Paubos na ang laman ng long neck na Emperador pero hindi pa rin nagkikibuan sina France at Noel. Nag-aabutan lang sila ng tagay. Nagpapalitan ng tingin at nagsasagutan ng buntong-hininga. Sa labas ng isang maliit na patamaran, nakapagitan sa kanila ang isang maliit na mesa kung saan nakapatong ang mangkok ng halos hindi nagalaw na tokwa’t baboy. Sa ilalim ng mesa ay nagkalat naman ang upos at filter ng sigarilyo. Paubos na ang isang kahang dala ni France.

Tahimik lang din na nakatunghay ang puno ng palapat sa likuran ng dalawang binata. Bihira ang dumadaang bangkang de-motor. Walang imik ang itim na asong alaga ng tatay ni Noel; busog marahil sa napanis na kanin na hinaluan ng simi ng inihaw na bangus.

Pangkaraniwan naman ang ganitong katahimikan sa maliit na palaisdaan nila Noel. Ngunit nakapagtatakang tila mas nakabibingi ang kawalang ingay noong hapon na iyon.

Napansin ni Noel na tunaw na ang huling tipak ng yelo sa basong kanilang iniinuman. Itinapon niya muna ang tubig bago isinalin ang natitirang alak. Kay France ang huling tagay.

“May mali ba?,” pakli ni France matapos lagukin ang alkohol.

Napamaang si Noel. Gumuhit sa lalamunan niya ang init ng Emperador na para bang siya ang tumagay. “Mali saan?,” tila nag-aalangan pa niyang tanong.

“Sa akin.” Sinalubong ni France ang naglilikot na mga mata ng kaharap.

“Walang mali sa’yo.”

Dinukot ni France ang kaha ng sigarilyo sa kanyang bulsa. Iniabot naman ni Noel ang posporo. Sabay nilang pinag-aralan ang bisyong ito. Pareho silang nasa third year high school noon. Inaya ni Noel si France na tikman ang isang mahabang stick ng Philip. Hindi naman nag-atubili si France na samahan ang kaibigan. Sa likod ng CR ng lalaki malapit sa canteen, pinagsaluhan nila ang isang stick na ninakaw pa ni Noel sa kuya niyang tambay. Wala silang takot na mahuli ng teacher o ng kaklase. Hindi naman kasi yun ang unang beses na magkasama silang gagawa ng bawal. Nakainom na sila ng pomelo gin nung birthday ng barkada nilang si Hershey Mae, na pareho nilang crush nung elementary. Nakapagbasa na sila ng mga kwentong Xerex sa tabloid nung minsang wala sa bahay ang mga magulang ni France.

Sa isang masikip at masangsang na cubicle,  isang tanghali na tirik ang sikat ng araw, unang beses nakatikim ng nikotin ang mga baga nina France at Noel. Unang beses ding matikman ni France ang laway ng kababata — isang murang karanasan na mula noon ay kanya nang pinanabikang maulit.

“May kulang ba?,” tanong ulit ni France pagkabuga ng usok.

Gamit ang kanang palad, pinahid ni Noel ang butil-butil na pawis sa kanyang ilong. “Tol, tao tayo. Alam mong hindi nakukuntento ang tao.”

Sunud-sunod ang paghithit ni France na para bang kumukupit ng hangin sa sigarilyo. “Ano’ng kulang?”

“Hindi ko kayang sagutin.” Halos pabulong ang sagot ni Noel.

Pinatay ni France ang sindi ng sigarilyo sa loob ng basong kanina’y iniinuman nila. “Noon mo pa ba ko niloloko?”

Isang mariing hindi ang tugon ni Noel.

“Ano’ng tawag mo sa nangyari?,” bahagyang tumaas ang boses ni France.

