ni Bes lahat ng text ko kay Noel. Nung sunod na magkita kami, sinigawan niya ko sa kalsada nang sobrang lakas.
FRANCE
Haliparot kang bestfriend! (Tawa.) Balak mo pang sulutin ang jowa ko. Sinabi ko na sa’yo na hindi siya mahilig sa Mediterranean delicacy.
NOEL
Maraming babae pa ang nasaktan namin ni France. Majority sa kanila, hindi namin kilala. Malalaman na lang namin kay Kris na may na-basted kami kapag nakakasagap siya ng tsismis sa iba.
FRANCE
Hindi ko sigurado kung nalaman na ba ng buong campus na kami ni Noel. Ang sigurado ko lang, pareho naming hindi kayang aminin sa mga pamilya namin na boyfriend namin ang isa’t isa.
KRIS
At kahit hindi nila palitan ang kanilang FB relationship status, ramdam naman nilang dalawa na alam ng family nila kung anong meron sila.
FRANCE/NOEL
Pero hindi kailanman kami umamin.
FRANCE
Hindi na rin siguro kailangan. Bata pa lang ako ay alam na ng parents ko na mas gusto kong maging muse kesa escort.
NOEL
Wala akong kailangang aminin dahil wala naman akong idine-deny.
KRIS
Naging maayos ang takbo ng relasyon nilang dalawa kahit pa hanggang makatapos kami ng college.
FRANCE
Kung babalikan ang mga memorable moment na pinagsaluhan namin…
NOEL
Meron akong nakahandang listahan…
KRIS
A Round Up of the Most Unforgettable and Remarkable Million Dollar Moments of France and Noel!
NOEL
Let me start dun sa one of the most recent. Hatinggabi yun ng 43rd monthsary namin. Graveyard shift ako kaya hindi ko siya makakasamang sumalubong sa monthly celebration namin.
FRANCE
Yun ang akala niya. Pero dahil hindi ako mapakali na hindi ko siya kasama ng 12 midnight, pinuntahan ko siya sa opisina niya.
NOEL
Buti na lang, sumakto sa break ko yung pagdating ni France. May dala siyang kape at blueberry cheese cake para sa’ming dalawa. Sabi ko, sa baba ng office na lang namin kainin.
FRANCE
Pero sa halip na bumaba, umakyat kami sa rooftop ng building. May ilang mga nakatambay pero masyadong romantic ang setting para mapansin pa namin sila.
NOEL
Kailan ka kaya mauubusan ng ideas for surprises?
FRANCE
Bakit? Sawa ka na ba?
NOEL
Hindi. I’m actually wondering kung paano mo ko nasusurpresa kahit alam ko na na may gagawin ka to make every moment special. (Walang sagot si FRANCE.) Salamat sa kape at sa cheesecake.
FRANCE
Salamat sa pag-appreciate sa mga kaya kong ibigay. (Hahalikan ang kaliwang kamay ni NOEL.)
KRIS
Nung birthday ni France last year, humingi ng tulong sa’kin si Noel para sa gift na pwede niyang ibigay kay France. Knowing my bestfriend, hindi yun mahilig sa materyal na bagay.
NOEL
So I decided na siya naman ang bigyan ko ng surprise.
KRIS
Pinabili ko si Noel ng mga glow in the dark na stars. Tapos, habang rumaraket si France sa isang event sa QC, pumunta kami sa bahay nila at nagpaalam sa nanay niya na may plano kami for his birthday.
NOEL
We invaded his room at idinikit namin sa ceiling yung mga glow in the dark. Pag-uwi niya after our dinner, nakita niya ang greetings sa kanya ng mga bituin.
FRANCE
(Over the phone.) Baliw ka. Pano kung pumasok dito sa kwarto si nanay?
NOEL
E, di nalaman na niya kung gaano kita kamahal.
FRANCE
Salamat. Ngayon lang ulit ako tumitig sa ganito kadaming stars.
NOEL
Ako, palagi kong nakikita ang langit kapag tinitingnan kita.
KRIS
Galing kami sa isang late night inuman nung tuparin ni France ang isa sa mga long time frustration ni Noel.
FRANCE
Natawa ako nung sabihin niya sa amin ni Kris na never pa niyang na-experience na maglaro sa playground.
NOEL
Pero totoo yun. Never akong pinayagan na magpunta o lumapit man lang sa playground. Baka daw kasi mahawa ako ng kung anong sakit.
