kung bakit laging may patugtog sa SM
kung papasok
sa anumang SM City Mall,
bago ang inaasam na lamig ng erkon,
tiyak na sasalubong muna ang patugtog.
sa loob, walang sulok na tahimik.
bawat stall ay may sariling gimik.
pana-panahon sa supermarket
ay meron pang “happy to serve!”
o bumibirit ng “through the fire” na salesclerk.
at syempre nariyan ang walang-kamatayang
paguusap-usap ng mga magkakamag-anakan,
magbabarkada, mga magnobyo’t magnobya,
mga nagbebenta at mga namimili.
walang minutong walang naririnig.
pero sa gabi,
pagkatapos ipalabas ang huling
pagkatapos ipalabas ang huling
pelikula sa cinema, habang isa-isang
kinakapkapan ng gwardya ang libo-libong
empleyado bago sila makauwi’t makapagpahinga,
habang sinasara ang mga tindahan,
habang tinatakpan ang mga paninda,
tumitigil ang mga patugtog at kanta.
doon lang mapapansin
ang laksang buntong-hininga
ng mga kontraktwal, at ang tunog
ng pagpiga sa kanilang halaga.
kung pagbubutihin, makaririnig din
ng tahimik na mga hikbi,
ng nagsasapaw-sapaw na hiyaw –
ang naiwang diwa ng mga pinalilimot:
mga magsasakang pinalayas,
mga iskwater na dinemolis,
mga maninindang binangkrap,
sa dating sakahan, sa dating komunidad,
sa ngayo’y monopolyong tindahan
ng bilyonaryong ‘di nakapagtataka’y
bingi