Mga Tauhan: 

Sarah

Sally

Delivery man 1

Delivery man 2

Delivery man 3

Mama

Tagpuan:

Sa parting kusina ng isang apartment unit

Panahon: 

Sabado, alas-sais ng gabi, panahon ng quarantine

Magbubukas ang ilaw ng tanghalan sa isang kusina. Sa kaliwang banda nito ay ang pintuang palabas ng apartment unit. Nasa gitna ang kitchen top na mayroong lababo at mga nakapatong na microwave oven, oven toaster, electric stove, at tauban ng mga kasangkapan. Sa kanang banda ng entablado ay ang pintuan ng CR, tabi ng hagdanan. Mayroong mesa at tatlong upuan sa sentro ng kusina.

Magbubukas ang dula sa pagpatay ni Sarah ng kalan. Payak ang kaniyang kasuotan, puting pambahay lamang.

May kakatok sa pinto. Pupunta si Sarah para buksan ito gamit ang isang paper towel.

Delivery man 1: Sarah Valdez po?

Sarah: Yes, ako yan. Kuya, saglit lang ah.

Kukuhanin ni Sarah ang spray bottle mula sa kitchen top. Ii-spray-yan niya ang package habang hawak pa ito ng Delivery man 1.

Sarah: Kuya, pasenya na ah? Nag-iingat lang.

Delivery man 1: Ayos lang po, Ma’am. Ganyan talaga.

Ibabalik ni Sarah ang spray bottle sa kitchen top. Kukuhain niya ang package mula sa Delivery Man 1 at ilalagay ito sa lababo. Isasarado na lang niya ang pinto.

Bubuksan ni Sarah ang package.

Sarah: Ano ba yan? Liquid hand soap mula sa Watson. Bakit do’n lang? Tyaka, dapat dalawa ‘to kasi buy one, take one ‘yan do’n. ‘Di bale gamitin ko pa rin.

 Pupunta siya sa banyo para itapon ang supot ng package at paper towel. Babalik siya sa lababo para hugasan ang bote ng liquid hand soap. Huhugasan din niya ang kanyang mga kamay gamit ang bagong sabon. Habang naghuhugas ng kamay, kakanta siya ng:

Sarah: Hugas-kamay

Sure kitang iiwan

Sa paglakbay

Dito sa bansang walang katiyakan

Hugas-kamay

Bibitawan kita sa paglalakbay—

May kakatok sa pinto.

Sarah: Ay saglit!

Dali-daling magbabanlaw si Sarah. Kukuha siya ng paper towel para patuyuin ang kamay. Gagamitin niya ang basang paper towel sa pagbukas ng pinto.

Suot ang maong na pantalon at puti shirt, papasok si Sally sa entablado. Nakausot din siya ng face mask. Nakasabit sa kaniya ang isang body bag.

Sally: Bagong bago ‘yang kantang ‘yan ah?

Ipapatong niya ang kaniyang body bag sa mesa. Mauupo lang si Sally.

Sarah: Sa upuan mo ipataong ‘yan, ‘wag sa kainan. Sa totoo lang, sawa na ko sa “birthday song.” Maghugas ka muna ng kamay. Rinig pala sa labas?

Sally: Natutuwa ako kasi mukhang masaya ka kaya malakas pagkakanta mo! At ngayon ka pa talaga nagsawa? Ngayong birthday mo! Hugas muna ah? Mamaya na ligo baka mapasma ako.

Sarah: Maligo ka na! Inorasan ko, twenty seconds din ‘yun kanta! Perfect for handwashing!

Sally: Happy birthday ulit, Ate!

Tatayo at sabik na yayakapin ni Sally si Sarah.

Lalayo si Sarah sa pagkakalapit ni Sally

Sarah: Hep, hep, hep, hep! Salamat, bunso! Kaya lang maligo ka muna. Galing ka sa labas eh! Tignan mo, kahit handwash hindi mo pa ginagawa.

Sally: Ito na po, ma’am.

Pupunta si Sally sa lababo para maghugas ng kamay. Kakanta siya ng birthday song:

Sally: Happy birthday to you

Happy birthday to you

Happy birthday, happy birthday

Happy birthday to you!

Sarah: One more time!

Mas masiglang pagkakakanta:

Sally: Happy birthday to you

Happy birthday to you

Happy birthday, happy birthday

Happy birthday to you!

Magpapalakpakan ang magkapatid. Kukuha ng paper towel si Sally para punasan ang kamay. 