FRANCE
So instead na dumiretso kami ng uwi sa kanya-kanya naming apartment, dinala ko sila sa isang preschool malapit sa campus.
KRIS
Sayang, walang slide dito.
FRANCE
Sige, next time, dun tayo sa may slide at monkey bars.
NOEL
Next time, ako naman ang magtutulak ng swing mo.
FRANCE
Hindi na kailangan. Matagal naman na akong nahulog sa’yo.
KRIS
Tang ina nyo!
(Tatawa sina KRIS at NOEL.)
KRIS
Kapag nakikita ko kung gaano sila kasaya, naiisip ko na baka nga may happy ever after para sa tulad nila.
FRANCE
Sinabi ko kay Noel ang takot na naramdaman ko nung naisip ko na baka isang araw, marealize ko na kaya ko nang magsettle sa aming dalawa.
NOEL
Mas natakot ako nun dahil hindi ko pa naisip ni minsan na magiging panghabambuhay ang fairytale na meron kami.
FRANCE
Sinabi ko sa kanya na hindi ko inaalis sa mga pangarap ko na baka balang araw, kami na nga ang para sa isa’t isa.
NOEL
Hindi ko sinabi sa kanya na wag muna siyang mag-isip nang ganun kalayo dahil baka hindi ko kayang makasabay sa mga binubuo niyang pangarap para sa amin. Hindi ko sinabi kay France dahil baka masaktan siya.
KRIS
Sa akin sinabi ni Noel ang lahat. Lahat ng hindi niya masabi kay France tungkol sa relasyon nila, sa akin niya ipinadadaan.
FRANCE
Marami na kaming naging away at di pagkakasundo ni Noel pero we tried our best na ayusin ang anumang gusot na dumating.
NOEL
We tried to make it work because we believe that our relationship will still work. Pareho kaming nagtrabaho, pareho naming inilaban ang bagay na para sa ilan ay talunan na sa simula pa lang.
KRIS
Knowing the two of them made me believe na nangyayari sa totoong buhay ang mga ending sa pelikula ni Jolina. I prayed for their happy ending.
NOEL
Pero walang pelikula sina Marvin at Jolina na walang major conflict na magpapabago sa takbo ng kwento.
(Lalabas sina NOEL at KRIS. Maririnig ang magulong reception ng radyo na unti-unting lilinaw. Papailanlang ang boses ni PAPA JACK sa kanyang programa na True Love Confessions. Makikita si FRANCE sa kaliwang bahagi ng entablado, may hawak na telepono.)
PAPA JACK
It’s 11:15, mga kabisyo. Malakas pa rin ang ulan sa labas kaya naman manong taxi driver, ingat-ingat sa pag-drive. Kayo naman dyan mga kabisyo, tuloy lang ang pakikinig sa ating programang TLC. Our final caller is on the phone. Si France ng Fairview. Hello, France. Magandang gabi.
FRANCE
Good evening, Papa Jack.
PAPA JACK
Oh France, ba’t parang paos ka na agad?
FRANCE
Malamig lang talaga, Papa Jack.
PAPA JACK
Ganun ba? Bakit nasa France ka ba, France? O baka naman giniginaw lang ang malamig mong puso.
FRANCE
Ganun na nga siguro.
PAPA JACK
Oh, di bale. Paiinitin natin yan ngayong hatinggabi. Handa ka na bang ibahagi ang kwento mo sa’min, ha, France?
FRANCE
Ready na po.
PAPA JACK
Oh, siya sige, tira!
FRANCE
Ako po si France. Bading po ako. At nandito ako para i-share yung kwento ko hoping na after doing this, mas marealize ko kung ano ang solusyon sa problema ko.
(Maririnig ang malakas na party music at ang hiyawan ng mga nag-iinuman at nagsasayawan. Sa kanang bahagi ng entablado, makikitang nakaupo sa sahig sina NOEL at KRIS, umiinom ng beer, parehong may tama na.)
NOEL
‘Tang ina talaga. Yung mga kasabayan natin, may mga negosyo na, o kaya naman ilang ulit nang na-promote. Ikaw ang bongga na nung studio mo. Eh, ako? Wala. Ganto pa rin.
KRIS
Nagtatrabaho ka naman, ah.
NOEL
Call center? Trabaho ba yun?!
