“Last Aug. 15, the Philippine Statistics Authority (PSA) said the food threshold for a family of five in 2021 was P8,379, indicating that the government won’t classify you as “food poor” if you spend more than P18.62 per meal.”
Sanggunian:
Dela Peña, K. (2022, August 23). Ph Poverty: You’re not poor if you spend more than P18.62 per meal. Retrieved September 1, 2022, from https://newsinfo.inquirer.net/1651097/ph-poverty-youre-not-poor-if-you-spend-more-than-p18-62-per-meal
Tatlong taon matapos tuluyang makalaya ng Pilipinas sa pangil ng pandemya, panibagong kalbaryo ang kinahaharap ng bansa — apaw na naman ang mga ospital at salat sa mga doktor at nars na magseserbisyo para sa mga mamamayang tinatamaan ng panibagong sakit.
Bunga ng labis na pagkadayukdok ng bansa dahil sa kaliwa’t kanang utang at panggagantso ng pasistang rehimeng Marcos, nagsipagmahal ang mga batayang bilihin sa merkado. Nagsipagtaasan ang halaga ng karne, gulay, bawang, sibuyas, asin, at iba pa. Nahirati sa pag-aangkat ng produkto ang gobyerno para sa kickback kaya’t napilitang umasa ng mga mamamayan sa pagkain ng mga de-lata at instant noodles na kaya lang bilhin ng laman ng kanilang bulsa.
Di nagtagal, nangamatayan ang ilan dahil sa alta-presyon at labis na pagdudumi. Ang marami, nagkaroon ng mga bato sa sikmura. Iba-iba ang dami at laki depende sa pagkalala ng sakit. Subalit ayon sa bali-balita, madalas ang kaso ng pagkuha ng mga pasyente ng mga batong nakukuha sa kanilang katawan. Pangamba ng NTF-ELFCK, udyok ng mga komunistang grupo ang pagtatabi sa mga bato. Sabi pa ni Lorena Badduy, spokesperson ng Task Force, sa kanyang palabas sa TV –
“We got an intelligence report that there’s this group named Sisyphus, wherein members are being urged to keep their bladder stones. They intend to use it to prove the plummeting quality of life here in the country. The Task Force will remain alert and monitor the situation.”
Samantalang sa isang dako ng lungsod, na hindi pa maaaring pangalanan, naghahanda ang mga patpating anino sa dilim ng mga inukit nilang tirador. Kasama ng mga tinipong bato ng pait, galit, nasa, at dusa.