PARA PO! Sumigaw ako nang malakas na malakas sa nagmamaneho ng van na sinasakyan ko. Bababa sana ako sa Quezon Avenue ngunit damdam ko nang napapalayo na ako. Nakatulog na pala ako sa van nang mahimbing dahil puyat na naman akong pumasok sa paaralan. Maraming requirements sa school at kailangan ko talagang gumising nang maaga para makasakay ng van papuntang Maynila kaya ibinabali ko ang pagtulog tuwing nagko-commute ako.
Bigla akong nag-panic dahil ako na lang din ang mag-isa sa van. Baka kung ano pang gawin sa akin ng driver na hindi ko magustuhan. Nagwala ako sa loob at pumunta ako sa likod ng driver para guluhin siya ngunit wala palang nagmamaneho sa van. Kinabahan ako nang sobra at kinagat ko ang mga kuko sa kamay na parang bata at napaisip nang malalim. Panaginip ba ito?
Dumungaw ako sa bintana at nakitang nakalubog na pala ang van sa tubig. Mas lalo akong kinabahan. Wala akong maaninag sa labas kundi tubig at mga isdang lumalangoy. Habang nag-iisip ng paraan upang makatakas sa delubyong ito, biglang may tumunog na cellphone sa loob ng van. Agad ko namang hinanap at sinubukang sagutin ang tawag ngunit hindi ko naabutan.
Nagulat na lang ako. Abril 28, 2046 ang nakalagay sa kalendaryo.