Ika-walo na ng umaga nang magising ako sa mga palakpak at halakhak ng mga drayber ng traysikel na naghuhuntahan sa labas. Kinusut-kusot ko ang aking mga mata . Napatingin ako sa kisame at naaninag ko ang mga butiking nag-akyat manaog dito at sa mga kantuhang haligi ng aking silid. Hinagilap ko ang aking salamin sa matang nakapatong sa munting mesa sa gilid ng aming kama. Pagkatapos ng saglit na pag-antada ay saka tumungo sa terasa ng aming bahay. Natanaw ko ang mga drayber . Animo’y nanonood ng isang palabas nina Dolphy at Panchito. Nasa harap nila si Sebyo, kumakandirit at tumitili habang sumasayaw. Libang na libang ang mga drayber sa kanyang pagsayaw. Siya naman ay labis ang pagkaaliw sa kanilang paglilibang.
Suot na naman ni Sebyo ang kremang salakot. Kapag pabirong inaalis ito ng sinuman sa Sityo Batong-Buhay,tila nahuhubaran si Sebyo. Patakbo siyang uupo saanman maibigan, ilalagay ang baba sa mga tuhod na nakatupi. Kasabay nito ay iniyuyuko niya ang ulo. At sa kahit anong palakpak at tawag, hindi siya tutugon. Hindi maipaliwanag ng sinuman, kahit ng mga matatanda sa sityo,kung anong taglay na kapangyarihan ng salakot niya. Kung bakit hindi mabuti ang dulot nito sa kanyang disposisyon.
Terno na naman ang kulay ng pantalon at t-shirt ni Sebyo. Halinhinan ang puti at bughaw sa mga kulay ng kanyang suot. Sa ilang pagkakataon, tulad ngayon, kulay lila ang saplot sa bagamat patpatin ay maliksi niyang pangangatawan. Palaging maluwang ang kanyang suot. Ibig na ibig niya ito sapagkat naipapaspas niya ang laylayan ng pang-itaas kasabay ng kaaya-ayang galaw ng leeg na madalas ay may nakakwintas na mga sigay. Marahil, ang mga ito ay kanyang napupulot sa paglalagi sa tabing-dagat tuwing magdadapit-hapon. Hindi ko lamang matiyak kung siya rin ang nagkukulay sa mga ito.
Kinamulatan ko na ang pagkabaliw ni Sebyo. Kung hindi aawit ng mga kundiman na bukod-tanging Dahil sa Isang Bulaklak ang aking naunawaan, ay sumasayaw sa saliw ng mga palakpak at halakhak ng mga nanonood na nagkakatuwaan. Masigla at masayahin siya ; kailanman ay hindi siya nakapanakit ng sinuman. Kung minsan naman ay tila nasa harap siya ng isang klase,walang puknat na naglalahad, sa wikang Ingles, ng mga karanasan ng mga sundalong Pilipino sa pakikipaglaban sa mga Hapon. At isang beses sa isang linggo, bumabanggit siya ng tatlong numero. Agad na lalapit sa kanya ang mga mananaya ng jeuteng at ending upang makiusap sa kanyang banggitin ang mga numero nang makailang-ulit. Itinataya nila ang mga numerong maririnig sa kanya,na agad namang lalabas na panalo kinabukasan.
Sa kahit anong ginagawa, nakapagkit sa pahabang mukha ni Sebyo ang isang malapad na ngiti. Ang mga gatla sa kanyang noo ay hindi maaninag. Palaging nagniningning ang kanyang namimilog na mga mata. Ang kanyang bawat awit at indak,maging ang litanya sa wikang Ingles,pati ang kanyang makukulay na kwintas, ay bahagi ng hulagway ng simple ngunit masayang pamumuhay ng mga bata at matatanda sa aming sityo.
Nagambala ang aking pagmamasid nang maalala kong oras na nga pala ng pakikipagtipan sa kusina. Tanghali na at maya-maya lamang ay darating na si Paeng dala ang mga kaparteng tulingan sa pamalakaya ni Mang Emong.Tiyak ko, gutom na ito mula sa halos limang oras na pagtatrabaho. Hinagilap ko ang maliit na kaldero sa ibabaw ng mesa at inamoy ang bahaw kung maari pang pakinabangan. Hindi naman panis kaya matapos isalin sa mangkok,hinugasan ko na ang kaldero. Siniguro kong makailang beses ko itong nabanlawan,upang hindi mangamoy dishwashing liquid. Baka masinghalan ako ni Paeng. Baka mamaya ay hindi pa ako matuloy sa aking lakad sa bayan. Isang gatang ng bigas ang isinalang ko sa kalan de uling.
