Pag-alala kay Jose Garcia Villa

Madalas akong nakikitulog sa bahay ng tiyahin ko sa katabing siyudad ng Hamilton. Mas malaki ito, at para sa mga kadalasang mas may kayang taga-Burlington, mas magulo. Steel industry ang nagpalago sa Hamilton sa umpisa ng ika-20 na siglo, at dahil sa ina-outsource na ito sa labas ng Canada sa umpisa ng ika-21 na siglo, parang may identity crisis ang siyudad. Kung dadaan ka sa Burlington Skyway makikita mo sa kanan ang mga magkakatabing pabrika ng bakal sa dulo ng Hamilton Bay, ang ilan may lumalabas pang apoy o usok sa mga smokestack. Kuwento ng isang kakilala ko, ito daw ang dahilan bakit hindi siya naliligo sa Lake Ontario. Malapit sa industrial district ang mga lugar kung saan nagtipon ang mga imigranteng Portuguese at Ukrainian at nagsimula ng bagong buhay. May ilan pang mga maiingay na grocery at karinderya pero unti-unti na rin pumapasok ang mga sosyal na coffee shop at art gallery. Mas maliwanag na rin ang mga poste ng ilaw sa gabi.

Sa siyudad na ito nakakuha ng bahay ang Tita Ping ko kasi ‘di hamak na mas mura pa rin ang presyuhan dito. Sinubukan din nilang makahanap ng bahay na medyo malayo sa downtown, kasi nga madalas ang gulo. Sa East End sila nakakita. Maraming Pinoy ang nakatira sa Hamilton, parehong sa sentro at sa mga laylayan nito, kahit na nagtatrabaho sila sa mga nursing homes at tagalinis ng mga bahay sa mga suburban na siyudad tulad ng Burlington. Mga bente minutong drive, o isa’t kalahating oras kung i-commute. Dahil sa haba ng byahe, halos hindi ko pupunta sa bahay nila Ta Ping na mag-isa. Hinihintay ko muna matapos ang shift niya sa gabi, saka magpapadaan sa apartment. 

Read More