MGA TAUHAN
Bunso – matinis ang boses, pinakabata, sakitin, babae
Ali – katamtaman ang taas, lalaki
Van – malaki ang pangangatawan, lalaki
Rhea – matabang ale, 45-50 ang edad
Jay – bana ni Rhea, maliit na lalaki, under de saya, 50-55 ang edad
Tagpuan:
Gabi at tahimik ang paligid. Makikita ang isang malaking karatulang may nakalagay na “Mag-ingat sa mga ASO!”, magkapatong na mga gulong ng sasakyan sa kaliwa, dalawang putol na kahoy sa gitna, isang malaking puno ng kahoy sa kanan, at mga baging na nakalambitin malapit sa malaking puno. May nakapaskil na isang poster ng isang kandidato sa malaking puno ng kahoy. Madilim sa bahagi saan nakatayo ang malaking puno.
Eksena 1
Maiilawan ang dalawang putol na puno sa gitna. Makikita na isa-isang papasok ang apat na tao. Papasok sila kung saan nakapuwesto ang magkapatong na mga gulong ng sasakyan. Makikita ang tatlo sa kanila (Rhea, Van at Bunso) na nakasuot ng pare-parehong kulay pulang t-shirt. Mababasa ang pangalan at numero ng isang kandidato. Makikita si Jay na kulay pulang t-shirt ang suot pero iba ang nakalagay na mukha ng kandidato. Natatakpan ng face mask ang kanilang bibig at ilong. May hawak na mga poster ng kandidato sina Van at Bunso. Makikita ang kani-kanilang mga mukha nang tanggalin ang mga facemask na suot.
Van: Buti na lang huling barangay na ‘to. Naliligo na ako sa pawis.
(Maririnig na magsasalita. Titingin sa kaliwa at sa kanan. Ibibigay kay Rhea ang ilang poster ng mga kandidato.)
Bunso: Hala, ikaw naman pala ‘yang mabaho eh! Nanunuot dun palang sa bukana ‘yong masamang amoy eh.
(Habang nasa pagitan nina Rhea at Van, anyong tatakpan ng isang palad ang ilong nang abutin ni Rhea ang mga poster kay Van. Inuubo.)
Jay: Ang init! Huminto nga ang ulan pero parang huminto rin ang hangin. Kanina pa ako taghoy nang taghoy. Nauubusan na ko ng hininga.
(Pahingal na bigkas habang inaabot ang ilang papel kay Rhea. Pawisan at bakat ang pawis sa damit.)
Rhea: Wan, to, tri, four… Inayos natin kanina ‘di ba? Nakakapagod magback job.
(Binabasa ng laway ang hinlalaki para mas madaling mabilang ang dalang mga poster. Dadako ang tingin kay Jay at hihinto sa pagbibilang upang maibato kay Jay ang isang tuwalya.)
Bunso: Hindi na ba kaya ng pawers? Ilang araw nalang ay bayad na tayo eh. Tiba-tiba.
(Pagkikiskisin ang mga daliri parang naglalagay ng asin sa niluluto. Inuubo at dudura.)
Van: Tama si Nanay, ayusin din natin para di maulit tulad nung sa barangay Naipit. Di na tayo babayaran dun… Uubusin ba natin ‘to dito?
(Ipapaskil sa malaking puno ng kahoy ang poster. Nakatabingi at hindi maayos ang pagkakadikit sa puno.)
Rhea: Basta ako, ayaw ko na ‘tong kasamang umuwi. Ididikit natin lahat ang kaya natin, syempre. Ikaw gusto mo? Tsaka dahan-dahan lang para maabutan tayo ni Ali rito. Jay!
(Ngungusuan si Jay na pupuntahan si Bunso upang tulungang maidikit nang maayos ang poster sa kahoy.)
Jay: Anong oras ba siya nagsimula?
Rhea: Hindi ka pa nagising, nagdidikit na ‘yon. Sa kabilang barangay nauna. Aabangan daw tayo rito. Kumain na kaya ‘yon?
(Titingin sa orasan.)
Bunso: Malinis ang mga bakud kanina, Nay. Ang gara nung huling gate kanina. Naglagay si Van dun eh. Hindi ba ‘yon babaklasin? Kasi kung ako yayaman tapos may ganung gate tapos madudumihan…
(Babalikan ng tingin ang pinagmulan. Inuubo at dudura.)
