RIVER
Para kay Baby River Nasino
Musmos ka pang ilog, iniluwal sa kasagsagan ng katigangan ng lupa, gutom, karahasan. Naging dakila ka kaya sana tulad ng Tigris at Euphrates? O di kaya mala-Ganges, Indus, o Rio Grande de Cagayan? Hindi ka man lang naka-agos nang lubos.
Ipinahihiram daw ang buhay bukal sa nag-uumapaw na kabutihang-loob, saka naman binabawi sa takdang panahon. Ngunit, River, hindi binawi ang iyo, hindi pa takda ang panahon (sino nga ba ang nagpapahiram, sino ang nagtatakda). Ang iyo ay ninakaw. Ang iyo ay kinitil. Hinablot ka sa bisig ng iyong inang dapat ay malaya kang kipkip ka sa init ng yakap. Hinablot ka at siniguradong mababad sa malamig at walang pusong kaayusan (o kaguluhan ba) ng lipunan.
Magpahinga ka sana nang maigi, River. Napupuno na ang mga ilog at malapit na ang Dakilang Bahang lulunod sa kanilang magnanakaw ng buhay mo.