“Kadamo na gid sang man-og sa palibot subong ‘day, no?” Bungad sa akin ni Vinus, na isa sa mga bestfriend ko sa high school.
Umaga iyon. Nakatayo kaming dalawa sa tabi ng basketball court ng eskuwelahan habang pinanonood si Manu na nakikipag-agawan ng bola at nakikipaghabulan sa mga kapwa binatang kalaro nito.
“Kadamo na gid sang man-og sa palibot.” Ulit niya sa mas mabigat na boses. Nakasunod pa rin ang mga mata sa nagugustuhang binata. Hindi niya maidapo ang paningin sa mga mata ko gayong ako naman ang kausap niya.
Marami na akong nakitang ahas sa lugar namin. Nagtatago ang mga ito sa mga liblib at mga sulok ng palaisdaan ng lolo ko. Namamahay sa mga nagkukumpulang puno ng kawayan at nipa. Gumagapang kung saan mayabong ang nagtatangkarang mga damo.
Takot ako sa ahas. Maliban pa sa kuwento kung paano nito tinukso si Eba at si Adan, takot ako sa ahas dahil nakamamatay raw ang kamandag nito sabi ng mga tiyo ko. Kaya sa tuwing nakakahuli sila ng ahas, tinataga nila ito at pinupugutan ng ulo. Binabagsakan ito ng bato o hindi kaya ay aapakan nang ubod lakas para madurog ang mga mata nito. Kailangan daw durugin ang mga mata ng napatay na ahas. Dahil kung hindi, makikita ng ibang ahas sa mga mata nito kung sino ang pumatay sa kanya at paghihigantihan nila ang taong iyon.
Kagabi: Nahulog ako sa patibong ng ahas nang magkasalubong kami. Pauwi na sana ako galing sa bahay ng isang kaibigan, nang tawagin niya ako tulad nang pagtawag niya sa pangalan ni Eba at tuksuhin niya ako tulad nang pagtukso niya kay Adan. Saka niya ako iniligaw sa masukal na parang sa likod ng eskuwelahan namin.
Nilingkis niya ako sa gitna ng dilim. Nagpagulong-gulong kami sa damuhan na parang isang malaking pugad na yari sa bakli-bakling mga tangkay ng cogon at iba pang damo. Nagtagpo ang mga labi namin. Nadiskubre ang dila ng isa’t isa. Pinagsaluhan ang kumukulong kamandag na dumadaloy sa aming mga ugat at napatunayang hindi lahat ng kamandag ay nakamamatay; nakabubuhay pa nga.
“Gapangaluyag na bala si Manu sa akon, day.” Pagbasag ni Vinus sa katahimikang hinaharang ko sa pagitan naming dalawa. Nakapako pa rin ang mga tingin niya sa binata.
Humigpit ang pagtikom ng bibig ko. Naalala kong nakaligtaan kong durugin ang mga mata ng ahas kagabi. Marahil ay nasilip niya sa mga iyon ang mga nangyari:
Naghunos ng balat ang ahas sa harap ko. Tumalikod siyang inilapat ang mga tuhod at palad niya sa durog na damo. Tulad nang pag-alok niya kay Eba sa makasalanang prutas, inalok niya rin iyon sa akin. At tulad nang pagkagat ni Adan sa prutas, sinunggaban ko rin iyon nang walang pagdadalawang-isip. Hanggang sa marating naming mga ahas ang paraisong nabanggit sa bibliya.
“Akon na si Manu, day. Akon na sa.” Dugtong ni Vinus.
Ang kuwento sa bibliya, itinakwil ng Diyos sina Eba at Adan nang malamang kinain nila ang prutas na inalok ng ahas. Naisip kong muli kung paano napasaakin ang makasalanang prutas kagabi, habang hinihintay ang mga kataga ng pagtatakwil at paghihiganti.
This literary piece is part of Katitikan Issue 4: Queer Writing.