Van: Okay pa ba ‘yang gun tacker at glue? Para matapos na at makauwi. Lapit na ‘yong curfew.
(Ididikit ni Van ang isang poster sa magkapatong na mga gulong. Kukunan ng larawan ang idinikit na poster. Maiilawan ang mukha ng screen mula sa cellphone habang tinitingnan ang kuhang larawan.)
Rhea: Muntik ko nang makagat ‘yong mga aso kanina. Litse! Ang sama-sama ng tingin sa’tin. Baka may mga aso pa dun sa unahan. Tsaka, saan ba banda tayo mag-iingat?
(Lalakad palapit sa karatula sabay tingin sa kaliwa at kanan.)
Jay: Wala na sigurong aso rito, Lab. Huling bahay na ‘yong kanina ‘di ba?
(Nagpapahid ng pawis gamit ang tuwalyang ibinato ni Rhea.)
Rhea: Isa ka pa! Ba’t isinuot mo ‘yan? Nasan na ba si Ali?
(Tititigan ng masama si Jay. Ibaba ang dalang mga poster sa lupa. Tatanggalin ang suot na backpack at ilalabas ang mga dalang baunan. Aabutan ng tig-iisa sina Jay, Van at Bunso.)
Jay: Supporter niya ako, lab. Isang team lang sila ‘di ba? (Nakangisi habang kinukuha ang inaabot na baunan ng asawa.)
Rhea: Animal ka talaga! Naku! Sana nakita ka ni Kap kanina.
Jay: Hmmm. Wala ng oras ‘yon magmonitor si Kap.
(Uupo sa isang putol nak ahoy.)
Rhea: Walang oras ang mukha mo!
(Uupo sa isa pang putol na kahoy. Sabay nakaw ng nilagang itlog sa baunan ni Jay.)
Jay: Kahit saan ka masaya, Rhea my lab!
(Isinusubo ang kanin, sabay kindat. Magtatawanan sina Van at Bunso.)
Bunso: Ang talino mo talaga, Tay. Masusuot mo pa bukas ‘yong sa’yo eh. Eh kami, maglalaba pa mamaya! ‘yong iba nga diyan ang baho-baho na kasi baka hindi naglalaba. Haha!
(Tulad nina Van, Rhea at Jay ay nagsisimula na ring kainin ang dalang pagkain. Uupo malapit kay Jay.)
Van: Dumagdag ka pa sa istres ni Nanay. Bundok na ‘yong dumi mo sa bahay. Hindi ka naman naglalaba. Nay, hinagisan ko na rin ng tinapay na may palaman ‘yong mga aso dun sa unahan. Malamang tulog nang mga ‘yon ngayon. Nung lapitan ko sila kanina, parang galit-galitan pa pero nung inilabas ko na ‘yong mga tinapay, naglalaway—.
(Ilalabas sa bulsa ang malaking pakete ng bitsin. Aasarin si Bunso. Aaktong lalagyan ng bitsin ang baunan ni bunso.)
Rhea: O san ka pupunta? ‘Tong itlog mo.
(Makikitang tatayo si Jay. Ilalagay niya sa baunan ni Jay ang kalahating itlog.)
Jay: Iihi lang. Tabi-tabi po.
(Tatayo at aktong iihi sa katawan ng malaking punong kahoy.)
Van: Madilim na, Tay. Baka may mabasa ka dyan.
Jay: Flashlight!
Van: Iabot mo kay tatay.
(Ngungusuan si Bunso.)
Eksena 2
Habang umiihi si Jay, kumakain naman sina Bunso, Van at Rhea. Iniilawan ni Jay ang dadaanang daan sa kanan lagpas sa malaking puno ng kahoy. Maiilawan ang isang malaking maleta.
Jay: Sinisimulan na rin pala nila ang subdibisyon dito, no?
(Habang umiihi sa malaking puno at iniilawan ang dadaanang shortcut.)
Rhea: O ‘di may inuupan tayo ngayon?
(Habang aayos ng upo sa putol na kahoy.)
Jay: ‘Di na tayo mag-aalala sa mga bata tuwing hapon.
Bunso: Sabi ni Ali, ‘yong kaklase niya hinabol daw dito tapos nung makarating sa bahay, nawala na sa katinuan eh. Hindi na sila nagsho-short cut.
