Gagawin ang lahat, 

Madapa man o masugatan 

Isasayaw namin ang pangako, 

Hanggang sa kabilang buhay 

Pakinggan ang aming pagsamo 

Ng iyong kadakilaan, kami ay maililigtas 

Sumpa ng pagkabingi, iyo’y sanang itakwil 

Kami ang iyong mga alipin, para sa mga biyayang natatangi 

Dayaw! Dayaw! Dayaw! 

Dayaw! Dayaw! Dayaw! 

     ‘Yan ang paulit-ulit kong naririnig sa kanila, kasabay ng walang katapusang tunog ng mga karatong na nagsisikalampagan. Ito ang tinatawag naming dayaw. Kadalasan ang mga gumagawa nito ay ang mga matatandang nabasbasan ng dayo. Ang dayo ay isang uri ng panaginip na kung saan nagpapakita umano ang dakilang Buhi. Isang aparisyon kung tawagin nila, marahil dahil sa mensaheng gusto nitong ipabatid sa mga nakakakita. Si Mana Memang, ang kaibigan ng iroy ko, ang isa sa mga nakaranas ng dayo na may dalang kakaibang pangitain. Sa pagkakatanda ko pa nga, ang buong lugar namin ay nabulabog nang sinabi niya kung ano-ano ang kanyang mga nasilayan. Isang signos daw ang paparating, may mga dambuhalang alon ang sisira sa mga kabahayan, at marami raw ang mamamatay dahil sa gutom. Lahat kami ay nagulantang nang ipinamalita niya iyon, marami ang hindi naniwala lalo na’t kalat ang sabi-sabi na hindi naman ganoon ang kilalang Buhi. Hindi naman daw siya nagbibigay ng kamalasan, bagkus ang kadalasan nitong ipinapakita ay mga larawan ng biyaya at suwerte. 

      Sa pagkakataong ‘to, nakikita ko na na dahan-dahan na nilang tinatanggal ang mampara sa kahon ng garamiton. Ito ang kinalalagyan ng banal na kutsilyong gagamitin mamaya para sa pinaka-inaabangang bahagi ng dayaw, ang samad. Ito ang pagkakataon na kung saan ang lahat ng tao sa aming barangay, matanda man o bata, ay may oras upang humiling sa dakilang Buhi. Buhi, hino ini nga Buhi? Siguro, hanggang ngayon, tinatanong niyo kung bakit ba namin siya tinitingala, na tila bang pintakasi ang kanyang karangalan; na handa kaming gawin ang lahat para lamang sa kanyang ikalulugod, Gihipakdol man ug masamad. Sabi ni iroy, nagsimula raw ito sa panahong naisumpa raw ang aming lugar, ang sawang ng Almagro. Ang mga unang umukoy raw dito ay nakaranas ng isang pambihirang pangyayari na sa kanilang paggising ay nawalan na sila ng kakayahan upang makarinig. Paniwala nila’y ganti raw ito ni Makapatag, matapos ang ilang araw ng hindi pagsasagawa ng panhahatag. Ngunit sa lahat ng taong naapektuhan, iisa lamang ang hindi nabungol, at ang taong iyon ay si Buhi. Sinasabi nila na siya raw ay isang batang lalaki na masuwerteng iniligtas ni Malaon, palayo sa sumpa, at binigyan ng kakayahang manggamot. Kakaiba raw ang kanyang pagpapatambalan, sa kadahilanan na ring siya lang ang nakaririnig, ay mabilis niya ring nalalaman kung may sakit ang nagpapatingin. Ilalapit niya lang ang kanyang mga tainga sa dibdib o sa pulso ng isang tawo at malalaman niya na agad kung ano ang mga iniinda nito. Bukod pa ‘dun, ay may kakayahan rin siyang manghimangraw kay Malaon—tagapag-ugnay ika nga ng kanilang mga dasal at pagnanais, at sa gayo’y tinuring na namin siya, magmula noon, bilang tulay sa pagitan ng mundo ng mga tao at sa mundo ng mga diyos. Siguro, ‘yan lang ang iilang mga dahilan na puwede kong maibigay sa inyo kung bakit ba namin talaga siya kinalulugdan, kung bakit isa ‘yan sa mga pupuwedeng rason kung bakit patuloy pa ring nakatayo ang aming komunidad—Hi Buhi ay parte na han amon kinabuhi, at ganoon din siya sa amin.

    Tumigil na ang pagtunog ng mga karatong at dahan-dahan na silang nagsilapitan dito sa aking kinatatayuan. Oras na, para sa samad: 

Shing! 

     Nagkaroon ng saglit na katahimikan. Ngayon, kahit hindi ko na sila naaaninag nang mabuti, ay nakikita ko na lang na ang lahat ng mga tao na nakapalibot sa akin kanina’y tila bang mga langgam na nagkakagulo. Ramdam ko, sa aking puso, na nagkakasiyahan na sila, na sinisipsip na nila unti-unti ang tumutulong dugo na nagmumula sa aking pinutol na tainga. Malinaw ko ring naririnig, ang kanilang mga munting tinig na isinasambit sa kanilang mga labi. Dito sa samad, sumipsip ka habang kaya pa, sabay humiling, at ipasa naman sa iba.  Di ko ‘rin maintindihan kung bakit pa ba ‘ko nadamay sa pagkakataong ito, pero handa naman akong magtiis. Mailob ako han sakit han akon samad kun para la kan Buhi. Titiisin ko ang hapdi, para lamang sa dakilang Buhi. 

Dayaw! Dayaw! Dayaw!

 

Talahanayan ng mga salita batay sa pagkakasunod-sunod: 

  • An – “ang” 
  • Dayaw – “puri”; “pagpupuri” 
  • dayo – bisita; isang tao na bumisita sa isang bagong lugar 
  • iroy – “nanay” o “ina” 
  • Mana – isang matandang babae;“ale” 
  • mampara – “tabing” 
  • kahon ng garamiton – lalagyan ng mga gamit tulad ng martilyo, pako at iba pang mga bagay-panggawa 
  • samad – “laslas” 
  • “Buhi, hino ini nga Buhi?” – Buhi, sino nga ba si Buhi?” 
  • “Gihipakdol man ug masamad.” – “Madapa man o masugatan.” 
  • sawang – “bayan” 
  • umukoy – “tumira”; “namalagi” 
  • Makapatag – ang tinataguriang “tagapag-balanse”, may kakayahan din siyang makapagdulot ng gulo at pagkasira 
  • panhahatag – “pagsasaalay”; “pag-aalay” 
  • nabungol – “nabingi” 
  • Malaon – ang katumbas ni Makapatag ngunit mas kilala siya sa kanyang pagiging maawain at sa pagkakaroon ng malalim na pag-iintindi 
  • pagpapatambalan – “paggagamot”; “faith healing” 
  • manghimangraw – “makipag-usap” 
  • “Hi Buhi ay parte na han amon kinabuhi,” – “Naging bahagi na ng aming mga buhay si Buhi,”
  • Mailob ako han sakit han akon samad kun para la kan Buhi.” – “Titiisin ko ang hapdi, para lamang sa dakilang Buhi.”

By Mark Vincent Dela Cruz

Mark Vincent Dela Cruz is a 23-year-old "wandering man" who graduated from the Polytechnic University of the Philippines with a degree in Literary and Cultural Studies. For nearly two years in high school, he was a member of his school's publishing committee, where he published in both Filipino (Ang Merkader) and English (The Merchant). Today, he lives in Caloocan City alongside his great pile of books.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.