KRIS
Noel, ang labanan ngayon, employment. You should be grateful dahil hindi ka tambay. You’re earning. And not just earning. You’re earning big!
NOEL
Yeah, yeah… Puro pera, pera, pera.
KRIS
Eh, ano pa bang gusto mo?
NOEL
Marami! Maraming marami pa kong gusto. Itong call center, hindi ko ‘to gusto.
KRIS
More than 3 years ka na dyan, di ba?
NOEL
Tatlong taong pagtitiis sa mga tamad na Amerikano. Nakakabobo.
KRIS
Wag mo ngang sabihin yan.
NOEL
Eh, anong sasabihin ko? Alleluia? Alleluia kasi magaling na agent ako, kahit na hindi na ako nakatuloy sa pagma-masters, at least magaling akong mag-English! You know what I’m saying?
KRIS
Pwede ka pa rin namang mag-aral.
NOEL
Talaga? Papaaralin mo ba ko?
KRIS
Makakaipon ka din. May scholarship naman. Wag kang mag-lose ng hope.
NOEL
Wow, conyo mo naman. Agent ka din?
(Tatawa si KRIS.)
NOEL
Hay, tang inang buhay ‘to, nakakadurog ng bayag!
KRIS
(Lalong matatawa.) Wala ka naman nun dati pa.
NOEL
Ano’ng wala? May bayag ako. Durog lang pero meron pa rin. Gusto mo pakita ko sa’yo. Ano?
KRIS
Shut up.
(Saglit na tatahimik ang dalawa habang patuloy sa pag-inom si NOEL.)
KRIS
Alam ba ni France yang mga angst mo sa buhay?
NOEL
Angst talaga, ha. Walang pakialam yun sa angst ko. Busy yun sa pagfi-freelance niya.
KRIS
Eh, trabaho naman kasi niya yun.
NOEL
Whatever. Eh di siya na ang masaya sa trabaho niya.
KRIS
Hoy, tumigil ka na nga dyan.
NOEL
Totoo naman, eh. Lahat naman ginawa ko na, pero wala pa rin. Ni hindi ko nga maamin sa bahay na may boyfriend ako, eh.
KRIS
Alam na naman nila.
NOEL
Pero hindi ko pa rin inaamin.
KRIS
Eh, bakit ba ayaw mong aminin?
NOEL
Kasi nga durog yung balls ko. Tsaka alam ko nang sasabihin ng mga yun sa’kin.
KRIS
Paano mo alam, eh, hindi mo pa nga sila naririnig.
NOEL
Ayaw nila ng bakla. Nasusuka sila. Hindi naman sila umiinom ng alak pero nasusuka sila. Labo, no? Gusto nila magkapamilya ako. Gusto nila akong magkaanak. Gusto nila maging doctor ako. Gusto nila yumaman ako. Gusto nila, maging ganito ako. Maging katulad ako ni ganito. (Mababasag ang boses.) Eh, paano ko magiging ganun, eh, pasan ko sila lahat? Paano ko magagawa yung gusto ko at yung gusto nilang maging ako kung ang dapat kong unahin ay yung mga gusto nila para sa sarili nila?
KRIS
Noel—
NOEL
Sige nga, sabihin mo sa’kin, Kris. Pa’no? Posible ba yun? Pwede bang kalimutan ko na lang sila para maaalala ko naman yung sarili ko?
KRIS
(Aaluin si NOEL.) Noel, magiging okay din ang lahat.
(Magkakatitigan sila. Matitigilan saglit, tapos ay hahalikan ang isa’t isa sa labi. Tutugtog ang Laging Tapat ni Jolina Magdangal, kasunod ang boses ni PAPA JACK. Maririnig din na humihikbi sa telepono si FRANCE.)
PAPA JACK
Ay talaga namang napakahirap ng sitwasyon ng kaibigan nating si France, mga kabisyo. Hay. This is really hard for someone like you na nagtiwala at nagmahal nang lubos. Pero France, iba man ito sa mga pangkaraniwang kwento na naibahagi na sa akin ng ating mga tagapakinig, naniniwala ako na sa dulo ng gusot na ito, may solusyon pa rin para malampasan mo ang problema. Hello, France? Andyan ka pa ba?
FRANCE
Yes po, Papa Jack.
PAPA JACK
Eh, wag kang magngunguyngoy dyan. Makinig ka. Kaya ka nga tumawag sa’kin di ba?
FRANCE
Opo.
