Ka-wala-kan
Kalimutan mo muna ang agham,
silayan ang langit sa malayang isipan.
Kalimutan mo muna:
na hindi talaga patay-sindi
ang ningning ng mga tala,
at ipinagtagni-tagning alikabok lang
ang nagpapakislap sa banaag nito?
isipin mo na lang na may talukap
din ang mga bituin, kailangang
kimisap maya’t maya, at
tuwing umaga’y humihimbing.
na pundido talaga ang buwan
walang sariling sinag, at
nananatiling bilog kahit kailan?
isipin mo na lang na may mga ugali
rin ito, kaya pabago-bago ng mukha
at kumikinang lang sapagkat
binigyang halaga.
na nakalipas na lahat ng
natatanaw mo sa kalawakan?
isipin mo na lang na isa siyang gala
walang pakialam sa oras, at
walang hinahabol na
pagpupulong o pagkikita.
Kalimutan mo . . . na ang lahat
ng kasalukuyan ay tapos na.
Sige na, kalimutan mo muna
ang lohika,
at
marahang
magsayaw
sa
entablado ng kamangmangan