Sarah: Ay shocks! Hindi mo pa nahubad face mask mo.

Huhubarin ni Sally ang kaniyang face mask at ipapatong din sa mesa.

Sarah: Daretso mo na sa basurahan ‘yan, bunso. 

Pupunta sa banyo si Sally para itapon ang kaniyang face mask. Ii-spray-yan ni Sarah ang pinagpatungan ng face mask at ilalagay ang spray bottle sa mesa. Babalik  si Sally sa kusina at mauupo.

Sarah: Oh? Hugas ka ulit ng kamay.

Sally: Ate, I’m so tired na rin!

Sarah: Hinawakan mo kasi face mask mo. Madumi na yan. Hugas ka na! Tara kanta ulit tayo!

Sally: Inuuto mo naman ako eh? Dry na kamay ko. Alcohol na lang.

Sarah: Ay oo nga pala! Speaking of alcohol…

Kukuhanin ni Sarah ang spray bottle na nasa mesa at gagamitin niya ito sa kamay ni Sally.

Sally: Teka, ano yan?

Sarah: Alcohol laman nito, proteksyon na rin! Tayo ka muna dali!

Tatayo si Sally. 

Ipagpapatuloy ni Sarah ang pag-spray kay Sally. Gagamitin din niya ang alcohol sa katawan at damit ni Sally. Sasakyan na lamang ni Sally ang pag-spray sa kaniya ng kaniyang ate. Iikot si Sally, bagay na magbibigay ng libang kay Sarah.

Sarah: Bunso, sensya ka na ah? Alam mo namang germophobe ang ate mo!

Sally: Okay lang ‘yun, ‘Te. Sanay na rin ako sa’yo—na nakakapagtaka kasi engineer ka! Paano ‘pag nasa site ka?

Sarah: Oo, hindi maiiwasan ang alikabok at mikrobyo ‘pag nasa field. Kaya nga I was already wearing face mask before it was cool. Dami nating stock, di ba?

Sally: Eh masama rin namang mag-hoard sa panahon ngayon, ‘Te.

Sarah: Ang importante may proteksyon tayo. Teka, saan ka nga pala nanggaling?

Sally: Kasama mga friends ko.

Sarah: Sinong friends? Tulog pa ‘ko, umalis ka na. At hindi mo naman sinagot tanong ko kung saan ka eh.

Sally: Friends ko sa school.

Sarah: Mabuti nakakapagkita pa rin kayo ‘no? Ganyan talaga kapag fresh grad, solid pa rin ang samahan. Eh saan kayo nagsuot?

Sally: Sa school din. Puwede naman do’n.

Sarah: (Tatawa) Malaki naman ang Alma Mater natin. Ano bang ginawa niyo do’n? Nag-jogging?

Sally: Nakipag-rally.

Sarah: (Magugulat) Ano?

Mas lalakasan ni Sarah ang pag-spray sa kaniyang kapatid na titigil  sa pag-ikot. May pagka-eksaherado na rin ang pag-spray dahil isasama na rin ni Sarah  ang buhok at pisngi ni Sally.

Sally: Ang OA naman!

Sarah: Hindi ba sinabi ko, huwag ka munang sumama sa mga ganyan-ganyan? Lalo na sa panahon ngayong—

Mayroong kakatok sa pinto.

Sarah: Hindi pa tayo tapos.

Kukuha si Sarah ng paper towel para buksan ang pinto.

Delivery man 2: Sarah Valdez po?

Sarah: Yes, dito po.

Kukuhain ni Sarah ang spray bottle para gamitin sa package. Makikita ito ni Sally kaya magpepresinta na siyang asikasuhin ang package.

Sally: Ako na bahala diyan, Ate.

Kukuha muna si Sally ng pera na pang-tip mula sa kaniyang bag bago niya lalapitan ang delivery man 2 para sa pagtanggap ng package. 

Aalis din agad ang delivery man 2. Sisipain ni Sally ang pinto para sumara.

Sally: Mula daw kay Vhong Gonzales.

Sarah: (Mayroong pagsusungit pa rin sa tono) Ah sa supervisor ko. Hawak mo na ‘yan, ikaw na magbukas… Please?

Bubuksan ni Sally ang package.

Sally: Ate, sanitizer ang laman.

Sarah: Naku! Nakakatuwa naman alam nila gusto ko! Sakto pa lalo na sa panahon ngayon. Anong tatak?