PAPA JACK
Oh, ang sinasabi ko sa’yo, alam ko— or I mean, kahit papaano ay nararamdaman ko ang sakit na pinagdadaanan mo ngayon. At sa ganyang sitwasyon, didiretsahin kita, ang tanging magagawa mo ay… sumuko. Alam ko mahal na mahal mo si Noel at magiging araw-araw na pahirap sa’yo ang isiping kahit mahal ka rin niya ay ang bestfriend mo ang siyang makakasama niya habambuhay. Ang sakit marinig nun no, France?
FRANCE
Opo.
PAPA JACK
Pero kailangan mong marinig nang paulit-ulit hanggang sa marealize mo ang totoo. Hindi ko kino-condemn ang mga tulad ninyo. Mahal ko kayo. Pero harapin natin ang katotohanan na ang lipunan natin ay hindi kumikilala ng happy ending ng dalawang prince charming. More importantly, kailangan mong tanggapin, France, na wala nang saysay ang ilaban mo pa ang kung anumang meron kayo ni Noel. Tanungin mo ko kung bakit?
FRANCE
Bakit, Papa Jack?
PAPA JACK
Dahil sumuko na si Noel. France, walang kapupuntahan ang pag-ibig kung isa na lang ang nagdadala. Kung isa na lang ang nakikipaglaban.
(Papailanlang ang chorus ng Laging Tapat. Lipat-tagpo. Nasa isang bar sina FRANCE, KRIS, at NOEL. Magpapalitan lang ng makakahulugang tingin ang tatlo habang pasalit-salit na umiinom ng beer mula sa bote o baso. Tatagal ito nang ilang sandali.)
FRANCE
(May tama na.) Sabi sa Wikipedia, beer is the world’s most widely consumed alcoholic beverage. It is the third-most popular drink overall.
KRIS
After water.
NOEL
And tea.
FRANCE
Yeah. After water and tea. Pero bakit kaya third lang? Ganun na ba kadami ang tea shop sa mundo?
KRIS
Kasi hindi naman lahat ng tao umiinom ng alak.
FRANCE
Hmm. Sino na nga lang ba ang umiinom?
NOEL
Yung mga may sine-celebrate. O kaya naman minsan, just for the sake of it. Or—
FRANCE
O kaya naman yung may pinagdadaanan. Di ba? (Tatango ang dalawa.) Bakit ba tayo umiinom? A, B, or C?
(Katahimikan. Magpapalitan lang ng makakahulugang tingin ang tatlo habang pasalit-salit na umiinom ng beer mula sa bote o baso. Tatagal ito nang ilang sandali.)
FRANCE
(Malakas ang boses.) C. The answer is C. Tama ba?
NOEL
France, lasing ka na. Tama na yan.
FRANCE
Bakit ba naglalasing ang isang tao? A, B, or C?
NOEL
Please, France. Wag dito.
FRANCE
Anong wag dito? Bakit? Nahihiya ka na lasing ang boyfriend mo?
NOEL
Hindi sa ganun.
FRANCE
Eh, ano? Baka naman nakalimutan mo na nang tuluyan na boyfriend mo ko, at boyfriend kita. At bestfriend ko yung binuntis mo.
KRIS
Bes, please. Wag namang ganyan. Pag-usapan natin nang maayos.
FRANCE
Akala nyo ba gusto ko kayong kausapin? Mga traydor.
NOEL
Tara na. Umuwi na tayo.
FRANCE
Bitiwan mo nga ako! (Iko-compose ang sarili, mayamaya ay maiiyak.) Hanggang kanina, hinihintay ko yung punchline ng joke nyo. Hindi kasi nakakatawa. Hindi nyo ba babawiin? Nasan yung chos? Yung charot, yung keme lang sa dulo? Sinong magsasabi nun sa inyo? Wala? So hindi talaga joke? Totoo. (Iinumin ng straight ang beer sa harap.)
NOEL
(Pipigilan si FRANCE.) France, wag nating daanin sa ganito.
FRANCE
Alam nyo bang definition ng best friend at ng boyfriend? Common knowledge naman yun di ba? Ang tagal na nating magkaibigan, Kris. Sabi mo pa sa’kin nun, you would take a bullet for me, because it would be too painful for you to watch me get hurt. Naintindihan mo ba yun nung sabihin mo sa’kin? Binaril mo ko, Kris, eh. Binaril mo ko sa likod.
