Ang Pagwiwika ng Bakla, Ang Pagbabakla ng Wika
Bagaman madalas nang mabanggit ang terminong ito sa kontemporaneong mga espasyo, matutulos ang “representation” bilang isang pampulitikang kilos mula pa sa panahon ni Aristotle. Kung ang representasyon noo’y mas nakaakma sa panggagagad (mimesis) ng unibersal na kaisipan sa partikular na danas, may kakatwang paggamit ito sa sosyo-politikal na diskurso sa panahon ngayon: ginagamit ang salitang ito upang bigyan ng “espasyo” ang mga marhinalisadong bahagi ng lipunan sa pag-asang makalilikha sila ng pagbabago para sa kanilang sektor, tulad na lamang ng mga kababaihan, ibang lahi, at mga LGBTQ+, mula sa media hanggang sa mga sityo ng kapangyarihan.
Maaari itong maging isang patibong, gayunpaman, na kinahuhulugan madalas maging ng mga institusyong naglalayong maging progresibo. Manipestasyon ito ng malalang panghihimasok ng neoliberal at kapitalistang sistema sa aktibismo ng marhinalisado, na sa kasong ito’y itutuon ko partikular na sa mga ipinaglalaban ng LGBTQ+. Sa harap ng globalisasyon ng kapitalismo, tinitingnan pa rin ng mga naghaharing-uri ang LGBTQ+ bilang merkado at/o lakas-paggawa lamang. Ang pagiging “visible” ng mga LGBTQ+ ay bilang mga “‘target groups’, ‘recipients’ at ‘beneficiaries’” ng mga programa’t tulong pangkaunlaran.1 At sa pamamagitan ng paglikha ng mga “espasyo” upang makilahok ang LGBTQ+ sa pandaigdigang merkado—mula sa pagkakaroon ng “inclusive” na pook-trabahuhan hanggang sa, hayun nga, representasyon nila sa media—tila baga nabibigyan ng boses ang mga LGBTQ+ na napakatagal nang iniaalis sa kanila. Ngunit isa lamang itong ilusyon, pakonsuwelo-de-bobo ngayong nakikita na ng burukrata-kapitalista ang grupo bilang asset at hindi (na) liability. Samantala sa ibang dako ng mundo kung saan nananaig pa rin ang konserbatibong anti-LGBTQ+ na pananaw, iginigiit ng “homocapitalism” ang kanilang lohika sa pamamagitan ng panggigipit sa kanila sa ilalim ng nosyon na ang pagpigil sa mga LGBTQ+ na makilahok sa paggawa ay nakasasakit sa ekonomiya.2 Ang anggulo pa rin, kumbaga, ay na kapaki-pakinabang lamang ang LGBTQ+ kung nakikilahok ito sa kapitalismo.