Sally: Bath & Body Works, ‘Te.

Sarah: ‘Di ba! Akala ko mumurahin lang kasi malaki tapos Bath & Body Works pa pala ‘yan! Dali akin na ‘yan!

Iaabot ni Sally kay Sarah ang sanitizer. Pupunta si Sarah sa lababo para hugasan ito. Maghuhugas din siya ng kamay gamit ang liquid hand soap na katabi ng gripo. Kakanta ulit siya:

Sarah: Hugas-kamay

Sure kitang iiwan

Sa paglakbay

Dito sa bayang walang katiyakan

Hugas-kamay

Bibitawan kita sa paglalakbay…

Sally: (Matatawa) San mo narinig yan, ‘Te?

Sarah: (At matatawa rin siya) Ah wala, kagaguhan lang sa internet.

Sally: Kagaguhan nga, hindi ko naman alam ‘yan.

Pagkatapos maghugas ni Sarah, kukuha siya ng paper towel para punasan ang kamay, pu punasan din niya ang hinugasang hand sanitizer. Pupunta siya sa banyo para itapon ang paper towel na gagamitin niyang pampulot ng balot ng package. Babalik siya sa kusina. Ngayong tuyo na parehas ang kaniyang kamay at ang bote ng hand sanitizer, gagamitin niya ito para linisin muli ang kaniyang kamay.

Sarah: Mabango siya! Try mo!

Sally: Hindi, okay na ko sa alcohol galore mo, ‘Te.

Sarah: Dali na!

Sally: Hindi okay na, hilig mo ‘yan eh.

Sarah: Basta gumamit ka lang ah? Sa atin pareho ‘yan.

Mayroong kakatok sa pinto.

Bubuksan ni Sally ang pinto.

Delivery man 3: Kay Ms. Sarah Valdez po?

Kukuha ng pera si Sally sa bulsa at ibibigay ito sa Delivery man 3. Kukuhanin niya ang package at sisipain pasara ang pinto.

Sarah: Pakibuksan ulit. Nakakatuwa naman daming nakakaalala sa kin!

Bubuksan ni Sally ang package. Lotion ang laman nito.

Sally: Galing kay Rob Duende. Lotion ang laman.

Sarah: Ah! Nakakatuwa naman! Alam niya na birthday ko!

Sally: Sino ba ‘yan?

Sarah: Siya ang head ng department namin. Tatay ang tingin namin diyan. Anong tatak?

Sally: Victoria’s Secret

Sarah: (Tatawa) alam mo natatawa ako kasi malihim din ‘yang si Tatay eh. Ikaw na maghugas niyan.

Pupunta si Sally sa CR para itapon ang supot ng package. Babalik siya sa kusina para hugasan ang bote ng lotion.

Sarah: Gamitin mo lang ‘yan para hindi maging dry ang hands mo kakahugas. Pero alam mo, mas mahirap hugasan ang kamay ‘pag may lotion kasi parang mantika ‘yan na hindi basta-basta mahuhugasan. Doblehin mo na lang ang time sa paghugas ng kamay mo para siguradong malinis, okay?

Sally: Napaka-first world naman ng problema mo! Ang iba, walang makain, tapos ikaw, privileged? Dry hands lang ang problem? At talagang ni-research mo pa ‘yan, ‘Te ah?

Sarah: Syempre! Alam mo naman ako parang Girl Scout. Pahiram nga niyan. Testingin ko lang.

Maglalagay si Sarah ng lotion sa kaniyang mga kamay. 

Sarah: Ambango naman nito—girl na girl ang amoy! Oo nga pala, anong oras daw darating yung cake ko?

Sally: Ay shet! Nakalimutan ko!

Sarah: Ano?

Sally: Sorry, Ate. Nakalimutan kong mag-order.

Sarah: Ano ba ‘yan! Aalis ka nang natutulog ako. Tapos,  sabi ko kanina sa sarili ko, “buti nasa labas si Sally, mabibilan ako ng cake.” Tapos wala?

Sally: Oo, ate. Naging busy lang kanina.

Sarah: Oo alam ko busy ka, kaya nga sabi ko mag-order ka sa Grab. Tapos kinalimutan mo pa rin! Hindi bale sana kung nakatunganga lang ako dito. Hindi! Nagluto ako ng spaghetti! Handa natin!

