[Pagsipsip ng Nektar]

Madaling-araw na pero nananatili kaming naghahanap ng matutulugan at matitigilan nang matagal. Lasing na naman ako kasama ang isang taong nakainuman ko sa The Site, isang inumang pangmasa sa Binangonan. Marco P. ang pangalan niya. Nagtanong kami sa may Family House, isang hotel sa may Pag-asa, ngunit puno na daw ang lahat ng kwarto. Naglakad pa ulit kami hanggang sa nakapunta kami sa may gilid ng Atelier. Tamang-tama at walang nakakakilala sa amin dito dahil pareho kaming taga-Binangonan. Pumasok kami sa loob at nagtanong kung magkano ang 6 hours. Tamang-tama rin at may natira pang isang libo sa wallet ko. Pambayad sa kwarto at ang sukli, pambayad kay Marco. 

Sanay na ako sa ganitong mga kalakaran. Kapag nalalasing, humahanap ng laman. Para akong manananggal na hindi mapakali at kailangang lumipad nang lumipad hanggang sa makatagpo ako ng mabibiktima. Siguro nga, manananggal ako. Salamat at may kaibigan akong baklang kagawad, isang dating manananggal na ang mga biktima ay kabataan. Hindi maaaring mawala sa aking bulsa ang mga nakabalot sa foil na galing sa center. Isang box ng condom. Tatlong piraso para sa isang linggo. Maigi na ang sigurado.

[Pagkapigtal ng Pakpak]

Undas. Hindi magkamayaw ang mga tao sa pakikipagbuno sa palengke. Kanya-kanya silang tanong sa presyo kung magkano ang kandila, bulaklak, kakanin at kung anu-ano pang mga bilihin. Buhay na buhay ang palengke ngayong araw ng mga patay. Wala ring sawa ang pag-alis ng mga bangka papunta sa Isla Talim. Madaming bagong mukha. Madaming mga bitbit. Madaming madami. May mga naka-uniporme din na sigurong magbabantay sa mga sementeryo. Madami rin sila.  Madami akong pinamili at uuwi na sila Mommy at Daddy. Kaso US yun. Malayo. Isang araw ang byahe.

Sa sementeryo, kanya-kanyang kuha ng mga tunaw na kandila ang mga batang hindi mapakali sa kababantay sa mga puntod na makita. Kapag nakita nilang papaalis na ang nagbabantay, siyang takbo nila at kuha ng nakasindi pang kandila. Hindi kakikitaan ng hapdi ang mga paso at tulo ng kandila sa kanilang mga kamay. Masaya sila at wari’y nakikipag luksong-baka sa mga puntod. 

Matatapos na ang dapit-hapon. Nagsisipag-uwian na ang mga tao. Nananatili pa rin akong nakaupo, nagtitirik at naghihintay sa aking katagpo. Kumakagat na ang dilim. Nagiging aswang na ako. Sa wakas, dumating na ang magpapatirik sa akin. Pumwesto na kami sa pinakamadilim na lugar sa may ‘di kalayuan sa sementeryo. Buti na lang at ‘di pa pinalalagyan ni Kapitan ng mga poste ng ilaw dito. Mukhang wala namang plano talaga na ipagawa. Tapos, ginagamit kung saan ang pondo ng barangay. May pasabong pa sila. Bahala na siya. Ang mahalaga, maliwanag na wala nang tao sa paligid. Pero sa ngayon, mabuti at wala pa talagang poste ng mga ilaw. Swerte pa rin.

Dumating na si Andrei, ang aking boyfriend. Dahil wala naman akong kasama sa bahay, napilit ko siya na pumunta sa Isla. Ibinaba agad ni Andrei ang aking pulang shorts nang nilapitan niya ako, ang isa sa pinakapaborito kong naipadala ni Mommy. Habang kumikilos ang kanyang mga labi sa aking dibdib, siyang patong ko ng kamay sa kanyang ulo tanda na bumaba pa siya sa bahaging gusto kong malapatan pa ng kanyang mga labi. Malamig ang simoy ng hangin. Nakakatayo ng balahibo. Mistulang pinatay ng hangin ang lahat ng kandilang nakatirik sa mga abang himlayan. Kami na lang ni Andrei ang siyang gumagawa at kumakalaban sa lamig. Pinatay niya ang lahat ng lamig na bumabalot sa kapaligiran. Sinubo niya ng buo ang aking pagkatao. Nasabunutan ko siya tanda na malapit na akong labasan. “Shiiiiit,” nasarapan kong sabi. Sumigalpot ang lahat ng aking lakas.

Bago ko iayos ang aking sarili, siyang nadaanan ng aking mga mata ang isang lugar na may malamlam na ilaw. Parang isang malaking kandilang nakatirik sa madawag na lugar malapit sa aming kinatatayuan.