Habang hinihintay na maluto ang isinalang ay saka ko lamang naisipan na mag-ayos ng sarili. Pumasok ako uli sa kwarto at kinuha ang itim na suklay sa ibabaw ng tokador. Ngunit, tulad ng dati, hindi ko na naman magawang manalamin. Marahan kong sinuklay ang itim at hanggang puwet na buhok. Ninamnam ng aking magaspang na palad ang madulas kong atang sa ulo. Mapalad na itong hindi mahawakan ni Paeng nitong mga nakaraang araw.
Bumalik ako sa kusina at sinilip ang nakasalang na sinaing. Kumukulo na. Binuksan ko ang takip nito at binawasan ang mga baga ng uling. Naulinigan ko mula sa likod-bahay ang mga yabag ni Paeng. Muli kong inayos ang aking buhok. Isiningit ang ilang hibla sa magkabilang taynga.
‘Eva! Eva!‘, ani Paeng.
‘Nariyan na,’ malumanay kong tugon. Agad kong tinanggal ang kabat ng pinto. ‘Ipagtitimpla ba kita ng kape?‘
‘Sige.‘ Iniabot niya sa akin ang limang malalaking tulingan. Sariwang-sariwa. Napagmasdan ko si Paeng. Butil-butil ang kanyang pawis sa noo at leeg at nakabakat ang kanyang maumbok na dibdib sa manipis na long sleeves na suot.
‘Bakit na naman? Ano’t nakatulala ka?‘ asik niya. Sumimangot pa siya habang inilililis ang long sleeves at naglalakad patungo sa mesa.
Inilapag ko sa aluminum na lababo ang mga nahuli ni Paeng. Nakadilat ang mga mata ng mga ito. Tila nakatitig sa akin. Kumuha ako ng malaking sartin at nagsalin ng mainit na tubig dito mula sa bulaklaking thermos. Naglagay ng kape, creamer at konting asukal, pagkatapos ay hinalong mabuti. Alumpihit ko itong isinilbi kay Paeng.
Naupo ako sa harap ni Paeng. ?Paeng,maari ba akong pumunta sa bayan mamaya?? Napakunot ang kanyang noo. Nagpatuloy ako . Kailangang makapasyal na ako uli sa bayan. Matatagalan pa bago ako magkaroon ng rason para tumungo ako rito. Kapistahan ni San Isidro Labrador kaya may mga perya sa bayan.
?Gusto ko sanang mamerya.? Na totoo naman. Noong sinusuyo pa lamang nito ako,kung hindi sa tabing-dagat ay sa peryahan kami nagtatagpo. Buwan din iyon ng Mayo. Ang lahat ay masigla sa kabi?t kabilang pistahan. May mga sayawan sa mga baryo,maraming peryahang makukulay at walang patid ang pagparoo?t pagparito ng mga tao sa bayan upang bumili ng kung ano-ano sa mga nakatayong kubol sa plasa.
?Maari ba?? Hindi pa rin nagsasalita si Paeng. Pigil ang aking hininga.
Ibinaba ni Paeng ang sartin sa mesa. Bumuntung-hininga. ?Ano ang gagawin mo sa peryahan??
Napalunok ako ng laway. Muli kong inayos ang aking buhok. Isiningit ang ilang hibla sa puno ng aking tainga. ?Ah, eh..gusto ko lamang makakita ng mga palabas doon.?
?Palabas? Aba, ay kapupunta lamang natin noong isang linggo doon ah.? Napagmasdan ko ang mga mata ni Paeng. Hindi napingasan ang lantik ng kanyang mga pilik-mata. Mapupungay pa din ang kanyang mga mata. Ngunit, tila bintana ang mga ito tungo sa walang hanggang kawalan. Hinahanap ko ang dating paggiliw sa mga lagusang iyon. Bahagya ang panlalambot ng aking mga tuhod. Hindi ito maaari. Pinagtataksilan ako ng aking dalawang suhay.
Nagsumamo ako kay Paeng. ?Sige na ,Paeng. Pangako,babalik ako agad. Mga isang oras lamang ang aking gugugulin doon.? Hinawakan ko ang kamay niya. Dahan- dahan akong naupo.
