“walang biro… kay langan ko ng pamasahe totohanan lang… papatayin nako .. ng mgs pulis.. pinapipili ako kong ako o si Edgar .. kaylangan ko tulong mo binigyan sko ng palugid hangang bukas”

“Hindi ako naniwala kaagad noong binasa ko. Sana nirespondehan ko. ‘Di ko nireplyan. Naisip ko, baka napapraning lang ‘to. Tsaka pandemya ngayon. Sipa na naman sa diyes mil mahigit ‘yung mga nagkakasakit. ECQ ulit kaya tigil-sideline na naman. Kung may extra sana ‘ko, mapapahiram ko sana siya. Pareho kaming kelangan ng tulong e kaso mas importante pala ‘yung kanya.

Gulity na guilty ako kasi di ko napakinggan. Hindi ko nabigyan ng pasan. Dapat pala, mas inintindi ko ‘yung message niya. Tinawagan ko sana. Tangna naman kasing Messenger ‘yan! Malay ko bang taranta talaga ‘tong si Vincent. Matagal na kaming tropa e. May mga pareho kaming kaibigan dito sa Angono na nagsama-sama kasi pare-pareho ng trip – bisyo, toma, drugs. Nung madampot ako noon, dumalaw pa sa ‘kin ‘yan. Me dalang kaha ng yosi. Sabi pa niya, “Tatag lang, pre. Kita ulit tayo sa labas.” Tapos nagkausap na lang kami ulit paglabas ko. 

Halo-halo feelings ko ngayon, Ma’am. Naaawa ako sa nangyari kay Vincent. Binaril nila nang tatlong beses, kinaratulahan ng “Pusher” tapos iniwan nilang nakatiwangwang sa bangketa. May nakakita raw na humihinga pa kaya nadala sa ospital. Me sa-pusa talaga, ang ‘langhiya! Kaso nabalitaan nila kaya binalikan sa ospital. Gustong kunin. Kanila raw ang custody kahit walang pinapakitang warrant. Tapos ‘yun, nakatiyempo sila. Binaril ulit nang dalawang beses sa dibdib si Vincent. Sinugurado nilang di na makakakanta.

Ganyan sila ngayon, Ma’am. Tatakutin ka sa text pero madalas, tawag. Sasabihin nilang me taning ka na. Himas-rehas o rekta-bulagta pag di ka nagturo ng ibang kakilala na gumagamit o nagbebenta. Palit-ulo ang tawag nila. Ang sabi-sabi, paraan daw nila ‘yan para makaabot sa quota. Me pera daw na katapat pag nakakarami kada estasyon e. Gago silang lahat, Ma’am! Para silang kumakatay lang ng manok. Inuulol lang nila tayo sa mga salita – nanlaban, nasalisihan, vigilante killing, presumption of regularity, line of duty. Sinisirko-sirko nila ang totoo sa mga salita. Iniingles-Ingles kaming mga pobre dito tungkol sa batas para di makasagot tapos iniisa-isa kami. Putang-ina talaga!

Tulungan niyo kami, Ma’am. Tulungan niyo pamilya ni Vincent. Pare-pareho kaming walang boses dito.”

Tumayo si Melissa sa pagkakaupo kasabay ng pagpindot sa teleponong pan-record sa interview. Nagpasalamat siya para sa panahon ni Theo pero wala siyang mabitiwang pangako. Paglabas sa eskinita ng lugar, iniisip pa rin niya kung sasapat bang sandata ang salita laban sa naging paboritong papet ng diablo: ang tao.


1 –  Mula ang pahayag at mga nakahilig na pangungusap na simula ng unang dalawang talata sa: Talabong, R. (2020, November 9). [EXCLUSIVE] last words of hospital ‘ejk’ victim: ‘the police are about to kill me’. Rappler. https://www.rappler.com/newsbreak/in-depth/vincent-adia-angono-rizal-hospital-ejk-victim-last-words.

By John Carlo Gloria

Kasalukuyang guro ng wika at panitikan si John Carlo S. Gloria sa Pamantasang Ateneo de Manila. Nagtapos siya ng kanyang Masterado sa Panitikang Filipino sa Pamantasang Ateneo de Manila at ng kanyang batsilyer sa Pamantasang Normal ng Pilipinas. Mababasa ang kanyang mga akdang tula at kuwento sa ilang mga antolohiya at dyornal sa loob ng bansa.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.