“Alitaptap lang iyan,” ang sabi ni Andrei na mukhang walang pakialam nang naibulong ko sa kanya ang aking nakita.

Umalis na siya at mag-aalas-otso na. Niyaya na akong umuwi at gutom na raw siya.  Naiwan akong nakatayo at nagmasid pa. Tanging langitngit ng mga kawayang pilit na napapasayaw ng hangin ang ingay na maririnig sa lugar na iyon. Nakatingkayad akong dumungaw sa likod ng puno ng mangga. Natakot ako sa aking nakita.

Sa gitna ng malaking kandila, kanya-kanyang hithit ang mga naka-unipormeng lalaki na nakita ko kaninang umaga na sumakay sa bangka. Sila nga iyon. Mga gago at dito pa talaga sila nag-pot session, malayo sa kabayanan. Sabagay, bihira naman ang hulihan dito sa Isla. Matalino rin sila. Wala ngang pumapasok na hangin dito dahil napapalibutan ng maraming puno. Madawag, duwag at ‘di makalapit ang hangin. Para silang mga kapre na may mga hawak na tabak. Kanya-kanya silang hithit at buga. May iba naman na iba ang trip at mukhang shabu pa ang tinitira. Kanya-kanya rin silang singhot sa lahat ng usok na nagmumula sa ibabaw ng foil. Parang kaluluwa ang usok. Magaan ang pag-antaw sa kawalan. Mabagal ang pagkawala sa kalawakan.

May kung anong gumapang sa aking paanan. Napatili ako. Napaupo. Takot na takot akong gumapang patalikod. Yung hindi ako makagagawa ng ingay dahil sa oras na makita ako, alam ko na ang mangyayari. Bago ako makalayo, may kung ano akong nahawakan. Paa. Pagtingala ko, hindi ko maaninag kung sino ang tao sa aking harapan.

“Huwag kang matakot,” bulong ng lalaki.

Putang… Si Andrei pala. Napayakap ako sa kanya. Yung mahigpit. Yung tipong ayokong kumawala dahil alam kong yayakapin na naman ako ng takot. Bago ko sabihin na umalis na kami doon, isa, dalawa, tatlong kamay ang humatak sa katawan ko papalayo kay Andrei. Hindi ako makasigaw. Ayaw kumawala ng aking hiyaw. PUTANGINA. 

[Pagaspas sa Kawalan]

Nakamasid ako sa kanila. Payapang-payapa ang kanilang mga hitsura. Sanay na sila. Sanay na sanay. Napansin ko ang isang katawang walang malay. Andrei? May nakasalpak na may sinding kandila sa bunganga. Hindi pa sila tapos. Hindi ako makasigaw. Isang pulis ang may dalang malaking bato. May dala rin siyang sako. Siyang bagsak niya sa nakabulagtang katawan. *BOG. BOG. BOG.*  Tatlong beses niyang binagsak sa katawan ang malaking bato. Sa ulo. Sa dibdib. Sa gitna ng hita. Basag ang mukha. Sabay harap sa akin ng demonyong pulis.

“Tumayo ka dyan.” galit na sabi ng isa pang pulis. Nakaposas ang aking mga kamay at nakasandal sa puno ng mangga. Malabo na ang aking paningin. Naaamoy ko ang dugo sa aking bibig. Masakit ang aking buong katawan. Hindi ako kumilos. Hindi ako makakilos.

“Huwag kang matakot, pulis kami,” paliwanang ng isa. Naalala ko si Andrei. Ang mahal kong si Andrei…

21 taong gulang ako nang nakilala ko si Andrei.  Napagpasyahan kong pumunta noon sa Angono. Sa Lakan Tattoo. Gusto kong lagyan noon ng kakaibang simbolo ang aking katawan. Yung tipong, tuwing makikita ko ang maliit na disenyo sa aking sakong, maaalala kong malaya ako. Umupo na ako. Mukhang handa na ang magta-tattoo. Habang iginuguhit sa aking katawan ang likidong bumabaon at pumapasok sa aking balat, may nakamasid pala sa akin sa bandang likuran.

“Huwag kang matakot,” bulong niya. Sabay ngiti nang napalingon ako sa kanya.

“Si Andrei nga pala,” pakilala sa akin ni Ate Maren, ang tattoo artist ko.

