Lugdas
(Dulang May Isang Yugto)
Mga Tauhan:
Pilar – matagal ng kasintahan ni Ramon at sabik na sabik na naghihintay sa kanyang pagbalik galing sa Mindanao kung saan kasalukuyang nadestino ang sundalong kasintahan. Pinangakoang pakakasalan sa pagbalik ni Ramon mula Mindanao.
Ramon – isang sundalong na destino sa Mindanao. Tapat sa trabaho ngunit nasangkot sa isang kontrobersyal na pagkasawi ng isang magsasaka sa isang nasabing engkwentro laban sa pinaniniwalaang mga rebelde.
Na’am– Na biyodang may bahay ni Daag, isang magsasakang nasawi sa engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at pinaniniwalaang mga rebelde. Kasalukuyang buntis.
Bailan – Pinakamatandang babaeng nagsisilbing pangulong pangespiritwal sa tribo.
_________________________________________________________________________
Tagpuan:
Makikitang nagsasagawa ng ritwal ang Subanong Bailan, ang pangulong pangespiritwal ng tribo, kasama ang buntis na may bahay ni Daag na si Naam, para makatawid sa kabilang buhay ang kaluluwa ng isang mag-uumang nasawi sa isang engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at pinaniniwalaang mga rebelde.
Sa isang banda ng entablado, makikitang naka upo si Ramon at bakas sa kanyang mukha ang lalim ng kanyang iniisip. Nabibigatan sa kanyang nararamdaman na may kaugnayan sa kanyang kinasangkotan na kontrobersyal na pagkasawi ng isang mag-uuma sa gitna ng engkwentro ng mga kasamahang sundalo at sa pinaniniwalaang mga rebelde sa bukid ng Laat, sa pulo ng Mindanao. Makikita rin sa entablado ang kasintahan ni Ramon na si Pilar na kinakausap siya sa kanyang puso at isip.
_________________________________________________________________________
Music 1 ( Subanen Instrumental)
Song 1 : ( Lahat)
Baa…. Ma’niin mu na dun diin
Baa…. Ma’niin mu na dun diin
Baa…. Ma’niin mu na dun diin
(Hindi… Huwag kang magdalawang isip na gawin ngayon) Hinahabi
Hinahanap
Ang katotohanan
Sa lilim ng katarungan
Hinahangad
Hinihiling
Ang bawat ikot
at hibla ng buhay
Naaani
Inaani
sa takda at di takda
sa panahon o sa kahon.
Na’am: Isang buwan. Isang buwan na lamang at masisilayan na ni Dawin ang mundong ito, mahal ko. Ngunit, paano ngayon?
Pilar: Ngayong araw ang nakatakdang pagbalik mo, Ramon. Anong ibig mong sabihin?
Ramon: Sabihin ko man ang totoo, ngunit di ninyo maiintindihan.
Bailan: Maaintindihan ang lahat sa pagsibol at pagkahinog ng pusong payapa.
Music 2 ( Subanen)
Song 2: (Bailan)
Daaaaa’an….daaaa’an,
Mepinalami.. Diwata Migbebaya….
Apo As’g….Mahiwaga… Apo As’g Maawa ka..
Na’am: Pinaslang ng walang kalaban laban si Daag. Baylan, hindi rebelde ang asawa ko!
Bailan: Na’am, magpakatatag ka. Alang-alang sa iyo sa sa dinadala mo.
Na’am: Bakit ganun, Bailan? kapag ba katutubo? Kapag ikaw ba’y magsasaka? madaling maturingang rebelde?
Music 3 ( Subanen Instrumental)
Song 3 : ( Na’am)
Payak na pamumuhay
Ang tanging hangad
Sa bawat butil ng pala’y
Kapalara’y banayad
Ngunit bakit kay daling linlangin
At hamakin
Pagkatao ba namin
Ay tinadhanang lupigin?
