Kakaibang alampay
pagkataong gutay-gutay
misteryosong kaakbay
bunton ng mga retasong lumbay
Pangarap na mailap
medidang natutuklap
sinukat ang hirap
Di marating ang alapaap
Inilapat sa dibdib at braso
kupas na numero
Sa hari sumasaludo
kamao ng proletaryo
Pinagdugtong, ibinuhol
Linyang hindi naputol
negosyanteng nauulol
Nasa piketlayn ang hatol
Jason Pozon
Si G. Jason Federigan Pozon ay nagtapos ng Bachelor in Secondary Education major in Filipino sa Pamantasang Normal ng Pilipinas (PNU-Manila) noong 2014. Nagtapos ng MA Malikhaing Pagsulat sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Fellow ng 6 th Cordillera Creative Writing Workshop sa UP Baguio (2018); IKa-13 Palihang Rogelio Sicat sa UP Los Baños (2019); at Ika-4 na Palihang Bienvenido Lumbera sa Salin ng UP Institute of Creative Writing ng UP Diliman. Nakapaglathala ng mga malikhaing ‘di-katha sa mga literary refereed journal ng Sentro sa Wikang Filipino-UP Diliman, Cultural Center of the Philippines at Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino. Katuwang na propesor at nagtuturo ng Panunuring Pampanitikan, Introduksyon sa Pagsasalin sa Mataas na Paaralang Rural ng Unibersidad ng Pilipinas (UP Rural High School) sa ilalim ng Kolehiyo ng Agham at Sining sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños. Kasalukuyang kalihim ng All UP Academic Employees Union-Los Baños at kinikilalang manunulat at guro sa panitikan ng National Book Development Board o NBDB. Patuloy na nagtatangka at tinutuklas ang sarili at isinasabuhay ang katuturan ng kaniyang pag-iral.
Leave a Reply