Madalas akong nakikitulog sa bahay ng tiyahin ko sa katabing siyudad ng Hamilton. Mas malaki ito, at para sa mga kadalasang mas may kayang taga-Burlington, mas magulo. Steel industry ang nagpalago sa Hamilton sa umpisa ng ika-20 na siglo, at dahil sa ina-outsource na ito sa labas ng Canada sa umpisa ng ika-21 na siglo, parang may identity crisis ang siyudad. Kung dadaan ka sa Burlington Skyway makikita mo sa kanan ang mga magkakatabing pabrika ng bakal sa dulo ng Hamilton Bay, ang ilan may lumalabas pang apoy o usok sa mga smokestack. Kuwento ng isang kakilala ko, ito daw ang dahilan bakit hindi siya naliligo sa Lake Ontario. Malapit sa industrial district ang mga lugar kung saan nagtipon ang mga imigranteng Portuguese at Ukrainian at nagsimula ng bagong buhay. May ilan pang mga maiingay na grocery at karinderya pero unti-unti na rin pumapasok ang mga sosyal na coffee shop at art gallery. Mas maliwanag na rin ang mga poste ng ilaw sa gabi.
Sa siyudad na ito nakakuha ng bahay ang Tita Ping ko kasi ‘di hamak na mas mura pa rin ang presyuhan dito. Sinubukan din nilang makahanap ng bahay na medyo malayo sa downtown, kasi nga madalas ang gulo. Sa East End sila nakakita. Maraming Pinoy ang nakatira sa Hamilton, parehong sa sentro at sa mga laylayan nito, kahit na nagtatrabaho sila sa mga nursing homes at tagalinis ng mga bahay sa mga suburban na siyudad tulad ng Burlington. Mga bente minutong drive, o isa’t kalahating oras kung i-commute. Dahil sa haba ng byahe, halos hindi ko pupunta sa bahay nila Ta Ping na mag-isa. Hinihintay ko muna matapos ang shift niya sa gabi, saka magpapadaan sa apartment.
Kuwento niya minsan, kung may pasok hindi siya naabutan ng araw sa kalsada. Madilim pa kung aalis para sa day shift sa isang nursing home, diretso na sa ikalawang trabaho sa hapon. Noon, sabi niya, wala pa akong sasakyan o sariling bahay, kada-taon kaya ko magbakasyon sa Pinas. Ilang taon ka na bale double job Ta, tanong ko. Over ten years na rin. Tahimik lang ako at hindi alam ang isasagot. Pero enjoy ka lang muna ngayon, dagdag ni Ta Ping. Nakadalawang taon na ako sa Canada pero parang bagong dating pa rin trato niya sa akin. Madalas, ganoon pa rin naman pakiramdam ko. Tuwing dadaan kami sa Burlington Skyway papunta sa kanila, parating pag-alala sa mga unang karanasan ni Ta Ping dito ang paborito niyang pangtanggal sa katahimikan sa sasakyan. Pinag-uusapan din namin ang lawak ng Hamilton kapag tag-araw, at may araw pa hanggang alas nuebe.
Malaking atraksyon sa akin ang mas maraming bookstores sa iba’t ibang parte ng Hamilton, sama mo na mga thrift stores na makukunan ng mga murang libro. Ito ‘yung pinakahabol ko bakit ako nakikitulog kila Ta Ping kung day-off. Pero may mga araw din na nasa bahay lang ako. Gusto rin nila Tita Ping at ang kinakasama niyang si Tita Alice na nandoon ako kasi para may taong bahay, kahit na walang masyadong pakinabang ang konseptong ito dito.
Kailan man hindi pinakilala sa akin si Ta Alice bilang ‘kinakasama’ ni Ta Ping. Sa mga kaibigang hindi Pinoy, ‘partner’ ang tanggap at karaniwang salita. May baon kasi sigurong konotasyon ang ‘kinakasama’ na para bang makasalanan itong relasyon. Dala pa rin ang katahimikan ukol dito sa mga kapamilya namin, kahit na ito pa nga ang mas popular na kaayusan kesa sa kasal dito. Sa dami ba naman ng kinakaharap nila sa pamumuhay dito, hindi na ito usapin para pagdiskusyunan pa ng pamilya. Wala rin bumabanggit sa kasal, o sa kung meron mang plano magka-anak o mag-ampon. Kung sa bagay, habang lumalaki hindi ko rin minsan natanong sa sarili ko bakit ‘tita’ ang tawag ko kay Ta Ping, kahit halata namang panglalaki ang kayang gupit, mga damit, at tindig. Basta tiyahin ko siya na nagmamalasakit sa aming magkakapatid. Sapat na ito para hindi na ako magtanong.
Minsan bumisita ang tatay ni Ta Alice sa Canada, may anim na buwan na tourist visa. Matagal na siyang kinukumbinsi na doon na tumira kasama ang ilan niyang anak pero mas gusto niya pa rin daw sa Isabela. Napapayag lang siya bumisita sa pagkakataong ito kasi kailangan ng bone marrow donor ng isang pamangkin niya. Pamilya lang talaga ang may kayang mag-udyok sa mga mahahabang biyahe. Matagal ang anim na buwan, at madalas kami pareho naging taong bahay sa mga panahon na iyon. Noong una, tumutulong pa siya kapag maglilinis ng mga bahay si Ta Alice. Nabagot pagkalipas ng tatlong araw. Sumubok din siya na tumulong sa mga raket ng isang pamangkin na karpintero. Nabagot din kasi halos walang ginagawa, kumpleto ba naman ang power tools sa trabaho. Tagalinis pa rin ang labas ni Tatay Roger.