KRIS
(Umiiyak.) Hindi ko sinasadya, Bes.
FRANCE
Wag mo kong tawaging Bes. Ang totoong bestfriend, magpapahiram ng matris sa bakla niyang kaibigan, hindi nanakaw ng chance para siya ang maanakan.
NOEL
France, that’s enough.
FRANCE
It isn’t, Noel. Ikaw, alam mo ba kung ano ang definition ng boyfriend?
NOEL
Wag mo kaming ikahon sa depinisyon mo o ng google ng kung sino at ano kami sa’yo.
FRANCE
Wow. Well said. Pero just to make a point, a boyfriend is a regular male companion, a significant other in an exclusive romantic relationship. Boyfriends tayo di ba? Bakit tinulungan mo siya sa pagbaril sa’kin? Bakit pinaputukan mo ang bestfriend ko?
NOEL
Dahil ang boyfriend ay para sa girlfriend.
FRANCE
Putang ina mo! (Susugod at susuntukin si Noel.)
(Susubukang umawat ni KRIS. Pupunta sa isang tabi si NOEL.)
KRIS
France, hindi ko ipapalaglag ang bata.
FRANCE
Wala namang nag-uutos sa’yo na ipalaglag yan. Walang kasalanan ang bata. Wag nyo siyang idamay sa problema.
KRIS
France, ilang beses na kong sumubok na humingi ng tawad sa’yo.
FRANCE
Nagbibilang ka?
KRIS
Hindi. Hanggang kailan ka ba magagalit sa’kin?
FRANCE
Kapag alam ko na ang tamang rason para patawarin ka.
KRIS
Ako naman ang magku-quote ng linya natin noon. Hindi ba sabi mo hindi mo hahayaang masira yung samahan natin ng dahil lang kay Noel?
FRANCE
Wag kang magtanga-tangahan, Kris. Hindi ito katulad nang dati. Ikakasal kayo, magkakapamilya. Iiwan ninyo ko.
(Maiiyak si KRIS.)
FRANCE
Wag kang umiyak. Baka isipin nila kung anong ginawa ko sa’yo. (Patlang.) Wala ka ng sasabihin? Kasi kung wala na, ako naman ang magtatanong. Masarap ba ang boyfriend ko?
KRIS
France, sana alam mo kung gaano ko pinagsisihan—
FRANCE
Hindi ako maawa, Kris. Dahil kahit gaano ka pa magsisi, hindi mo na maibabalik sa’kin si Noel.
KRIS
Hindi ko gustong kunin siya sa’yo. Hindi ko siya inagaw.
FRANCE
Hindi nga. Wala ka namang ginawa, eh. Malas ko lang dahil babae ka, lalaki ako. (Maiiyak na din, pero susubukang pigilan.)
KRIS
Kung pwede ko lang ibigay sa’yo ang baby, gagawin ko.
FRANCE
Pero alam kong hindi mo yun gagawin. Dahil nararamdaman ko, may lugar diyan sa puso mo na ginustong mangyari ang lahat ng ‘to.
KRIS
Bes—
FRANCE
Kung hilingin kong palayain mo si Noel after mong manganak, papayag ka ba?
KRIS
Hindi papayag ang pamilya ko.
FRANCE
Kahit kami na lang ni Noel ang umako sa bata?
KRIS
France, anak ko din ang batang ‘to.
FRANCE
Hihiwalayan mo ba siya pagkatapos ng ilang buwan? O ng ilang taon?
NOEL
France, please stop.
KRIS
Hindi ko alam.
FRANCE
Masaya ka na ba na nakuha mo na siya?
KRIS
Alam mong hindi ko siya makukuha sa’yo.
FRANCE
Mahal mo ba siya? (Hindi agad sasagot si KRIS, iiyak lang.) Mahal mo ba siya? (Tatango si KRIS.)
(Susubukang yakapin ni KRIS si FRANCE pero papalag ito. Lalabas ng entablado si KRIS.)
FRANCE
May mali ba?
NOEL
Mali saan?
FRANCE
Sa’kin.
NOEL
Walang mali sa’yo.
FRANCE
May kulang ba?
NOEL
France, tao tayo. Alam mong hindi nakukuntento ang tao.
FRANCE
Ano’ng kulang?
NOEL
Hindi ko kayang sagutin.
FRANCE
Noon mo pa ko niloloko?