Naging magkaibigan kami ni Andrei. Maraming pagkakatulad. Hindi nagtagal, naging kami rin…

Si Andrei. Si Andrei. Ang aking pinakamamahal. Ang nakasama ko habang wala sila Mommy and Daddy. Ang unang nagsabi sa akin na huwag akong matakot. Paano na ngayon, natatakot ako. Wala na rin sya. Anong gagawin ko. Paano ko iisipin at pamamayanihin sa aking diwa na huwag akong matakot. Paano ko sasakupin lahat-lahat ang aming mga alaala gayong hindi ko sya masakop sa aking bisig. Hindi ko sya katabi kahit sa huling sandali. Ang aking Andrei…

Hinila ako ng tatlong lalaki. Kinaladkad ako at winarak ang manggas ng aking damit. Wala akong magawa. Pinaupo nila ako at sabay-sabay silang nagtanggal ng sinturon. Ibinaba ang kanya-kanyang zipper at ako’y pinaliguan ng kanilang mga ihi. Maalat. Hindi ko alam kung umiiyak ba ako o ihi ang aking nalalasahan. Bakit hindi ako makalaban?

Isa-isa silang nagpakasawa sa pagwasak sa akin. Sinampal nila ako ng malalaking kandila. Pinaputukan nila ako sa aking mukha. Hindi ko mabilang kung ilang suntok ang dumapo sa aking mukha. Isang mabigat na bagay ang naipukol sa aking ulo. Nakabibingi ang hugong sa aking tenga. May mas ididilim pa pala ang kadiliman sa lugar na iyon.

Payapang-payapa ang kanilang mga hitsura. Sanay na sila. Sanay na sanay.

PUTAAAANG-INAAA KAYOOOO. MGA GAGOOOOO. MGA HAYOOOOP. Tatlong sigaw ang sinubukan kong pakawalan. Ngunit wala sa kanila ang nakarinig. Walang boses. Walang ingay. Unti-unting naglalaho ang aking buhay. Dahan-dahang hinihila paibaba ng sakit ang aking mga talukap. Naalala ko sila Mommy and Daddy…

Ang mga magulang kong bihira kong makasama dahil nagtatrabaho sila sa malayo. Mga padala lang nila ang naging suhol nila sa akin na para bang inuuutusan ako ng aking isip na huwag malungkot. Para sa akin naman talaga ang paghihirap nila. Para sa kinabukasan ko ngunit hindi ko alam kung aabutin pa ako bukas. Paano na sila Mommy at Daddy. Paano ako makababawi sa kanila sa mga pagkakataong puro pasarap lang ako sa buhay habang sila ay nagkakandakuba sa pagkayod. Sana nakapagpaalaam ako sa kanila. Sana nayakap ko sila, Yung mahigpit. Mahigpit na mahigpit…

“Oh bale, kayo na bahala diyan. ‘Wag mag-iiwan ng bakas. Imisin ang dapat imisin. Claros, ikaw na bahala sa report. Ihanda na agad-agad. Mga dalawang araw baka may makakita na rito. Maganda na ang handa,” utos ng isang pulis na may edad na.

“Eh, sir, di pa po ako nakakagawa ng report na ganito, may format po ba, baka pwedeng kopyahin ko na lang sa files.”

“Ano? Di ka marunong gumawa ng report? Anak ng….. oh di bale, San Jose, ikaw na mag-ayos ng mga paraphernalia, yung tulad sa Angono, igaya mo na lang para madaling gawan ng report. Sige kilos, galingan ninyo at sa a-kinse, may year-end bonus naman.”

“Sige po Chief. Kami na po ang bahala.”

Pilit kong iginagalaw ang aking mga daliri. Hindi ko na kayang igalaw ang aking buong katawan. Nanghihina ako. Mamamatay na ba ako? Ganito ba mamatay. Malungkot. Nag-iisa…

[Paglipad Kasama ang iba pang Makukulay na mga Paruparo]

Naalala ko ang Pride March. Isang pagdiriwang ng kulay at kasarinlan sa napiling kasarian. Ang isa sa hindi ko malilimutan. Late noon si JP. Kasama ko si Andrei at kami’y lumibot upang lalong maging bukas siya sa kanyang sarili. Sa kanyang sarili. Mukhang masaya naman siya. Nagulat si Andrei dahil andoon rin ang mga kaklase niya noong hayskul. “Huwag kang matakot,” bulong ko sa kanya nang napansin kong namutla siya. Niyakap ko siya. Niyakap niya rin ako tanda ng pagyakap niya sa matingkad na bahagharing nakapalibot sa amin. Inalala ko ang masayang tagpong iyon sa aming buhay. Marami pa kaming pangarap pero dahil sa kahayupan ng mga pulis, para bang sila ang nagdidikta sa amin at nagsisindi ng mga mitsa kung kailan kami mauupos. Para kaming mga kandilang naghihintay na matunaw sa titig pa lang nila.

