Sa aking mundo, ang katumbas ng pag-ibig ay pagsuong sa aking balat, sa lawak nitong lahat. Ibig kong sabihin, isang silid ang aking dibdib. Hayaan mong patuluyin kita. Tuklapin ang aking puso, bagtasin ang bawat lalim, bawat babaw. Na para bang binabalikan ang sariling kasaysayan. Sa loob, madaratnan mo ang aking ubod, ang mga nakasalansan kong bahagi. Lahat ng rikit at gimbal. Mga alipatong alaala, natupok na pagkalalaki. Mula sa abo, masdan mong mag-anyo ang aking anino, ang aking kabuuan. Tangan-tangan ang bagong ningas, ang aking seksuwalidad, na magliliyab sa iyong dibdib. Magmamarka sa bawat bahagi ng iyo. Buong-buo. Tila imaheng nililok sa marmol. Sa ganito mo matututuhang angkinin ang sarili, pilasin ang lahat ng pagpapanggap. Magmahal nang walang takot sa sariling mitsa. Saka mo sabihin sa aking handa ka na sa alok kong apoy.
This literary piece is part of Katitikan Issue 4: Queer Writing.