Van: Nay, minsan ‘di ‘yan sumasabay sa amin.
(Kakausapin si Rhea. Isinusumbong si Bunso.)
Rhea: Naku, naglipana na naman ang mga adik. Andami na namang krimen. Mag-ingat kayo parati.
Van: Sana ibalik nalang ‘yong oplan.
Rhea: Baka wala ng matira sa barangay natin.
Jay: Van?
(Dali-daling isasara ang zipper habang tinatawag si Van.)
Bunso: Sarap mong magluto, Nay. Paborito ko talaga tong initlogang beplop mo, Nay.
Rhea: Nasa listahan na ‘to kina aling Marina, Nak. Kinapos tayo sa gasul.
(Makikita si Van na lalapitan si Jay.)
Van: Maleta!
(Buhat-buhat na dadalhin sa gitna ang maleta. Nakasunod si Jay sa kaniya.)
Rhea: Ayan na naman ‘yong amoy!
(Kukunot ang ilong at mahihinto sa pagsubo ng kanin.
Bunso: Napisat ni Tatay, Nay!
Makikita si Jay na pinapahid sa lupa ang kung anong natapakan. Dadako ang tingin sa maletang dala ni Van.)
Jay: Maleta…
(Walang magsasalita sa kanila. Magtitinginan sila sa isa’t isa. Babasagin ang katahimikan ng mga salita ni Ali.)
Ali: Anak ng…
(Napahinto sa pagtakbo si Ali dahil sa pagkabigla nang makita ang pamilya.
Rhea: Nak?
Ali: Salamat sa Diyos. May parang sumusunod sa’kin kanina, Nay. Akala ko talaga iniwan na ninyo ako.
(Hingal na hingal sa pagtakbo. Makikita si Van na tinitingnan ang itsura ng maleta.)
Bunso: Paano mo kami nahanap, kuya?
Ali: Sinundan ko lang ‘yong mga paskil ninyong poster.
(Walang dalang poster o kahit na anong katibayang buong araw nagdikit ng mga poster. Bakas ang kapayapaan sa mukha. Sa wakas tapos na niyang madikit lahat ng poster ngayong araw.)
Van: Ba’t ‘di tayo nagkita?
Rhea: Siya, siya. Kumain ka na ba? Gutom ka na ba?
Ali: Kumain na ako, Nay… Okay ‘yang maleta ah.
Van: May laman…ambigat.
(Sisimulang buksan ang zipper ng maleta.)
Jay: Tingnan mo.
Rhea: Magagamit pa ‘to. Okay pa siya.
(Iaaakto ni Rhea kung gaano kalaki ang maleta. Ididipa niya ang mga braso.)
Bunso: Baka naiwan ‘to ng may-ari…
(Makikita niyang hihinto sa pagbubukas ng maleta si Van.)
Jay: Baka sa malaking bahay ‘to.
(Ngunguso sa pinagmulang dako kanina-sa kaliwa, sa bahaging may patong-patong na gulong.)
Rhea: Parang magagamit pa ‘to. Di pa sira o. Tsaka…
Van: Naiwan? Teka lang, masamang tao ba tayo kapag iuuwi natin ‘to?
Rhea: Naiwan sa daan? ‘Di naman natin ninakaw. Nakita lang natin.
Bunso: Baka hindi na magamit. Walang kuwenta. Basura.
Van: Teka lang! Baka naman…(Matatahimik. Tatakpan ang bibig ng dalawang palad. Matatakot.)
Bunso: OA!
Jay: Shh!
Bunso: Baka galing to sa siyudad? ‘Di ba Nay di pa nakita yong isang kabang ginto nina Meyor?
Rhea: Sa minahan daw galing ‘yon.
Bunso: E ba’t nasibak sa trabaho si tatay?
Jay: Ubos na ‘yong ginto. Wala kaming nakuha.
Van: E, ginto nga ‘to, bakit to andito?
(Ituturo ang maleta. Magtataka.)
Rhea: Baka papuntang airport?
Van: Baka may bala ‘yan!
Jay: Baka may bomba, yan!
(Lalayo sila kaunti sa maleta.)
Bunso: Pwede nabang buksan?
(Magtitinginan sa isa’t isa.)
Rhea: Baka hindi ‘to bomba…
(Sisilipin ang laman ng maleta.)