NOEL
Hindi. At hindi kita niloko.
FRANCE
Ano’ng tawag mo sa nangyari?
NOEL
France, alam mong aksidente—
FRANCE
Aksidente? Ano yun, nadulas siya sa balat ng saging tapos natumba, tapos nahubad yung damit niya, tapos nadulas ka din, at nagkataong wala kang suot kaya aksidenteng pumasok ang titi mo sa pekpek niya?
NOEL
Hindi ganyan kababaw ang kilala kong France.
FRANCE
Hindi rin ganun kababoy ang kilala kong Noel.
NOEL
Uulitin ko, hindi namin sinasadya.
FRANCE
Sinong nag-initiate?
NOEL
Hindi ko alam. Ano bang tanong yan?
FRANCE
Bakit di mo pinigilan?
NOEL
Lasing ako.
FRANCE
Tangina naman, Noel. Ilang taon na tayong nalalasing at nagdyudyug pero pagkagising natin kabisado mo ang lahat nang nagyari.
NOEL
Iba ‘to.
FRANCE
Gaano kaiba? Iba dahil babae siya? Iba dahil totoo yung boobs niya? Iba dahil hindi siya pwet at bibig lang? Paanong iba, Noel?
NOEL
You’re not listening.
FRANCE
You’re not even answering my questions.
NOEL
France, hinarap kita dahil nagbabakasakali ako na after ng pag-uusap na ‘to, maiintindihan mo ko at matatanggap natin pareho ang sitwasyon.
FRANCE
Paano kung hindi?
NOEL
Wala na kong magagawa. Nangyari na. Hindi ko kayang ibalik ang oras para itama ang mga pangyayari ayon sa kagustuhan mo.
FRANCE
Wow. Kagustuhan ko. Kagustuhan ko lang?
NOEL
Alam mong hindi ko hiniling na malagay ako sa ganitong gulo.
FRANCE
Eh, bakit hinayaan mong magkaproblema?
NOEL
Paulit-ulit tayo, France.
FRANCE
Uulit-ulitin ko hanggang malaman ko kung ano ang totoo.
NOEL
Hindi. Uulit-ulitin mo hanggang sa marinig mo ang gusto mong sabihin ko.
FRANCE
(Matatahimik, pipigilan ang pag-iyak.) Mahal mo ba ko?
NOEL
Hindi na magbabago yun.
FRANCE
Papanagutan mo ang bata?
NOEL
Anak ko yun, France.
FRANCE
Papayag kang magpakasal?
NOEL
Para sa buhay ng bata.
FRANCE
Paano na tayo?
NOEL
Hindi naman ako mawawala, France.
FRANCE
(Unti-unting magbe-breakdown.) Sinungaling ka. Ang dami-dami nating pinangako sa isa’t isa tapos wala naman pala dun ang matutupad. Ikaw pa mismo ang nagsabi mangarap tayo nang magkasama para magkasama din nating tutuparin lahat ng yun. Anong klaseng pangako naman yun?
NOEL
France, alam kong alam mo kung gano kahirap din para sa’kin ‘to. At kahit anong desisyon ang piliin ko, o piliin natin, may masasaktan at may masasaktan. Walang madaling paraan.
FRANCE
Paano kung di ka na lang pumayag magpakasal?
NOEL
Ayokong isakripisyo ang buhay ng anak ko.
FRANCE
Kaya tayo ang isasakripisyo mo?
NOEL
Kahit ano pa’ng mangyari, darating din tayo sa ganito, France.
FRANCE
Hindi yan ang sinabi mo sa’kin dati. Ang sabi mo noon, kahit gaano pa ‘to ka-mali sa paningin ng iba, hangga’t nararamdaman natin na ito ang tama, hindi tayo magpapadikta sa kanila. Ang hina mo naman pala.
NOEL
Mas malakas sila sa’ting dalawa. Pag-ibig lang ang meron tayo.
FRANCE
Hindi ko kaya, Noel. Ayokong umalis ka.
NOEL
I’m not leaving.
FRANCE
But you’re not staying either.
NOEL
Tulungan na lang natin ang isa’t isa na magpatuloy.
FRANCE
Buntisin mo na lang din ako.
NOEL
Kung pwede lang.