?Eva, hindi ka maaaring lumabas nang hindi ako kasama,? mariing wika niya. Nangilid ang luha sa aking mga mata. Ngunit, ikinubli ko iyon.Tumayo ako at hindi na nilingon pa si Paeng.
Dumiretso ako sa kusina. Hinarap ,sa halip , ang mga inilapag kong tulingan sa lababo. Isa-isa kong tinanggal ang mga hasang at bituka nito. Mahigpit ang hawak ko sa kutsilyo at iniumang ito sa walang buhay na nakalatag sa malapad na piraso ng kahoy. Isa. Dalawa. Tatlo. Inilublob ko ang mga ito sa palangganang apaw na sa tubig. Muli, isa. Dalawa. Tatlo. Siniguro kong wala ni gapatak ng dugo rito. Nang matiyak kong malinis na malinis na ang mga ito,nagbalat at naghiwa ako ng luya,bawang at sibuyas. Isinalansan ko ang mga abang isda sa kawali bago paliguan ng suka at budburan ng asin. Kailangang malinamnam ang ulam ni Paeng sa pananghalian.
Inalis ko ang nalutong kanin sa kalan de uling at ipinatong dito ang mga isda sa kawali. Matapos siguruhing mainam ang baga,pumasok ako sa kwarto at natagpuan si Paeng na nakahiga na sa kama. Kinuha ko ang hinubad niyang pantalon at long sleeves sa gawing paanan niya at inilagay ang mga ito sa pulang batya. Ilang sandali akong nakatitig lamang sa kanyang kabuuan. Kasabay nito ang paglalakbay ng aking gunita sa mga panahong ikinukulong niya ako sa kanyang matipunong bisig habang ang aming mga pisngi ay hindi mapaghiwalay at tanging mainit na hininga ng isa?t isa ang nakapagitan. Minabuti kong tumalikod bago pa man maibigan kong damhin ang init ng kanyang katawan. Tinangka kong umalis,ngunit hinila niya ako sa braso.
?Paeng, saglit!? Iniiwas ko ang aking pulso na madama ng kanyang palad. Baka mabatid niya dahil dito ang mabilis na pintig ng aking puso.
?Eva,gusto kong maging mahimbing ang tulog,? mariin na wika ni Paeng. Nakapikit ang kanyang mga mata.
Pilit kong pinalaya ang aking braso mula sa mga kamay ni Paeng. Unti-unting naglalaho ang aking hinahon. ?Paeng, sisilipin ko muna ang nakasalang.? Nangatal ang aking tinig.
?Lintik na! Ayaw mo ba?? Bumangon si Paeng. Ibinalya ako sa kama.
Nabingi ako sa hampas ng aking gulugod sa higaan. Napakagat-labi ako. Nahubad ang tsinelas kong suot. Nagmakaawa ako kay Paeng, ngunit kakatwang hindi ko nararamdaman ang pamamalimos ng habag. Sa aking balintataw,natagpuan ko si Sebyong kumakandirit at tumitili sa saliw ng mga palakpak at halakhak.
Matapos ang ilang sandali ay marahan akong tumayo sa higaan. Mahimbing na si Paeng sa pagkakatulog. Nakatihaya ito habang ang braso ay nakatakip sa mga mata. Sinuklay ko ang aking buhok gamit ang mga daliri at isiningit ang ilang hibla nito sa may puno ng tainga. Tinungo ko ang kusina at binuksan ang kawali. Tulad ng inaasahan, natigang na ang isinalang kong tulingan. Nakatitig pa rin sa akin ang mga halos matustang mga lamang-dagat. Samantalang,ang mga baga sa ilalim ng kalan de uling ay unti-unting napupugnaw, mariin akong nakikipagtitigan dito.
Ipinusod ko ang aking buhok. Pinunasan ko ang mga butil ng pawis sa aking noo at leeg. Sumandal ako sa magaspang na pader ng kusina at ipinikit ang aking mga mata. Bumalik sa aking gunita ang masayang tagpo nina Sebyo at mga drayber ng traysikel. Malayang nakasasayaw at nakaaawit si Sebyo. Sa mundong kanyang nilikha , bukod-tanging siya ang nakapagdidikta ng bawat galaw ng kanyang katawan. Nasusunod niya ang bulong ng kanyang puso. At sino ang makapaglalarawan ng maraming tauhan sa kanyang isipan? Bukod-tanging siya. Kailanman, sinuman sa aming sityo ay hindi matatalos ang kanyang daigdig.
