Subukan Mong Bumangon, Isang Hatinggabi, At Pagmasdan ang Nahihimbing Mong Magulang
Minsan, isang hatinggabing
hindi ka binibisita ng antok,
subukan mong bumangon.
Puntahan sa tahimik na salang
nag-anyong silid-tulugan
ang iyong mga magulang.
Marahan, buksan mo ang ilaw,
payapa silang pagmasdan.
Sa simula, maiingayan ka
sa kanilang hilik
hanggang makasanayan
ng iyong mga tainga, kalaunan.
Ganito ang huni
ng mga kuliglig.
Ganito ang himig
ng gabing tahimik.
Pakinggan pang maigi.
Unti-unti mo na bang naririnig
ang kanilang mga lungkot
pangamba, pangungulila at takot
Na sa bawat araw ka nilang kapiling
ay hindi nila naisatinig.
Anak, maraming tumutumba sa kalsada,
umuwi ka nang maaga.
Malapit na kaming mawala
ng iyong ama.
Matuto ka nang tumindig
sa sarili mong mga paa.
Anak, magawa mo pa kaya kaming abut-abutan
kung humayo ka na’t
magtayo ng sariling tahanan?
Sa nakalilis, tastas
nilang salawal at mga manggas,
masdan mo ang kanilang
lumalaylay nang balat,
mga kalamnang
nagdamit sa iyo, nagpaaral.
Ilang taon pa ang kanilang itatagal?
Ilan na lang sa kanilang mga pangarap
ang tutulong ka sa pagtupad?
Masdan mo ang kanilang mukha.
Hindi. Hindi sila ganyan katanda
sa iyong gunita.
Hindi na ikaw ang iyaking bata
at hindi na sila ang matitikas
malalakas mong magulang.
Sasapit ang isang umaga,
hindi ka na makaririnig
ng kahit anong payo o sita
mula sa kanila.