Lawalawa
Parang uban
ng aking ina
ang hinabing sapot
ng gagamba.
Manipis
at buhol-
buhol ang hibla
na napipigtas
sa paghawi ng aking mga daliri.
Parang uban
ng aking ina
ang hinabing sapot
ng gagamba.
Manipis
at buhol-
buhol ang hibla
na napipigtas
sa paghawi ng aking mga daliri.
I am looking out the bus window playing
River by Joni Mitchell. It is snowing there,
you sent me pictures of cobblestoned streets,
of you and your lover, four degrees cold, you
say. Meanwhile the trees are green as ever here
in my country. The children chase the chickens
and the sun trails off behind them. A mother
is picking green mangoes from the trees and
the men are drinking rice wine by the road.
The river runs smoothly, slowly painting the dry
rocks, while the stray dogs are swimming with
the catfish. The farmers are resting in their huts
beside the sleeping water buffalos. But it don’t snow
here, Joni sings, it stays pretty green. What do I know
of winter? I ask the rice fields of my country,
of snow? I only know of birds and trees and wishful
thinking. I know only of cold. I wish it snows here.
I wish you are here. In the prairies beside me lying
in the lush dry grass, laughing, and it is summer.
Kalimutan mo muna ang agham,
silayan ang langit sa malayang isipan.
Kalimutan mo muna:
na hindi talaga patay-sindi
ang ningning ng mga tala,
at ipinagtagni-tagning alikabok lang
ang nagpapakislap sa banaag nito?
isipin mo na lang na may talukap
din ang mga bituin, kailangang
kimisap maya’t maya, at
tuwing umaga’y humihimbing.
na pundido talaga ang buwan
walang sariling sinag, at
nananatiling bilog kahit kailan?
isipin mo na lang na may mga ugali
rin ito, kaya pabago-bago ng mukha
at kumikinang lang sapagkat
binigyang halaga.
na nakalipas na lahat ng
natatanaw mo sa kalawakan?
isipin mo na lang na isa siyang gala
walang pakialam sa oras, at
walang hinahabol na
pagpupulong o pagkikita.
Kalimutan mo . . . na ang lahat
ng kasalukuyan ay tapos na.
Sige na, kalimutan mo muna
ang lohika,
at
marahang
magsayaw
sa
entablado ng kamangmangan
1
kwadrado
ang hugis ng lungkot;
ang dingding
na namamagitan sa atin.
ngunit anong hugis
ang hinuhulma ng ating palad
sa panahong yakap natin
ang ating sarili, namamaluktot
sa higaan, pilit na ikinukuyom
ang lahat ng hindi
maaaring sambitin?
Tatakbo ang bata sa pampang,
magtatampisaw,
sisisid sa isang dipang lalim
at makikita
sa malabong salamin ng matanda
ang tulya, lumot,
naglalarong maliliit na isda.
Sasali ang bata sa tagu-taguan ng mga isda,
siya ang taya,
hahanapin niya sila.
Sisisid muli ang bata, dalawang dipang lalim
at makikita
sa malabong salamin ng matanda
ang bahura, taklobo,
mas maraming naglalarong mga pawikan.
Sasali ang bata sa tagu-taguan ng mga pawikan,
siya ang taya,
hahanapin niya sila.
Sisisid muli ang bata, sampung dipang lalim
at makikita
sa malabong salamin ng matanda
ang pating, balyena,
dugong at pugita,
naglalarong mga dambuhala.
Sasali ang bata sa tagu-taguan ng mga dambuhala,
siya ang taya,
hahanapin niya sila.
Sisisid muli ang bata, isang libong dipang lalim
at makikita
sa malabong salamin ng matanda
ang lumubog na mga Vinta, ang binhing perlas ng huling Binukot,
ang natutulog na Bakunawa.
Wala nang naglalarong mga isda o dambuhala.
Hubad ang dagat sa malamig nitong alon sa ilalim,
dumadaluyong ang kawalan at kadiliman
tinatangay ang diwa ng musmos sa siphayo ng pag-iisa.
Natagpuan ng bata ang sariling puso
sa pusod ng dagat na puno ng lihim
at doon niya natiyak
ang alamat ng lumubog na isla ng mga alaala.
Aahon ang bata sa kawan ng dagat,
tulad ng paghila sa angkla,
tangan ang bigat ng puso sa nakita
dahil sa naglahong mga kalaro
at doon niya madaratnan
na duguan na ang matandang araw
sa kagat ng dapithapon.
Tatakbo ang bata pauwi,
ang mga naiwang bakas ng paa
dagling buburahin ng alon
at magiging ulyanin muli ang dalampasigan
sa matapang na paslit na sumuong
sa puso nito.