Kumpisal
Alas diyes ng gabi nang magkita kami ni Thirdy sa tagong bahagi ng simbahan sa banwa. Sa gilid kung saan mayabong at mataas ang tubo ng mga pandekorasyong halaman. Hindi ito ang una naming pagkikita. Sa katunayan, pangatlong beses na ito. Pero ito ang unang beses na kaming dalawa lamang ang magsasalo sa lamig ng gabi.
Sa bahaging ito rin ng simbahan kami unang nagkita noon. Tatlo kami. Ako, siya, at ang isa pang kaibigang agí na mas higit ang tanda sa akin – si Dasay. Kasabay ko si Dasay noong gabing iyon na naglalakad pauwi galing sa bahay ng isa pa naming kaibigan. Sa labas pa lamang ng simbahan ay nilapitan na siya ni Dasay pagkatapos mag-usap ng kanilang mga mata. Pagkatapos ng ilang sandaling bolahan, himasan, at bulungan ay nagkasundo na sila.
Sabay-sabay kaming pumasok sa gate ng simbahan at dumiretso sa tagong bahagi nito. Para bigyan sila ng pribadong oras, lumayo ako nang kaunti at nagtago sa anino ng nagtataasang mga halaman kasama ang nanginginig na gabi, habang sinisiguradong natatanaw ko pa rin sila.
Read More