1. Maupay nga aga (kulop o gab-i) – magandang umaga, hapon o gabi. 

Magiliw ang wastong kataga. 

Madalas tayong magpalitan ng mga “maupay” – sa umaga o gabi – depende sa iyong kagustuhang sumagot. “Maupay man,” ang tugon sa kumustahan. Mabuti naman. 

Madalas kong tingnan ang cellphone ko. Palagian kong ina-unlock, sakaling may nakaligtaan akong text mo. Kung babatiin mo rin ba ako ng maupay na kung isulat mo ay “maupai”. Kung sasagutin mo ako ng okey na kung isulat mo ay “uki po.” Madalas din akong nagpapanggap na may itatanong o hihinging pabor – paki-salin mo naman ito sa Waray; may maitutulong ba ako sa inaayos niyong papel? Sasamahan ko ba si Alice bukas sa miting niyo? Mga palusot para lang mapahaba ang usapan natin sa text. 

Magiliw kang tao. Kaya nga ma’am ang tawag mo kahit na “sir” ang tawag ng iba sa akin. Pagkatapos, nang maging kumportable ka na, tinatawag (o tinetext) mo na ako sa pangalan ko.

Gusto kong ilista ang ilan sa mga panahong nagsabi ka sa akin ng maupay. No’ng una tayong nagkakuwentuhan sa training, pakiramdam ko nasa isa akong teleseryeng KathNiel. O no’ng niyaya mo akong manood ng sayaw niyo sa pistahan, ‘di ko maalis ang mata ko sa pag-indak mo – para akong tinedyer na kinikilig habang nanonood ng basketball sa iskuwela. O no’ng sumakay tayo sa isa sa mga rides sa Tacloban na halos ihagis tayo papuntang gulpo ng Leyte sa sobrang lakas sa ikot, tinanong mo kung ayos lang ba ako. Ipinakita mong matapang ka kahit parehas tayong masuka-suka sa nakahihilong sakayan. Ayos lang sa iyong mali-mali ang ispeling mo, nandiyan naman ako, ‘ka mo, sabay sabing inhinyero ka at di manunulat. At oo, sino ang makakalimot sa pagtatanong mo kung ‘asa opisina ako isang gabi dahil may dala-dala kang regalo. Para sa kaarawan ko. Kahit belated. Binili mo dahil mahilig ako sa katcha bag. 

Isang gabi, matapos ang palitan ng mga napapadalas nang maupay, nagkamali ka ng ipinadalang mensahe. “Bhaby q, buwas n la kta pag-istoria kay katurog na ak.” Sabay bawi sa text saka ka ka bumuwelta, “pinag-iisipan ko pa naman kung babalikan ko siya.” 

Natanto kong magiliw ka lang. 

  1. Diin ka/Hain ka – nasa’n ka?

Hinahanap mo raw ako, sabi ni Leika. Hindi isa o dalawang beses. Maraming pagkakataon kahit hindi naman ako naka-destino sa inyong munisipyo. 

Hinanap mo rin ako no’ng di ako sumipot sa pakain niyo no’ng patron*. 

Nagtext ka. “Hain ka?” Nasa’n ako, bakit di ako sumama sa mga kaopisinang nagsisimula nang mag-inuman? Ilang beses mo pa akong kinumbinseng sumunod. Sayang naman at wala ako, ‘ka mo. 

Mali ang tumanggi lalo at napakagiliw mo sa akin, pero mahirap para sa akin ang makita ka, ang makausap ka habang maya’t maya, may kausap ka sa kabilang linya. Nagdahilan ako na masama ang pakiramdam ko – may hangover – matapos magpakalasing no’ng bisperas ng patron. Nagpakalunod ako sa panonood ng rom-com pagkatapos makipagtalo sa sarili kung susunod o hindi sa bahay niyo. 

Hinanap mo rin ako no’ng naghahanda tayo sa community drill. Sa huling mga training natin. No’ng tahimik akong umalis habang nagpapadespedida kayo sa amin. Mga panahong pilit kitang iniiwasan dahil wala nang dapat pang ipaglaban. 

Hinanap mo rin ako isang gabi, tatlong taon pagkatapos ng lahat. Sa isang text, nagpadala ka ng tatlong emoji – nalulungkot, umiiyak, broken hearted. 

  1. Damo nga salamat ha imo (Maraming salamat sa iyo)

Ang sabi mo sa akin bago ako bumalik ng Maynila.

