Lipas na ang panahong pinipilahan siya ng mga tao para lang makita. Wala na ang mahahabang pila, ang bulungan ng mga nagsipunta, ang mangha sa kanilang mga mata. Matagal nang sarado ang perya at limot na ng mga taga-Buenavista si Mina, ang lola kong may anim na paa.
Kuwento niya sa ‘kin noon, nagsimula ang kalbaryo nilang mga nagtatrabaho sa perya nang may taga-Maynilang dumating para magtanong-tanong tungkol sa mga palabas doon. Hindi nila pinansin ang mga pasugalan at laruan ng mga bata. Mas interesado sila sa puwesto ng mga Kakaibang Nilalang – Ang Babaeng Sirena, Ang Taong Pinaglihi sa Palaka, Si Boy Tiyanak, at kay Lola, Si Minang Gagamba.
Matapos ang ilang araw, dumating ang dokumentarista at ang kanyang mga cameraman. Marami siyang kinausap na mga nagtatrabaho sa perya. Ang sabi raw niya noon kina Lola, tutulong sila para mapaigi ang sitwasyon ng buhay ng mga naroon. Ilang linggo pa, ipinalabas sa TV ang dokyu. Sa una, natuwa ang mga tagarito dahil nakita nila ang mga sarili sa screen. Pero ilang araw pa ang lumipas, nagsidatingan sa perya ang mga bataan ni Mayor. Hinanap ang manager at ang may-ari para kausapin. Paglaon, isa-isa nilang dinistrungka ang mga puwesto ng bawat Kakaibang Nilalang. Hindi makatao, masama sa bata, at barbaro daw ang ginagawa nila roon. Malaking kasiraan sa bayan, sabi pa raw ni Mayor.
Bawal na ang pagpapalabas ng mga nilalang sa perya pero tuloy pa rin ang sugalang para sa matatanda. Ang mga bata, puwede sa mga laro ng barilan at paghula ng numero sa papel para makapag-uwi ng pintadong sisiw. Lahat, may bayad. Liban kay Babaeng Sirena, Taong Pinaglihi sa Palaka, Boy Tiyanak, at kay Lola, si Minang Gagamba, na wala nang kabuhayan buhat nang ipalabas sa TV ang dokyu.
Kuwento ni Lola, bumisita ulit ang dokumentarista pagtapos ng isang buwan. Nag-abot ng tiglilimang libo sa kanilang mga nawalan ng trabaho.
“Para rin po sa inyo ang desisyon ni Mayor,” sabi pa sa kanila nito.
Nang mga panahong ‘yon lang daw hiniling ni Lola na magamit ang lahat ng kanyang paa, hindi para lumayo kundi para ipanipa sa kulay-sutlang mukha ng kaharap niya.