Carpe Diem
Hapo nang naglalakad si Dan pauwi matapos ang mahabang araw. Binisita siya ni Kamatayan, “bukas ikaw na ay aking susunduin.”
Nagulat si Dan. Tumawa ng sobrang lakas na parang kinukutya si Kamatayan.
Pagbangon kinabukasan, pinilit niyang mag-toothbrush at magsuot ng uniporme para pumasok. Kahit pa siya ay tinatamad at ang sarap mahiga lang sa kama buong araw. Naglakad sa sakayan ng libreng sakay papuntang City Hall. Natulog sa byahe dahil alam na ng katawan niyang kailangan nang gumising kapag bababa na. Pagdating sa 3rd floor ng Finance, binati ang mga kasama bago maupo sa cubicle. At ang gabundok na transactions ng buong Quezon City ay sinimulan nang i-encode isa-isa. Titigil lang siya kapag ang mga dokumentong na-record na sa database ay natambak na sa tabing upuan na maaari nang ibigay sa boss para ma-audit uli at mapirmahan. Titigil lang siya para kumain nang tanghalian. Titigil lang siya kapag tapos na ang oras ng trabaho. Magpapaalam sa mga kasama lalo na sa kaniyang boss. Aalis ng opisinang parang hindi nabawasan ang gabundok na papel. Ito ang pang-araw araw na buhay ni Dan. Dahilan, na tulad din ngayong gabi, hapo siyang naglalakad pauwi.
“Bakit hindi mo dininig ang aking babala!” nanlilisik na bungad ni Kamatayan.
Nagulat si Dan. Tumalikod at nadatnang nagbalik muli si Kamatayan. Tumawa ng malakas si Dan.