Eksena 3
Lalaki ang mga mata sa makikitang nasa loob ng maleta (hindi ipaaalam sa mga manonood ano ang laman-panatilihing misteryo ito).
Lalaki ang kanilang mga mata at bibig nang makita ang nasa loob ng maleta. Hindi makapaniwala.
Ali: Teka lang! Nakita ninyo lang ‘tong maleta?
(Palipat-lipat sa pamilya at maleta ang tingin.)
Jay: Umihi lang ako. Nakita ko lang ‘to sa may puno. Salamat sa nuno sa punso.
(Hahawakan si Ali papunta sa maleta.)
Rhea: Hulog ng langit!
Van: Hulog ng langit! Thank you. Lord!
Rhea: Akin na ‘yang mga poster.
(Kukunin ang iiabot sa kanyang poster ni bunso na inilapag niya kanina sa lupa.)
Jay: Anong ginagawa mo?
(Makikita si Rhea na inilalagay sa loob ng maleta ang mga poster.)
Rhea: Tinatakpan ang laman…
Ali: Teka lang…masama ‘yong pakiramdam ko.
(Makikitang parang mahihilo. Hahawak sa ulo.)
Bunso: Nilalamig ka ba?
Van: Alis na tayo…
Bunso: Baka nagalit ‘yong nuno, Tay!
Jay: Shh! Mabuyagan ka!
Ali: Baka mamalasin tayo dahil dyan, eh! Umalis na tayo!
Rhea: Pakiligpit nung mga baunan. Bilis! Di natin to pwedeng iwan. Kailangan ‘to lalo na ni bunso. Nanginginig ako…
(Makikitang sa pagmamadali ay nanginginig ang kamay.)
Bunso: Wow! Ako na naman, Nay? Okay na ako! Ba’t ba ginagawa nyo kong dahilan?
(Inuubo at dudura.)
Rhea: Konti nalang kasi, Nak. Malaki bigay ni Kap. Pasalamat tayo kay Van kasi kinontak siya. Mapapalitan na ‘yang tubo mo.
Van: Sa totoo lang kaya namin ‘to ni Tatay. Naisip kong mas malaki ang kita kung marami tayo.
(Dadakmain ni bunso ang maleta. Seryoso ang boses. Ilalabas ang selpon. Kukunan ng video ang maleta.)
Bunso: Gagamitin ko to. Magiging sikat na vlogger ako. Ipapakita ko sa lahat nang dahan-dahan with cliffhanger ang napulot nating maleta. What’s in the bag? Tiktok! Youtube! Facebook reels! Plus. Yayaman ako. Bibilhin ko lahat. Ilalabas ko baho ng may-ari nito! Tingnan natin, di ba siya makulong!
(Habang inuubo sa pagitan ng mga linya.)
Van: Talagang bobo! Kung ako may-ari nito, tapos mapapanood ko ‘yong bidyo mo. Yari ka. Lalagyan ko ng bala utak mo. Kung ako, tatakas ako. Itatago ko ‘tong maletang to. Hanapin muna nila ako. Papalitan ko pangalan ko. Babaguhin ko mukha ko.
Jay: Baka nasa PBB tayo? O panaginip lang itong lahat. Basta sigurado kayong bigay ni Kap tong trabahon di ba? Pano kung may mga camera dito. Minomonitor ‘tong subdivision?
(Lilingon-lingon silang lahat. Hahanapin ang camera.)
Rhea: Wala na. Para na tayong tanga. Hahaha!
(Matatawa at lilingo-lingo parang hindi makapaniwala sa mga naririnig.)
Bunso: May curfew tapos parati kayong magdamag umuuwi? Hindi ninyo man ako iniiwanan ng kasama sa bahay.
(Patuloy na pagmamaktol. Mas grabe ang ubo.)
Jay: Pero ‘di ako makapaniwala. Kayo ba, paanong wala man lang umihi sa puno? Paanong hindi nila nakita ang maleta?
Rhea: Ito na magpapaahon sa atin sa hirap. Makakaahon na tayo!
(Titingnan ng lahat ang laman ng maleta. Makikita ang limang papaikutan ang malaking maleta.)
Van: So, pa’no na?
Ali: Hatiin natin to?
Jay: Hahatiin natin to.