Umulan nang malakas noon ngunit wala pa rin si JP sa Marikina Sports Complex. “Ayan, mukhang ayaw talaga sa atin ng kalangitan. Lulunurin na ata tayong mga makasalanan,” biro ni JP nang malapit na siya sa amin at hindi namin namalayan.. Hindi ko makakalimutan ang sinabi niyang iyon. Wala pang isang minuto ay biglang tumigil ang ulan. Sumikat na muli ang Haring Araw. Siya naman labas ng Bahaghari. “Ay, may kinasal lang pa lang tikbalang,” biro na naman niya ng kami’y nakita niyang naghalikan sa gilid niya. 

Si JP. Ang kaibigan kong kakulay ng langit ang buhok. Ang kaklase kong hindi nagpalamon sa sistema. Galit sa kapitalista. Ang kaklase kong hindi ako iniwan. Si JP na isang dibuhista, pintor, manunulat at isang aktibista. Nakaaway ko minsan dahil pilit akong isinasama sa rally. Matalino at may pagmamahal sa bayan. Single. Inuuna ang kapakanan ng nakararami tulad ng mga Lumpen, mga Bakwet, mga manggagawa, mga ordinaryong taong nakatira sa lipunang pinamumunuan ng mga gahaman sa kapangyarihan. Hindi na dapat siya Single eh kasi sasagutin na dapat niya si Leo Di Caprio. Kaso, ‘di nakaintay ang loko. Sayang. Itatapat kasi ni JP sa Mayo uno ang pagsagot niya kay Di Caprio. Syempre, Literature Major din.  Kailangan may ibig-sabihin lahat. May representasyon. May pagpapakahulugan. Bahaghari sa Pulang Kalangitan. Ipapakilala daw niya ako kay Mark Borromeo, isang kaibigang nakilala niya sa Grindr. Mabait naman daw. Safe din. Kumusta na kaya siya. Matagal na din kaming hindi nakapag-uusap. Bakit nga ba hindi kami nagkagustuhan ni JP gayong marami kaming pagkakapareho. Bakit biglang pumasok siya sa isip ko? Bakit? 

Nagsikilos na ang mga nakauniporme. Napalitan ang foil na galing sa center sa aking bulsa ng foil na ginamit ng mga demonyo. Dinagdag pa ang pakete ng shabu. Nailagay sa sako ang aking bangkay. Kasama ang kay Andrei. Naisabit nila kami sa may sagingan. Para kaming mga higad na nakabalot sa isang dahon at naghihintay na maging isang ganap na paruparo. Malayang makalilipad. Malayang malaya. Pero mukhang malabo. Mas malinaw na makita kaming balot na ng mga uod.

Kung makakapag-usap lang ang maraming patay na nakasaksi kung saan sila dumaan pauwi. Kung may mga ligaw na kaluluwa ang naligaw sa gawi kung nasaan kami. Mukhang wala. Walang ibang nakakita kung paano ako hinalay at paano kami binaboy at pinatay. Tanging sila lang. Sana matagpuan ako. Sana matagpuan kami. Sana may makakita sa amin. Sana makapunta si JP, si Marco, ang kaibigan kong baklang kagawad na dating manananggal, ang mga kaibigan kong laging kainuman. Para makita nila ako. Para makita kami. Kung matagpuan kami, sana makilala nila ako. Sana makilala nila si Andrei. Sana makilala nila ang pumatay sa amin. Sana mahuli sila. Kahit huli na ang lahat. Kahit huli na ang pagdating ni Mommy at ni Daddy. Sana maiuwi si Andrei sa kanila. Sana makapunta sila kahit sa aking burol. Para makilala nila ako. Pero huwag naman sila sanang magalit sa akin. Sana makapunta sila nang makilala nila ang mga magulang ko. Sana makapunta silang lahat kasi mukhang mahaba-haba pa ang pagdiriwang ni Mommy at ni Daddy ng Undas sa Pilipinas.

Makikitang ipinapagawa na ang poste ng mga ilaw sa may sementeryo. Nilagyan na rin ng CCTV ang mga kanto. May plano pala si kapitan na ipagawa ang mga ito. Sayang. Lumipad sa ‘di kalayuan ang isang paruparo tulad ng aking nasa sakong. Pigtas ang isang pakpak na tila napunit sa pagkakahuli ng isang paslit. Waring hinahanap ang mga kaparehong nilalang na walang malay sa haba ng kanilang mga buhay.


This literary piece is part of Katitikan Issue 4: Queer Writing.

By Jamil Figuracion

Si Jamil R. Figuracion ay 25 taong gulang at nakatira sa Isla Talim sa Cardona, Rizal. Nagtapos ng AB/BSE Literature (English Stream) sa PNU-Manila.Kasalukuyan siyang kumukuha ng MA Malikhaing Pagsulat at UP-Diliman. Isa rin siyang guro sa pampublikong paaralan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.