Sally: Sinubukan ko isang beses. Kaya lang alam mo naman, hinihinaan nila signal pag may rally. Na-busy rin ako kaya nawala na rin sa isip ko. Susubukan kong mag-order ngayon na.

Sarah: Huwag na! Hindi rin aabot yan sa curfew! Haharangin na sa kanto ‘yon. At hindi ka pa rin naliligo hanggang ngayon! Maligo ka na! Ngayon na! Dahil baka nadikitan ka ng mga tao kanina. Magkasakit pa tayo!

Sally: Walang may sakit do’n!

Sarah: Paano mo nasabi? Eh invisible ang virus.

Sally: Alam mo naman palang invisible ang virus, so agree ka na, na dapat may mass testing?

Sarah: Galing naman ng kapatid ko! Ikaw na lang kaya mag-presidente!

Sally: I wish! Sige! Okay na sa’kin mag-presidente! May pumalit lang!

Sarah: Bawal! Bawal ka maging presidente dahil may age requirement sabi sa Constitution!

Sally: Sabi rin sa Constitution, dapat nilalabas ang estado ng kalusugan ng presidente.

Sarah: Hindi na kailangan! Kasi wala naman siyang ilalabas. Mabuti ang kalusugan ng presidente, wala siyang sakit!

Sally: Paano mo nasabi?

Sarah: Eh kasi, nagpapatawa na siya eh. Walang may karamdaman na magpapatawa.

Sally: Babaw naman.

Sarah: Basta para sa’kin, walang sakit ang presidente. Tumigil ka na sa kakasagot, ate mo pa rin ako. Mag-move on ka na diyan dahil hindi maalis ang fact na anim na taon ang tanda ko sa’yo!

Sally: Eh sa cake nga hindi ka maka-move on. Lahat ng ‘to nagsimula doon?

Sarah: Alam mo? Kaya ko namang mag-order niyan, kaso bakit ko naman gagawin lahat? Wala kang ambag? At ano ba naman ang nakukuha mo sa pakikisama mo sa mga terorista?

Sally: Hindi kami terorista!

Sarah: Oo alam ko, sure ako na ikaw, hindi ka terorista. Eh sila?

Sally: Hindi rin!

Sarah: Ows? Talaga? Eh bakit madudungis sila tapos wala silang ginawa kung hindi magreklamo?

Iiyak si Sally matapos niyang umupo. Mababahala si Sarah at tatabihan niya ang kaniyang kapatid.

Sarah: Oh? Bakit ka umiiyak?

Sally: Eh kasi sobra ka eh. Grabe ka magsalita. Alam mo namang nagluluksa pa ‘ko.

Sarah: Apektado ka pa rin ba? 

Sally: Grabe ang fact na nangyayari pa rin ‘to kahit nasa bahay lang ang mga tao.

Sarah: Matagal nang nangyayari ‘yan. Hindi lang ngayon.

Sally: Nasa bahay lahat ng tao. Karamihan walang makain kasi walang trabaho. Tapos patayan pa rin ang inaatupag nila.

Sarah: Ano bang nakukuha mo diyan? Akala ko nadala ka lang ng mga kaklase mo. Parang phase lang, gano’n. 

Sally: Bakit ikaw? Sumasali ka rin naman sa mga demonstrasyon noon ah?

Sarah: Oo, pero phase nga lang ‘yun. Dala lang ‘yon ng kabataan ko. Idealism, siguro. Nakaladkad lang din ako dahil na rin sa mga kaibigan ko sa school. Bakit ikaw hindi ka pa rin bumibitiw?

Sally: Kasi lahat puwedeng mangyari na ngayon. Kung may ipakukulong, ikukulong. Kung may ipamimigay na teritoryo, ipamimigay. Kung may ipasasara, isasara. Kung may ipatutumba, itutumba.

Sarah: Ang nega mo naman.

Sally: Paano ako hindi magiging nega? Sobrang sama ng mga nangyayari.

Sarah: Bibitiwan mo rin ‘yan. Tumingin ka kasi sa mga magagandang nagawa. Tuloy-tuloy ang paggawa ng infrastructure. Dami ko tuloy trabaho.

Sally: Hindi naman kasi ‘yon ang importante.

Sarah: Importante ‘yon ‘pag tumanda ka na.

Sally: Matanda na rin ako.

Sarah: Pero anim na taon ang tanda ko sa’yo.