“Aksidente — ”

Nagpanting ang tenga ni France. Gusto niyang magpakawala ng malutong na Putang ina. Pero hindi niya kayang murahin ang kaibigan. “Aksidente? Ano yun, nadulas siya sa balat ng saging tapos natumba, tapos nahubad yung damit niya, tapos nadulas ka din, at nagkataong wala kang suot kaya aksidenteng pumasok ang titi mo sa pekpek niya?”. Pulang-pula ang pisngi ni France.

Madalas, kapag nagkakasagutan sila ni Noel, namumula ang mukha ni France dahil sa pagpipigil ng matinding emosyon. Katulad noong tinutukso ni Noel si France na supot. Grade 6 sila noon. Sa sobrang inis ni France, hinubo niya ang suot na short at brief para ipakita sa kaibigan ang patunay na ganap na siyang lalaki. Pinagtakhan noon ni Noel kung bakit siya natuwa sa nasilayang laman. Katulad din noong Senior Prom nila. Nagalit si Noel kay France dahil sa hindi niya pagtupad sa usapan nilang walang magsasayaw kay Hershey Mae para patas. Hindi maamin noon ni Noel na nagselos talaga siya nung nakita niyang magkadikit ang katawan nina Noel at Hershey Mae. Nagselos siya na hindi siya — hindi pwedeng siya — ang last dance ng kaibigan.

Pulang-pula rin ang pisngi ni France noong, sa wakas, ay inamin niya na gusto niya si Noel. Kakapasok lang nila ng college noon sa state university na isang oras na byahe ng jeep ang layo sa bayan nila. Isang hatinggabi matapos ang inuman kasama ang mga kaklase, sa lilim ng puno ng akasya malapit sa paradahan ng jeep, halos isuka ni France ang lahat ng tinunggang beer. Hinimas-himas ni Noel ang likod niya. Inabutan pa siya ng nakaboteng tubig matapos mailuwa ang huling hibla ng pinulutang spaghetti.

“Alam mo bang mahal din kita?”

Sa isang iglap, para bang nawala ang hilo ni Noel. Tinanong siya ni France kung alam ba niya na mahal rin siya nito.

“Wag mo nang itago, tol. Alam kong noon mo pa ko gusto.”

Singlamig ng pitsel ng beer ang palad noon ni Noel. Hindi niya matantiya kung lasing lang ba ang kaibigan o nagbibiro o nagdedeliryo.

“Gusto rin kita.”

Napalunok si Noel. Bahagyang bumuka ang bibig niya. Ang puwang na iyon ay sinarhan ng paglapat ng mga labi ni France. Hindi na siya nakapalag. Hindi na siya pumalag. Nilasap niya ang lasa ng naghalu-halong alak, nikotin, at spaghetti. Sa sandaling iyon, nanumbalik ang alaala ng kanilang kamusmusan. Ang palihim nilang paglalaro ng paper dolls at Chinese garter. Ang pagsusuot nila ng kumot na kunwari ay bestida. Ang pang-aagaw nila sa Jolina headband ni Hershey Mae para sila ang magsuot. 

Si Noel naman ang nagsindi ng sigarilyo. “Hindi ganyan kababaw ang kilala kong France.”

“Hindi rin ganun kababoy ang kilala kong Noel.”

Tumayo si Noel. Sinipat niya ang paligid kung may nakakarinig sa pinag-uusapan nila. Nakita niyang nagtatahi pa rin ng lambat ang tatay niya sa kabilang pilapil. Nagsasaing na marahil sa loob ng kubo ang nanay niya. Naninilaw na ang langit. “Uulitin ko, hindi namin sinasadya,” halos pabulong niyang wika.

“Sinong nag-simula?” Dinig ni France ang himig ng pang-aakusa sa tanong niya.

“Hindi ko alam. Ano bang tanong yan?” Pinitik ni Noel ang may sindi pang stick ng Philip.

“Bakit di mo pinigilan?”

“Lasing ako.”

Lasing ako. Ito ang rason na pinakaayaw marinig ni France.