(Lalong maiiyak si FRANCE. Mahigpit silang magyayakap. Papailanlang ang Kapag Ako ay Nagmahal ni Jolina Magdangal. Lipat-tagpo. Ang susunod na bahagi ay tagpi-tagping monologo na bibigkasin ng mga tauhan habang sila ay binibihisan para sa kasal. Muli, may laya ang direktor sa kung paano i-eexecute ang eksena.)
NOEL
Kagaya sa araw ng ating binyag, sinisindihan ang kandila sa kasal upang magsilbing liwanag ni Kristo sa kabanalan ng seremonya ng pag-iisang dibdib.
FRANCE
Dalawa para sa dalawang pusong maglalakbay sa hindi laging maliwanag na daan ng buhay.
NOEL
Puti ang kandila, sagisag ng dalisay na tanglaw ng Panginoon.
FRANCE
Sinisindihan ang kandila para maging tanglaw sa harap ng ikakasal, habang naiiwan sa likod ang walang tangan na kandila, unti-unting lalamunin ng dilim. Kung umiyak man siya, wala nang makakakita. Wala nang makakaaninag dahil ang lahat ay nasilaw na sa liwanag ng kandila.
KRIS
Isinusuot ang belo sa mag-iisang dibdib upang madamitan sila hindi bilang dalawang tao, kundi bilang dalawang nilalang na pinag-isa.
NOEL
Puti din upang maging simbolo ng kalinisan at kadalisayan. Malinis na puting tela na kukumot sa mag-asawa.
FRANCE
Magsusuot din ako ng belo. Pero hindi kulay puti, kundi itim. Simbolo ng pagluluksa.
NOEL
Ibibigkis ng puting tali ang belo upang mas humigpit ang pagtataling puso ng dalawang taong nakaharap sa altar.
KRIS
Pansinin ang nabubuong hugis ng walang hanggan sa pagpapatong ng tali sa balikat ng ikinakasal. Nangangahulugan lamang ng hanggang walang hanggan na pagsasama, sa ilalim ng basbas ng simbahan.
FRANCE
Walang hanggang lungkot ang parang lubid na sasakal habang pinagmamasdan ang kaganapan ng pagiging isa ng dating dalawa. Nangangahulugan lamang ng iyong walang hanggang pag-iisa dahil ang dating kasama ay ibinigkis na sa iba.
KRIS
Tatlumpong baryang ginto ang laman ng aras. Simbolo ng yamang iingatan ng mag-iisang dibdib.
FRANCE
Simbolo ng pagkakanulo ng kaibigan sa isa pang kaibigan. Kagaya ng ginawa ni Hudas kay Hesus.
NOEL
Aras na magsisilbing simula ng pagyabong ng dalawang kaluluwa sa tulong ng yaman na iipunin nila at pagtutulungang palaguin.
FRANCE
Aras na palaging magpapaalala na ang pag-ibig ay nabibili. Hindi lang ng pera, kundi ng takot na mawalan.
KRIS
Isinusuot ang singsing sa pang-apat na daliri mula sa hinlalaki sa kaliwang kamay dahil naniniwala ang mga tao na nandun ang ugat na direktang nakaugnay sa puso.
NOEL
Isinusuot ang singsing bilang tanda ng pangako ng mag-iisang dibdib na magsasama sila sa hirap at ginhawa, sa lungkot at saya, hanggang paghiwalayin ng kamatayan.
FRANCE
Isinusuot ang singsing upang habambuhay na ipamukha sa iba na hindi na basta-basta makukuha pa ang taong pinag-aarian. Kahit pa ang gustong kumuha ay ang tunay na nais niyang pag-alayan ng singsing.
(Dahan-dahang lalapit si FRANCE kay NOEL. Tititigan lang niya ito, habang nakamasid din si KRIS sa kanilang dalawa. Lalabas ng entablado si NOEL. Lalabas din ng entablado si FRANCE ngunit hindi sa kung saan lumabas si NOEL.)
(Magbabago ang ilaw. Lipat tagpo. Nakatayo si KRIS hawak ang sapatos na isusuot niya sa kasal. Tititigan niya ito habang bakas sa mukha ang di maunawaang emosyon. Hindi niya mapapansin ang pagpasok at paglapit ni FRANCE.)
FRANCE
Masyado bang mataas ang takong?
KRIS
(Magliliwanag ang mukha.) Bes—
FRANCE
Sorry, yan talaga yung pinakabagay sa gown mo, eh. I know kaya mong dalhin yan.
KRIS
(Yayakapin si FRANCE.) Akala ko hindi ka na talaga dadating.