Ali: Ako ang nakakita syempre…
(Itataas ni Ali ang kanang kamay parang oral recitation sa klase.)
Van: Wala sana tayo rito kung hindi ako tinawagan ni Kap. Tsaka, parang ambigat nito. Di rin natin pwedeng iwan. Pwede sa backpack.
(Pinutol ang sasabihin pa ni Ali. Aalug-alugin ang suot na backpack.)
Rhea: Tama na! Hahatiin natin to. Ito kay Ali (ituturo ang kaliwang bahagi ng maleta). Ito kay Jay (ituturo ang kanan para kay Jay). Ito kay Van (ituturo ang gitna). Ito kay…
Van: Teka lang. Wala ba kayong naririnig? Iuwi nalang natin ‘to sa bahay kasi parang…
(Biglang hihinto sa pagsasalita. Pakikinggan nila ang katahimikan.)
Bunso: Okay! Uwi na tayo at boluntaryo akong magdadala neto.
(Kukunin ang maleta)
Van: Palibhasa ikaw yong mas mahal kaya mas malaki ‘yong sayo. Kami na magdadala nito.
(Babawiin sa kamay ni Bunso ang maleta.)
Bunso: Anong mas malaki. Ikaw nga tong paladesisyon. Kung wala si Nanay, sayo lahat. Wala kang tinitira. Sinisimot mo lahat. Ang lusog-lusog mo.
EKSENA 4
Mag-aagawan sa maleta.
Van: Ako muna ang hahawak. Pwede ring hatiin na natin to dito pa lang. Para hindi naman gaanong mabigat pag-uwi natin.
Bunso: At bakit? Nung pinahawak nga lang sa ‘o yong electric bill natin, di mo nagawa! Kayud ka ng kayud pero wala naman kaming nakikita. Kailangan ko to. Sa ating lahat, ako ang pinakanangangailangan. Matatanda na kayo (ituturo sina Rhea at Jay). Kung maghahatian man, siguro naman iniisip ninyo kinabukasan ko. Nag-aaral pa ko.
(Niyakap ang maleta.)
Jay: Huminahon kayo. Pwedeng sa bahay nalang natin to pag-uusapan. Baka may makarinig sa atin.
Ali: Gabi na Tay. Tulog na ang lahat. Tayo lang ang hindi gaanong nakatutulog papalapit na ang eleksyon. I-report natin ‘to. Sa tingin ko, hahanapin to ng may-ari. Kung hindi natin to irereport, baka magkakaproblema tayo.
Van: Walang problema kung walang magsusumbong. Di ba?
Rhea: May nakita ba kayong tao sa paligid kanina?
Ali: Wala akong nakita kundi ‘yong isang puting Van lang sa may bukana kanina.
Bunso: Ako na magdala.
Rhea: Matutulungan tayo nito. Tsaka bakit nila ‘to iniwan di ba? Hulog to ng langit sa atin. Nakikinig ang Diyos. Pinakikinggan niya lahat ng panalangin ko sa kanya gabi-gabi. Nakikita niya ang paghihirap natin. Maaawin ang Diyos.
(Aktong luluhod habang nakahangad sa langit. Nasa gilid ang mga anak na nag-aagawan sa pagdala ng maleta. Biglang mahihinto nang matutumba si Jay parang natamaan ng kung ano.
Van: Shit! Shit! Shit!
Ali: Ano ‘yon? Tay!
(Makikita si Jay na bumagsak. Biglang may biglang tumama sa dahilan ng pagkatumba.)
Bunso: Nakita na tayo ng mga aso! Akala ko ba pinatulog mo na sila.
(Sisinghalan si Van.)
Van: Ano! Inubos ko nga ‘yong pakete sa tinapay. Nakita kong kinain nila lahat bago ako umalis.
Bunso: Tay? Tay? Anong nangyayari kay Tatay, Nay? Hmmp…ambaho!
(Ilalagay ang palad sa ilong ni Jay para matiyak kung humihinga pa ito. Ang isang kamay ay sa sariling ilong nakatakip. Pupulutin ang flashlight sa kamay ni Jay.)
EKSENA 5
Magliliparan ang maraming tae mula sa kung saan-saan.
Rhea: Huy grabe! Mga walang hiya kayo! Nagtatrabaho lang kami. Wala kaming ginagawang masama.