Pilar: Ramon, umuwi kana. Mahal ko… tuparin mo ang iyong pangako…
Ramon: Oo, nangako ako. Nangako ako kay Pilar, aking mahal, at sa bayan ko na pagsisibilhan sila pareho ng may buong tapang at katapatan.
Na’am: Katapatan. Ito ang hinihingi namin sa kanila, Bailan. Ngunit bakit kay ilap?..Bakit..?
Bailan: Bakit, Na’am? sumusuko kana?
Pilar: Susukuan mo na ba ako, Ramon?
Ramon: Susuko? Sino ang susuko kanino? Kanino dapat sumuko?
Music 4
Song 4 (Bailan)
Nnnnnaaaaaaaaammmppyaaaa….
Pag-asang mailap,
hindi bulag pero mahirap,
mahanap,
mayakap,
para sa katulad
nating sa hangin
na lamang nakikiusap.
Pilar: Nakikiusap ako, Ramon. Umuwi kana…
Ramon: Uuwi ako para sa iyo, Pilar…
Pilar: Ramon…maglalakad pa tayo sa altar, hindi ba? Pakakasalan mo pa ako…
Ramon: Magpapakasal tayo, Pilar…
Music 6
Song 6 ( Ramon at Pilar)
Hinagpis at pangungulila
Ang sa araw-araw ay sinisigaw
Umaasang isang umaga ay anino mo’y
Sa wakas ay dudungaw
Sa mga gabing nagdaan
Sa panaginip ko na lamang dinadaan
Ang makitang ikaw at ako, tayo
Nag bubulungan at nagyayakapan
Hanggang sa maging isa
Diwa nati’t kaluluwa
Magkaugnay, magkaramay
Sa bawat paghampas
At pagdaloy ng alon
Sa dalampasigan ng ating mga pangarap.
Na’am: Bailan, walang kasalanan si Da’ag…pero…
Ramon: Pero hindi ko sinasadya.. lintik na.. alam nila iyon!!!
Na’am: Hindi iyon ang lumalabas sa balita, Bailan? Sana…
Ramon: Sana ako nalang. Ako nalang sana, baka kung nagka ganun…
Pilar: Ganun na lang ba iyon, Ramon? Iiwan mo nalang ako sa ere? Ha? Ano?
Na’am: Bailan, sabihin mo ang dapat kong gawin. Ano ang…
Ramon: At ano? Anong maaring kahahantungan nito kung sasabihin ko ang totoo?
Pilar: Alin ang totoo dito, Ramon?
Ramon: Ang totoo?
Na’am: Oo, ang totoo? Baylan? May pag asa ba kaya?
Bailan: Katotohan, mailap, ngunit kahit gaano ka saklap, lulutang at lilitaw ang kapangyarihan ng pusong busilak, mananaig ang katapatan sa sarili sa pinakamalapit na hinaharap.
Music 7
Song 7 ( Ramon ,Pilar, Ina )
Inuusig ang puso ko’t bibig
Sa himig ng kamalayan
Kamalayan na panig
sa patas na batas
Batas na tutupad
Sa mga pangakong binitawan
Binitawang salaysay
Pagtitibayin at panunumpaan
Panunumpa na tagos
Sa kaluluwa’t diwa
Ng isang taong dakila
Dakila sa sarili,
kapwa
at bayan.
Bailan: Manalig, ka Na’am!
Na’am: Diwata….Mepinalami…Megbebaya…
Pilar: Mahal kong, Ramon.
Ramon: Pilar, mahal ko… mahal ko ang bayan ko.
Music 8
Song 8: ( Lahat)
Mmmmmmm…naaaa…
Mmmmm…naaaa….
Ani ng buhay
Alay sa bayan
Katarungan
Ang kulay ng dugong dakila
Katotohanan
Ang pakpak ng pusong Malaya
WAKAS
_____________________________________________________________________
All rights reserved.
First Performance of “Lugdas” was during the 2019 Short and Sweet Play Competition ( Musical Category) at the Mindanao Association of State Tertiary Schools, Inc. Socio-Cultural Festival, Camiguin