Jason Pozon

Makinang de Pedal

Malaking gulong,
maliit na gulong
dapat pabulong
galit na dagundong

Bakal ay kinakalawang
palad na magaspang
ngalay na balakang
lubog sa utang

Makinang de pedal
modistang sinasakal
kaluluwang isinakdal
masa ang nagluwal

Ganid na higante
pasan ng mga pesante
malabong mga lente
“Kailan tayo aabante?”

Manikin

Santo ng mga modista
Bestidang paiba-iba
tila artista
laging tulala

Maniking buhay
nanlulupaypay
lihim na salaysay
trabahong nilalamay

Walang bibig
malayong pagkakatitig
naumid na tinig
“Sinong makikinig?”

Kaniyang nababatid
panghahalay ng ganid
benepisyong tinipid
tahiang naipinid

Medida

Kakaibang alampay
pagkataong gutay-gutay
misteryosong kaakbay
bunton ng mga retasong lumbay

Pangarap na mailap
medidang natutuklap
sinukat ang hirap
Di marating ang alapaap

Inilapat sa dibdib at braso
kupas na numero
Sa hari sumasaludo
kamao ng proletaryo

Pinagdugtong, ibinuhol
Linyang hindi naputol
negosyanteng nauulol
Nasa piketlayn ang hatol

Karayom

‘Sanlibong tinik
gumapang, pumanhik
binikig ang mga titik
sa mapayapang paghibik

Bawal ang pag-ihi
marahang dumampi
labi ng bote sa labi
napuno ng luwalhati

Salisihang namamaluktot
Reta-retaso ang kumot
laging may bantulot
“Kailan makalilimot?”

Natatastas na diwa
doo’y nakita
ga-karayom ang halaga
manggagawang makinarya