(Manginginig ang kamay. Itataas ang natitirang mga poster inipit na mga poster.)
Vannesa: Bat tinataas mo yan, Nay?
Rhea: Ano dapat?
(Biglang matutumba si Rhea.)
Van: Magsitago kayo!
(Dudukot ng kutsilyo sa bulsa.)
Bunso: Ba’t may kutsilyo ka?
(Iilawan ang mukha ni Van.)
Van: Ipuputok ko na ‘to. Ipuputok ko na ‘to!… Ilayo mo ‘yang liwanag.
(Iilag sa liwanag ng flashlight.)
Ali: Teka lang! Ano bang ipuputok?
Van: Wala nang iba pang pagkakataon. Ubos na. Wala na silang ipinapasok sa mga sobre. Tsaka…
Bunso: Alis na tayo! Baka matamaan tayo. Nay, Tay?
(Tinatawag ang nanay at tatay na nasa lupa pa rin.)
Ali: Anong pinagsasabi mo? Bangon na nga kayo diyan Nay.
(Babangon sina Rhea at Jay sa pagkahandusay. Mangangamoy tae sila. Tatakpan ng mga anak ang mga ilong.)
Rhea: Ba’t may kutsilyo ka?
(Tatanggalin ang mga dumi sa damit. Kukunin ang kutsilyo kay Van. Ipapasa kay Ali, Bunso at mapupunta kay Jay.)
Jay: Muntik na akong matamaan nong nagtapon ng tae. Mabuti nalang nakailag pa ko. ‘Yan na naman.
(Masasalo ang kutsilyo. Iilag sa mga ibinatong mga tae.)
Rhea: Ba’t dito nyo tinatapon ‘yong mga tae nyo? Gawin niyong pampataba yan, huy!
(Sisigaw.)
Jay: Galing bumato. Sapul ‘yong mga poster o!
(Lilingunin ang mga idinikit na poster sa malaking puno.)
Bunso: Ambaho nyong dalawa…kelangan na nating umalis dito.
(Ipapahid kina Rhea at Jay ang natitirang mga poster na hawak-hawak. Inuubo lalo dahil sa baho ng tae.)
Rhea: Saan galing ‘yong mga tae? Para namang tangke de giyera.
(Itatapon ang maruruming poster.)
Ali: Masama na talaga pakiramdam ko kanina pa. Pansin nyong walang kahit ni isang nakadikit na poster sa lugar na to?
Bunso: Kelan mo pa napansin?
(Lilingon sa kaliwa at kanan.)
Ali: Kanina pa lang. Dun pa sa bukana.
Rhea: Kukubra na tayo bukas. Baka ireport tayong hindi nadikit lahat.
Jay: Bilisan nalang natin, lab.
Ali: Uwi na tayo.
Rhea: Paano natin sasabihin to kay Kap?
Van: Di ko rin alam. Sabihin nalang natin na maraming aso.
Bunso: Sabihin natin ang totoo?
(Titingnang nilang muli ang maleta. Bubuksang tuluyan. Bibilangin ang laman.)
Rhea: Isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim. May kulang dito.
(Magtitingnang silang muli.)
Ali: Van!
Jay: Itong batang to!
Rhea: Lintik!
(Makikitang umaalis si Van. Hahabulin ito. Maiiwan si Bunso kasama ang maleta.)
Hahabulin ng tingin ni Bunso ang tumatakbong sina Rhea, Jay at Ali na hinahabol si Van paalis at palabas ng entablado. Titingnan niyang muli ang maleta. Tataas muli ang tingin sa nagtatapon ng tae sa kung saan. Matatamaan ng tae ang mukha. Sisigaw.)
Bunso: Shiiit!
Makikitang tatakbo pabalik sina Jay, Rhea, Ali at Van na sumisigaw. Makikitang hinahabol sila ng malalaking aso. Nang makita ito ni Bunso, aktong tatakbo rin siya. Hahawakan ni Ali ang maleta at bubuhatin kasama si Bunso. Magkandaugaga sila habang palabas ng entablado. Babalik si Ali upang lagyan ng poster ang karatula. Ttakbo rin siya paalis. Maiiwan ang mga putol nap uno, malaking puno, mga baging, mga gulong na ipinagpatong, karatula, posters, mga tae. Maririnig ang bzzzz ng mga langaw.
WAKAS