Alas diyes ng gabi nang magkita kami ni Thirdy sa tagong bahagi ng simbahan sa banwa. Sa gilid kung saan mayabong at mataas ang tubo ng mga pandekorasyong halaman. Hindi ito ang una naming pagkikita. Sa katunayan, pangatlong beses na ito. Pero ito ang unang beses na kaming dalawa lamang ang magsasalo sa lamig ng gabi.
Sa bahaging ito rin ng simbahan kami unang nagkita noon. Tatlo kami. Ako, siya, at ang isa pang kaibigang agí na mas higit ang tanda sa akin – si Dasay. Kasabay ko si Dasay noong gabing iyon na naglalakad pauwi galing sa bahay ng isa pa naming kaibigan. Sa labas pa lamang ng simbahan ay nilapitan na siya ni Dasay pagkatapos mag-usap ng kanilang mga mata. Pagkatapos ng ilang sandaling bolahan, himasan, at bulungan ay nagkasundo na sila.
Sabay-sabay kaming pumasok sa gate ng simbahan at dumiretso sa tagong bahagi nito. Para bigyan sila ng pribadong oras, lumayo ako nang kaunti at nagtago sa anino ng nagtataasang mga halaman kasama ang nanginginig na gabi, habang sinisiguradong natatanaw ko pa rin sila.
Isinandal ni Dasay si Thirdy sa baku-bakong pader ng simbahan. Akmang hahalikan ng una pero iniwas ng huli ang mukha niya. Lumuhod si Dasay at ibinaba ang shorts ni Thirdy at saka sinimulang iatras-abante ang mukha niyang nakatutok doon.
“Sin-o tong upod mo, man?” Narinig kong tanong niya kay Dasay.
Hindi ito sumagot at nagpatuloy sa ginagawa. Inulit niya ang tanong.
“Wala a!” Asar na sagot ni Dasay na kailangan pang ihinto ang ginagawa at agad rin namang bumalik sa pagsisid.
Muli siyang isinandal ni Dasay sa pader na iyon nang magkita kami sa pangalawang pagkakataon. Iniwas pa rin niya ang mukha nang tangkain siyang halikan nito. Kaya nauwi iyon sa muling pagluhod ni Dasay sa harap niya na parang taimtim na nananalangin.
“Siya naman abi?” Itinuro niya ang madilim na bahagi kung saan ako nakakubli.
“Ano?” Singhal ni Dasay.
“Siya naman. Tistingan ko lang.” Tatawa-tawa niyang tugon.
“Wala na sa kuwarta, ya.” Bulalas ni Dasay sa kanya.
“Okay lang na, ah.” Pamimilit niya.
“A, amo na gali? Ti sige, kamo na lang duwa, pero hindi ta ka pag bayran, ah.” Inis na sagot nito sa kanya.
“Joke lang!” Natatawa niyang bawi. Lihim rin akong natawa sa dilim.
Ngayong gabi, sa ikatlo naming pagkikita, isinandal ako ni Thirdy sa pader ng simbahan. Pinagdikit at pinag-isa niya ang mga labi namin.
“Gusto ta ka, bala.” Pabulong sa tenga ko ang pag-amin niyang gumapang mula sa leeg ko paibaba.
“Wala ko ya bala sang kuwarta nga ibayad sa imo.” Sagot ko sa kanya.
“Basta, gusto ta ka ya, ah.” Lumuhod siya sa harap ko matapos aminin ang kasalanang pagkagusto sa akin.
Hinagilap ng mga daliri niya ang zipper ko na para bang kinakapa ang mga butil ng rosaryo. Ibinaba niya ang suot kong shorts matapos mahanap ang dulo ng zipper nito.
Matapos niyang magkumpisal sa akin ay taimtim siyang nag-alay ng mahabang-mahabang panalangin.
This literary piece is part of Katitikan Issue 4: Queer Writing.