“Noel, ilang taon na tayong nalalasing at nagsisiping pero pagkagising natin kabisado mo ang lahat nang nagyari.”

Sa apat na taon nilang relasyon, nakabisado na ng magkababata ang katawan ng isa’t isa. Ang nunal ni Noel malapit sa pusod. Ang hugis pusong balat ni France sa kanang braso. Ang kalyo ni Noel sa kaliwang palasinsingan. Ang sungki ni France na lumalabas lang tuwing siya’y ngumingiti. Ang matambok na kili-kili ni Noel na kakaunti ang buhok. Ang maliliit na balahibong gumagapang sa likod ni France. Laman-loob na lang ang naitatago nila sa isa’t isa.

Sa hindi mabilang na lugar, pinagsaluhan nila ang mga umaga at gabi ng pananabik at pangungulila. Sa mga tagong lugar — sa motel, sa publication’s room ng university, sa CR ng isang private resort, sa malaking bangka na puno ng lambat —dahil pinanatili nilang lihim ang kanilang ugnayan. Pareho silang takot sa husga ng pamilya, lalo na sa poot at pagkapahiyang mararamdaman ng kanilang mga ama. Kahit sa mga kaibigan ay itinago nina France at Noel ang namamagitan sa kanila. Maliban na lang kay Kris.

College bestfriend ni France si Kris. Kinaibigan siya ni Kris dahil crush nito si Noel. May katagalan bago natanggap ni Kris na siya, kundi si France, ang gusto ng gusto niya. Isang beses matapos manood ng battle of the bands, sinamahan ni Kris ang magkababata sa isang palaruan. Kahit kailan daw kasi ay hindi pa nakapaglaro doon si Noel. Sa isang preschool malapit sa university, tinupad ni France ang munting pangarap ni Noel.

Kris: (nakaupo sa swing) Sayang, walang slide dito.

France: (itinutulak ang swing ni Noel) Sige, next time, dun tayo sa may slide at monkey bars.

Noel: Next time, ako naman ang magtutulak ng swing mo.

France: Hindi na kailangan. Matagal naman na akong nahulog sa’yo.

KRIS: ‘Tang ina nyo!

Nang minsang magkakwentuhan sina France at Kris, sinabi ni Kris na kapag nakikita niya kung gaano kasaya sina Noel at France, naiisip niya na baka nga may happy ever after para 

sa mga tulad nila.

“Knowing the two of them made me believe na nangyayari sa totoong buhay ang mga ending sa pelikula ni Jolina,” natatawa pang sabi ni Kris.

Pero walang pelikula sina Marvin at Jolina na walang conflict na nagpapabago sa takbo ng kwento.

“Iba ‘to.” May diin sa iba ang tugon ni Noel.

“Gaano kaiba? Iba dahil babae si Kris? Iba dahil totoo yung suso niya? Iba dahil hindi siya pwet at bibig lang? Paanong iba?” Tuluyang tumulo ang luha ni France na kanina pa niya pinipigilan.

“Hindi ka nakikinig.”

“Hindi mo naman sinasagot ang mga tanong ko.”

Umihip ang amihan. May dala itong ginaw na nagpakislot sa kalamnan ng dalawang binata. Umupo sa tabi ni France si Noel. “Hinarap kita dahil nagbabakasakali ako na pagkatapos ng pag-uusap na ‘to, maiintindihan mo ko at matatanggap natin pareho ang sitwasyon.”

Halos sinukin si France sa pagpipigil ng hikbi. “Paano kung hindi?” 

“Eh di wala na kong magagawa. Nangyari na. Hindi ko kayang ibalik ang oras para itama ang mga pangyayari ayon sa kagustuhan mo.”

Tinapunan ni France ng matalim na titig ang kausap. “Kagustuhan ko? Kagustuhan ko lang?”

“Alam mong hindi ko hiniling na malagay ako sa ganitong gulo.”

“Eh bakit hinayaan mong magkaproblema?”