Hindi ako umalis para maglakwatsa isang araw, nakahiga at nagbabasa lang ako sa guest room. My Name is Red ni Orhan Pamuk, ang kopya na bili ni Ta Alice. Panaginip lang dati makahawak ng libro tulad nito sa Pinas, lalo na sa probinsya, lalo na sa estudyanteng madalas walang pera. Kailangan ko munang dumating sa Canada bago makapunta sa Imperyong Otoman sa taong 1591. Brand new pa ‘to galing sa Chapters kasi hindi pa ako marunong maghanap ng mga used bookstores noon. Pumunta kami agad sa isang malaking branch sa kahabaan ng Fairview Street noong bagong dating kami. Ito ay pagkatapos niya makita na halos kalahati ng isang maleta ko ay libro lang ang laman. Hinihintay ni Ta Alice matapos ang shift ni Ta Ping, at niyaya niya kaming gumala sandali. Ngayon, isang grocery tote bag ng libro ang kaya kong punuin sa twenty dollars, kung marami ang makitang maganda sa mga ronda ko. At ito naman talaga ang dami na inuuwi ko sa Burlington pagkalipas ng ilang araw sa Hamilton.
Dalawa lang sila Ta Ping at Ta Alice sa bahay kaya parating bakante ang guest room na ginawa na lang lagayan ng sobrang damit at gamit mula sa mga cabinet nila. Hindi naman isyu sa akin kasi isang knapsack lang ng pangtulog parati kong dala kung bumisita ako. Wala ring trabaho si Ta Alice sa araw na iyon. Nagluluto sila ng pancit para sa meryenda. Bukas ang kwarto kaya madaling marinig ang kuwentuhan sa labas, at nabalisa ako nang bigla silang nagtalo ni Tatay Roger.
May isang kamag-anak sila, pamangkin na bale ni Ta Alice, na nabuntis. Ibinalita lang daw, paliwanag ni Tatay Roger. Labing-anim lang ang dalaga, ka-edad ang nobyo. Pareho silang nasa high school, papuntang senior high kasi kakaumpisa lang ng K-12 sa Pinas. Parang unang beses ko yatang narinig na nagalit at nairita si Ta Alice. Malumanay talaga siya magsalita, at noong una parating tahimik lang at hindi makasabay sa mga tiyahin ko kapag nag-uusap sila sa Hiligaynon. Ngayon ay mabilis at agresibo ang mga salita niya. Parang naparalisa ako sandali, tinabi ang librong hawak, at kinabahan bago sinilip ang eksena sa labas.
Sabi ng tatay niya, wala naman hinihingi eh. Sumbat ni Ta Alice, eh bakit ka sinabihan? Nagkataon pa talaga kung kailan dito ka sa Canada. Kuwento ng tatay, maaga rin kasi nagkapamilya sina ate mo Grace, ‘yung nanay ng dalaga at pinsan ni Ta Alice, kaya hindi niya mapagsabihan. Bahala sila diyan, sagot ni Ta Alice, ang dami ko nang problema dito. Bayarin sa bahay, sa sasakyan, dagdag niya habang nakatalikod sa ama. May ilan din siyang pamangkin na sinusuportahan na hindi malayo sa sitwasyon namin ni Ta Ping noong mga bata pa kami. Noon pa namin sinasabi na dito ka nalang kasi, tuloy ni Ta Alice habang naggigisa sa electric stove. Dati kinukulit ako kung magpapagawa ba daw ako ng bahay sa atin, ngayon ito naman. Ano ba ginagawa nila sa buhay nila? Natahimik lang ang tatay niya. Tuloy sa paghiwa ng gulay sa mesa.
Naalala ko tuloy si Jose Garcia Villa, at ang kuwento niyang Footnote to Youth. Hindi na klaro sa akin ang mga detalye, basta gustong mag-asawa ng anak ng bida sa napakabatang edad, parang inulit lang ang ginawa ng tatay niya. Medyo wholesome pa nga ang kuwento kasi mga lalaki ang bida, at hindi kasing skandaloso ng wala sa planong pagbubuntis. Magpakasal pa nga ‘yung gustong gawin ng bata. Ang pagtatalo ni Ta Alice at Tatay Roger naman marahil ang sa punto de bista ng ibang kamag-anak, sakaling mangyari ito sa totoong buhay. Hindi ko akalain na mahahanap ko ang sarili ko sa isang sitwasyon kung saan muling mabubuhay ang kuwentong nabasa ko, sa malabong photocopy noong high school ako, sa kabilang kwarto. Parehong manunulat pa na may mga paandar tulad ng Emperor’s New Sonnet.
Tinawag na lang nila ako noong handa na ang pancit. Hindi ko na binahagi ang pag-alala ko kay Jose Garcia Villa. Pinagsaluhan namin ang mainit at masarap na pancit, panglunas daw sa home-sickness ni Tatay Roger. Nagpanggap kaming lahat na hindi rinig sa buong bahay ang pinagtalunan nila. Malakas din ang kutob ko na hindi pa iyon ang huling salita sa argumentong iyon. Nagtabi ng isang plato para kay Ta Ping, alas nuwebe pa ang labas niya sa shift sa Tim Hortons. Tinanong ako ni Ta Alice kung lalabas ba ako ngayon. Sabi ko, ‘di na muna.
This literary piece is part of Katitikan Issue 4: Queer Writing.