Sally: Mabuti tumanda ka pa. Hindi ko sila kilala pero maraming nahuhuli dahil tinatawag silang terorista. Ang mga hindi hinuhuli, pinapatay sa bahay. Sunod-sunod ang harassment at pagpatay sa mga may posisyon. Pupuntahan na lang sa bahay, tapos ‘yon na.

Sarah: O sige, ‘wag na tayong mag-away ah? Sorry kung marami akong nasabing hindi maganda sa inyo.

Sally: Alam mong may posisyon din ako sa kilusan namin. Tapatin mo nga ako. Terorista ba tingin mo sa’kin?

Sarah: Hindi.

Sally: Anong tingin mo sa’kin?

Sarah: Kapatid kita. Ikaw na lang ang naiwan sa’kin.

Sally: Anong gagawin mo ‘pag may humuli sa’kin?

Sarah: Ipagtatanggol kita. 

Sally: Paano mo gagawin ‘yon?

Sarah: Gagamitin ko lahat ng koneksyon ko sa gobyerno. Alam mo namang marami akong kakilala, ‘di ba? Basta itigil mo na ‘yan. Please.

Sally: Hindi ko maipapangako ‘yan.

Sarah: Alam kong titigilan mo rin yan, dahil ganyan din nangyari sa’kin.

Sally: Siguro malayo pa kung mangyayari ‘yon.

Sarah: Sige. Basta sure ako titigil ka rin. Ise-set ko na table. Kain na tayo ah?

Sally: Kahit walang cake?

Sarah: Basta magkasama tayo.

Magyayakapan sana ang magkapatid, pero maalala ni Sarah na hindi pa naliligo si Sally.

Sarah: Ligo ka na, bunso, ako na ang bahalang mag-ayos. May tuwalya na do’n sa CR.

Sally: Thanks, Ate. Ayaw ko rin nag-aaway tayo dahil sa mga paniniwala natin.

Sarah: Dapat hindi tayo naapektohan ng pulitika. Magkapatid tayo.

Tatayo na sila mula sa mesa. Pupunta sa tauban ng kasangkapan si Sarah habang lalapit si Sally sa CR. Matitigil ang dalawa sa pagkatok sa pinto.

Sally: Curfew na may delivery pa rin?

Sarah: May pahabol na gift! 

Sally: Baka naawa ‘yong pulis sa kanto kaya pinalusot. 

Sarah: Ako na bahala diyan. Maligo ka na.

Sally: Ako na. Maliligo na rin naman ako. Saglit lang ‘to

Sarah: (Ngingiti) Sige start na ‘ko mag-prepare!

Bubuksan ni Sally ang pinto sa isang mamang nakasuot ng itim na face mask at sumbrero.

Mama: Sally Valdez?

Sally: Ako ‘yon. Bakit po?

Papasok ang mama sa loob ng apartment at itututok ang baril kay Sally. Aatras si Sally at magkakaroon ng lakas ng loob si Sarah na pumunta sa mama at hawiin ang kamay na may hawak sa baril. Pipilitin ni Sarah na agawin ang baril. 

Sarah: Sally takbo!

Hindi malaman ni Sally kung saan siya tatakbo. Tatakbo siya sa hagdanan, pero maiisipan niyang tumakbo palabas. Habang papunta sa pintuan, magsisigaw siya ng:

Sally: Tulungan niyo kami!

Bago pa man makarating si Sally sa pinto, maitutulak na ng mama si Sarah. Babarilin ng mama si Sally, matutumba ito at babarilin pa nang makailang ulit. Tatakas ang mama sa pinangyarihan ng krimen.

Pupunta si Sarah sa pinagbagsakan ni Sally. Iiyak siya habang yakap ang katawan ng kaniyang kapatid. Magmamantsa ang dugo ni Sally sa damit ni Sarah. Kalaunan, mapapansin ni Sarah ang dugo sa kaniyang mga kamay, hanggang sa kaniyang braso.

Didilim ang ilaw ng entablado. Mistulang masisiraan ng bait si Sarah. Pupunta siya sa lababo at huhugasan niya ang dugo sa kaniyang mga kamay. Huhuni siya ng “Hawak Kamay” hanggang sa mamatay ang mga ilaw ng tanghalan.


This literary piece is part of Katitikan Issue 3: (Re) Imaginations.

By Ram Meris

Ram Meris currently studies at De La Salle University Manila.

One thought on “Hugas-Kamay”
  1. Hello! We are currently studying Theater in 12th Grade and looking for a play to adapt. May we use your script for our production? ^_^

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.