FRANCE
Pwede ba naman yun, eh, ako ang designer ng kasal ninyo.
KRIS
Bes, hindi ko alam kung paano ako magsisimulang magpasalamat, o mag-sorry—
FRANCE
There’s no need, Bes. Sa tunay na magkaibigan, madalas, hindi kailangan ng paliwanag.
KRIS
(Yayakap ulit.) I miss you.
FRANCE
Wag ka ngang magdrama dyan. Anong tingin mo sa’kin, mudra mo? Ganda ko naman.
KRIS
Nag-usap na kayo ni Noel?
FRANCE
Hindi mo na dapat isipin yan. Araw ninyong dalawa ‘to, Bes. Gusto ko, maging masaya ang mga taong mahal ko.
(Yayakap ulit si KRIS.)
FRANCE
Nakakadami ka na ha. Baka mamaya ako pa ituro mong ama niyang nasa tiyan mo.
KRIS
Sira! Alam mo namang higit pa sa groom ang turing ko sa’yo.
FRANCE
Kadiri ka!
KRIS
Seriously, Bes, thank you for being the best man of our lives. Next to God, next to our fathers.
FRANCE
Wow, first honorable mention. (Magtatawanan silang dalawa.)
KRIS
Teka, di ba dapat ang best man, nasa room ng groom?
FRANCE
Gaga. Ayaw mo ba nito? Eh, di kung nandun ako, baka maghintay ka nang matagal sa altar.
(Magtatawanan sila nang mas malakas. Maririnig ang pagtunog ng kampana na naghuhudyat na may nagaganap na kasal. Saglit na magdidilim ang entablado. Sa muling pagliliwanag, makikita sa entablado sina FRANCE at NOEL, magkatabing nakatayo sa harap ng altar. Pormal ang kanilang suot na damit.)
NOEL
Uulitin ko, patawad.
FRANCE
Salamat.
NOEL
Hindi ko na hihilingin na maging masaya ka para sa’min.
FRANCE
Wala akong ibang hiniling kundi ang maging masaya ka.
NOEL
Uulitin ko, hindi kita niloko.
FRANCE
Alam ko. Salamat.
NOEL
Hindi ako, mawawala. Pangako.
FRANCE
Wag kang mangako. Dahil hindi ko rin maipapangako na hindi ako mawawala.
NOEL
Alam mo namang mahal pa rin kita, di ba?
FRANCE
Uulitin ko yung sinabi mo. Hindi yun sapat. Pero oo, alam ko.
NOEL
Wag mong kakalimutan yun.
FRANCE
Maaalala ko rin yun kapag nakalimutan ko na ang sakit.
NOEL
Tumawa ka ulit. Yung malakas. Gaya ng dati.
FRANCE
Hindi na pwede. Hindi na maibabalik ang dati.
NOEL
Basta tumawa ka.
FRANCE
Sige, gagawin ko. Baka sakaling hindi na ko maiyak.
NOEL
Magnininong ka, ha?
FRANCE
Matagal pa ang siyam na buwan. Malay mo makunan. Joke.
NOEL
I love you, France.
(Tuluyang maiiyak si FRANCE.)
NOEL
Salamat sa lahat. Maraming salamat.
FRANCE
Ganito ang pinangarap kong kasal para sa’tin. Natupad na. Hindi nga lang para sa’ting dalawa.
NOEL
Sana pwede nating angkinin. (Kukuhanin niya ang kaliwang kamay ni FRANCE. Mahigpit silang mag-ho-holding hands.)
FRANCE
(Iaabot ang mga singsing.) Heto yung mga singsing. Bago ninyo sila gamitin, gusto kong malaman mo na hindi man ako ang magsusuot nyan sa’yo, I want you to know that today, I take you to be my greatest love. To have and to hold, from this day forward, for better, for worse, for richer, for poorer, in sickness or in health, to love and to cherish ’till death do us part.
(Hindi makakasagot si NOEL, patuloy lang ang pag-iyak habang papalapit na lumalakad si KRIS. Magtitinginan ang tatlo. Yayakapin ni FRANCE si KRIS. Tapos ay yayakapin ni FRANCE si NOEL. Lalapit sa altar sina KRIS at NOEL. Dahan dahang lalakad palayo si FRANCE.)
TABING
This literary piece is part of Katitikan Issue 4: Queer Writing.