Sa pananghalian, inihain ko kay Paeng ang kabuteng pinakuluan at pinigaan ng kalamansi kasama ang sinaing sa asin. ?Tustado!? Hindi niya ikinubli ang labis na pagkainis.
?Sinabi ko kanina na may nakasalang ako.? Malumanay kong wika. Patuloy ako sa pagsubo ng kanin.
?Alam mong natusta hindi mo ginawan ng paraan!? Inihagis niya ang kutsara sa aking harap. Sumabog ang kanin patungo sa aking mukha. Pinalis ko ang mga butil na dumikit sa aking braso, sa aking dibdib ,pati sa mukha.
Binuhat ko ang aking plato. Sa kusina ko na lamang ipagpapatuloy ang aking pagkain. Ngunit, hinablot ni Paeng ang aking braso. Nagtagis ang aking mga bagang. Matalim akong tumitig sa kanyang mga mata.
?Bitiwan mo ako!? Sabi ng isip ko.
Hinawakan ako ni Paeng sa magkabilang balikat at pilit pinaupo. ?Putang-ina ka! Marunong ka nang lumaban?? Nanlilisik ang kanyang mga mata. Nagpumiglas ako hanggang mahulog ang mahaba?t maitim kong peluka. Tinadyakan niya ang upuan ko. Bumagsak ang aking mga tuhod sa sahig.
Hinawakan ko nang mahigpit ang tinidor na nahagilap ko sa mesa. Tila may mainit na enerhiyang dumaloy mula sa aluminum kong hawak patungo sa aking kanang kamay. Naramdaman ko ang init hanggang sa aking gulugod. ?Putang-ina mo rin!? Nakita ko ang pagkagulat ni Paeng. ?Sige, saktan mo ako uli. Papatayin kitang hayop ka!?
Tumayo ako at itinulak si Paeng palayo. Iniumang ang tinidor kong hawak. Naggirian kaming dalawa. Tila mga mababangis na hayop na handing silain ang isa?t isa. Sa tatlong taon kong pakikisama kay Paeng, ngayon lamang niya nasaksihan ang pagsambulat ng aking damdamin.
?Eva! Eva!? Humihingal ang taong tumatawag sa may tarangkahan. Wala akong imik. Nangangamba akong makakuha ng pagkakataon si Paeng upang daluhungin ako.
?Magmadali ka. Natuklaw ng ahas si Sebyo,? salaysay ng nasa labas.
Humakhbang si Paeng palapit sa akin. Umurong ako. Hanggang nasukol sa may dingding. Nakangisi si Paeng. Inakala ang muling pananagumpay sa akin. Dinambahan niya ako. Buong lakas kong inulos ang kanyang braso. Sumirit ang dugo rito. Napipilan si Paeng.
Tumakbo ako palabas. Iniwan kong tigalgal si Paeng. Habang papalapit sa tarangkahan, sumasabog ang aking sipon at nanlalabo ang aking salamin sa tigmak ng luha. ?Putang-ina kang lalaki ka!? Narinig kong garalgal na wika niya habang palayo ako.
Nagising ako sa mga paswitan at hiyawan ng mga batang kalye. Napilitan akong bumangon. Bugbog na bugbog ang mga braso ko kahapon…pati isip…at puso. Lalong kumirot ang mga gasgas sa aking tuhod nang bumunggo ako sa nakabalandrang kahon ng mga libro sa may ibaba ng aking kama. Lintik! Nalimutan ko pang isuot ang salamin ko sa mata. Inapuhap ko ito sa munting mesa. Iika-ika akong lumakad patungo sa terasa. Nadaanan ko ang ilang mga damit ni Paeng. Gagawin ko na lamang basahan ang mga ito. Mapakla ang aking ngiti. Tinanaw ko ang waiting shed kung saan nagkakasayahan ang mga batang kalye. Wala na si Sebyo. Nasapo ko ang aking dibdib. Marahan akong pumalakpak. Marahang-marahan. Sa aking diwa,naririnig ko ang palakpakan at halakhak ng mga drayber ng traysikel at ang masaya nilang pag-awit ng ?Sayaw Sebyo,sayaw Sebyo! Ikembot mo, ikembot mo!?
*unang nalathala sa Liwayway Magazine noong Hulyo, 2018