At Napagod ang Hagdan
Maya’t maya ang pagdaan mo sa aking mga baytang,
Tila isang dambuhalang dumadagan sa katawan.
Malimit pang magmadali ang hakbang mong may pagyanig,
Na para bang isang lindol at ikaw lang itong manhid.
Kadalasan ay ako rin ang ‘yong tagpuang-pag-ibig,
O di kaya ay upuan o patungan ng iyong gamit.
Sa akin mo rin iniiwan ang basurang ikinalat,
At ang dura mong animo’y luha niyong mga ulap.
At sa hula ay muli kang nanlalata sa pagdating,
Mabibigat ang iyong hakbang at mayroon kang hinaing.
Sinabi mo’y pagod ka na sa pagbaba at pagpanhik,
Tugon sana’y pagod na rin ako sa iyong pagbabalik.
Aklat Antolohiya ng LIRA Fellows 2018, Great Concept Printing Co., November 2018
Liwayway Magazine, Manila Bulletin, Marso 2019