Ang sabi mo sa akin tuwing tina-tag ko kayo sa facebook kapag may paparating na bagyo. 

Ang sabi mo sa akin matapos kong ipamana ang isang pendant na cross dahil napansin kong walang pendant ang kuwintas mo.

Ang sabi mo sa akin pagkatapos kitang interbyuhin at kapwa natin napagtantong may nabago sa buhay mo sa pagiging magkaibigan natin. 

Ang sagot mo matapos matanggap ang sulat kong nagpapahayag ng masidhing damdamin ko sa iyo. Pinadala ko pa ‘yon kay Joh, sinulat ko habang black out sa bahay na naging saksi sa maraming pagkakataong kinuwento ko sa mga kaibigan at kaopisina ang tungkol sa iyo. 

Ang sagot mo sa pasasalamat kong ibinalik mo ako sa pagsusulat ng tula (na halos lahat ay sinulat ko para sa iyo). Damo nga salamat, pero hindi mo kaya. Bukod sa sobrang relihiyoso ng pamilya mo, umaasa rin silang katulad ng iba pang panganay na anak na nakapagtapos ng pag-aaral at nakakuha ng lisensya at may regular na trabaho sa isang munisipyo, bubuo ka ng pamilya. May asawang babae at mga anak. Babae rin naman ako, hindi nga lang yaong inaasahan nilang puwede mong iharap sa altar ng mga konserbatibo. 

  1. Waray na tawad? (wala nang tawad?)

Ito ang una kong natutunang mga kataga nang tumira ako sa Quinapondan. Pabiro ko itong sinasabi tuwing bibili kami sa mga tindahan, sasakay sa pedicab, o aarkila ng habal-habal. Siyempre, waray na tawad. Walang tawad. Natawa ka nang minsang sinabi ko ‘yan no’ng pumunta tayo sa Anislag. Itinanong mo, “bakit mo tinatawaran ang habal-habal? Bakit mo tinatawaran ang sari-sari store?” Napatawa kita. 

Wala nang tawad. Nagpasya ka na. Ang sabi mo, gusto mong subukan ulit dahil sayang naman ang halos isang dekadang relasyon niyo. At nagkakamali naman ang lahat. Tinanong kita kung sigurado ka na ba, dahil baka naman puwede pang makipagtawaran. Naniwala kasi akong matatantong mong kaya mong tumaya, kahit hinay-hinay lang. 

Pero wala na ngang tawad. 

Pagkatapos mo akong padalhan ng mensahe na break na ulit kayo, matapos kong pakinggan ang lahat ng mga gusto mong sabihin, pati sama ng loob mo sa muli niyang pangangaliwa dahil nasa barracks siya, sa huli sa kaniya ka pa rin tumaya. Pang-ilang beses na ba ito? Hindi ko na mabilang, parang mga mensahe kong ‘di mo sinagot no’ng sinisikap kitang aluin habang nalulungkot ka. Nakikipagtawaran na naman ako. 

Pati ikaw. 

‘Nga lang, nagtagumpay ka sa pakikipagtawaran. Makalipas ang ilang linggo, nagpost ka ng relationship status: is engaged with. May video pa na ginamitan niyo ng filter at boses chipmunk kayo. “Saan mo gustong magpakasal?” tanong mo. “Eh di sa iyo,” sa sagot niya. 

Sa palagay ko, hanggang do’n na lang talaga ang pagtataya. Wala nang tawad. 

  1. Maghinga-upay ka kunta (Hangad ko ang kabutihan n’yo)

Hindi ko napadalang mensahe no’ng Enero. 

Bago matapos ang 2020, ipinadala ni Leika at ni Xander sa akin ang e-card: nakalagay ang larawan niyong magkayakap at tumatawa, petsa, oras at isang pangungusap na samahan kayo sa mahalagang araw na ‘yon – ikalawang araw ng Enero. 

Maghinga-upay ka kunta. Maging matiwasay at mabuti sana ang inyong pagsasama. 

Glossary: 

Patron: fiesta buwas n la kta pag-istoria kay katurog na ak: bukas na tayo magkuwentuhan at matutulog na ako.


This literary piece is part of Katitikan Issue 4: Queer Writing.

By Raya Martinez

Raya Martinez is a transgender woman who currently works for a non-government organization, and volunteers for an independent feminist press. She recently completed her degree related to women’s studies.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.