Mainit, kaya binuksan ko ang durungawan
Madilim, kaya inaya ko ang liwanag ng gabi
Mag-isa, kaya ako’y nagdasal
Humingi ng tawad, humingi ng basbas
Sa poon ng buwan at ng kamatayan

Sa ganitong oras na tahimik ang tahanan
Walang nang taong hindi tulog
Ngunit hindi ang damdamin kong kumakabog
Buhay na buhay ang dugo kong kumukulo
Na biglang tumatamlay pagdilat ng araw

Nakakubli sa madla, ngunit malaya kung mag-isa
Malayang rumaragasa ang libido’t pag-ibig sa taong minamahal
Malayang dumadaloy ang uhaw na tindig ng katawang hubo’t hubad
Sapagkat sabik sa pinagkakait ng kabanalan at ng lipunan
Dahil hindi pinahihintulutan ng Maykapal at ng kasaysayan

Tinitigan ko sa alapaap ang nanggagayumang buwan
Minumuni ko ang nakalululang konsepto ng kamatayan
Kung paanong posible silang nagkasama nang walang alipusta
Ngunit hindi sa akin ay hindi pwede kailanman
Para sa mga diyos lamang ba ang pag-ibig sa kauring nawa?

Niyakap ko na lamang ang sarili, nagbabawas ng karuwagan
Habang ginagamay ang pag-ibig ng dalawang magkabalintuna
Bukas na bukas, pipiliin kong lumabas at lumaya
Kung di man ako patawarin ng sambayanan, ni ama o ina,
Parang awa, saluhin niyo ang ladlad kong katauhan, Libulan at Sidapa


This literary piece is part of Katitikan Issue 4: Queer Writing.

By John Lloyd Sabagala

John Lloyd Sabagala is a third-year student from the University of Southeastern Philippines. He is currently taking up a Bachelor of Arts in Literature and Cultural Studies degree. He is now residing in Compostela, Davao de Oro.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.