“Naay gipusil didto! Buak ang ulo, gisumpak!”
Dali-dali akong tumakbo patungo sa kumpulan ng mga tao nang marinig ko ang balita. Madaling araw na at nagising ang buong eskinita sa tunog ng ambulansya. Umiikot ang pula at asul na ilaw ng sasakyan ng pulis, hindi ko masyadong maaninag ang duguang katawang nasa kalsada.
Wala na ang heels nito, halos nahubad na rin ang itim na dress nitong suot. Nagkalat ang laman ng shoulder bag at duguan ang mahabang buhok.
“Mga batan-on daw ang nagtira. Duha kabuok.”
Narinig ko ang usap-usapan ng mga nasa paligid kung sino ang salarin. Nakatakas ang mga ito. Hindi alam kung ano ang motibo. May nagsabing dahil daw sa galit. May nagsabing trip lang. May nagsabing dapat lang.
Dumating ang mga alagad ng media. Kinausap ang mga saksi.
“Kalit lang ang panghitabo. Wala nami kalihok.”
Tanging ang kalsada at mga poste lamang ang nakakita sa buong pangyayari. Mabilis. Putok. Bulagta.
Humanap ng anggulo ang lalaki, nagsalita sa mikropono, “Ang biktima nailhan sa pangalang Raul Samonte!”
Pinatay nilang muli si Hershey.