“Paulit-ulit tayo, France.”

“Uulit-ulitin ko hanggang malaman ko kung ano ang totoo.”

“Hindi. Uulit-ulitin mo hanggang sa marinig mo ang gusto mong sabihin ko.”

Natameme si France. Umalingawngaw sa tenga niya ang mga binitawang salita ni Noel. Uulit-ulitin mo hanggang sa marinig mo ang gusto mong sabihin ko. Nakaramdam siya ng pagkapahiya. Wala siyang naisagot kundi impit na hikbi. Hinintay niyang aluin siya Noel. Pero nakatitig lang ang binata sa malayo. Kung susukatin ni France ang distansya sa pagitan ng mga mata ni Noel at ng abot-tanaw na tinitingnan nito, malalaman niyang ganoon na rin ang distansya nila sa isa’t isa kahit pa magkatabi silang dalawa.

Halos mabaliw noon si France nang malaman niya na may nangyari sa nobyo at kay Kris. Kahit kailan ay hindi niya naisip na lolokohin siya ni Noel. At ang pinakamasakit sa lahat, sa babae pa ito pumatol. Sa kaibigan niyang babae. Kaya’t kahit anong paliwanag ng dalawa ay hindi siya agad natunawan.

Una siyang kinausap ni Kris, sa isang coffee shop kung saan sila madalas magpalipas oras. Tulad ng inaasahan ni France, umiyak si Kris habang pilit na ipauunawa sa kanya na hindi nito sinadyang makasakit. Kung nagkataon na maraming kustomer, aakalaing komprontasyon sa pelikula ang palitan nila ng linya. Kamera na lang ang kulang.

“Hindi ako maawa, Kris. Dahil kahit gaano ka pa magsisi, hindi mo na maibabalik sa’kin si Noel.”

“Hindi ko gustong kunin siya sa’yo. Hindi ko siya inagaw.”

“Hindi nga. Wala ka namang ginawa eh. Malas ko lang dahil babae ka, lalaki ako.” Kasing pait ng kapeng inorder ni France ang bagsak ng mga salitang iyon.

Hindi umimik si Kris. Iniisip niya kung siya nga ba ang sinwerte.

“Masaya ka ba na nakuha mo na siya?” Basag ang boses ni France. Hindi maikakailang tinitibayan lang niya ang dibdib.

“Alam mong hindi ko siya makukuha sa’yo.”

“Mahal mo ba siya?”

Yumuko si Kris. Muling nabasa ang pisngi niya sa ‘di mapigil na pag-agos ng luha.

Inulit ni France ang tanong. Mas may diin. May bahid ng takot sa tugon na maari niyang marinig. “Mahal mo ba siya?”

Tumango lang si Kris. Pakiramdam ni France ay binulyawan siya ng kanyang college bestfriend.

Hindi naman napagod sa pagsuyo si Noel sa kanya. Hindi mabilang na sorry at I love you ang nasabi ni Noel sa text, tawag, at sa tuwing maabutan niya si France na palabas ng classroom, bago sumakay sa jeep, at bago makaliko sa kung saan para hindi sila magkasalubong. Unti-unti, lumambot muli ang puso ni France. Kung mayroon man siyang hindi kayang gawin para sa kasintahan, iyon ay ang hindi ito patawarin. Ngunit nung araw na makikipag-ayos na sana siya kay Noel, nakatanggap siya ng isang mahabang text. Hindi naka-save sa cellphone niya ang numero ng nagpadala. Pero alam niya kung sino.

“Mahal mo pa ba ‘ko?”

Tumango si Noel. “Hindi na magbabago yun.”

May tunggalian sa puso’t isip ni France. Tumango ba si Noel dahil yun ang totoo nitong nararamdaman? O talaga lang na nakasanayan? Kung puso niya mangungusap, itatanong niya ang mga ito. Pero mas gumana ang kanyang utak.

“Papanagutan mo ang bata?”

Tiningnan siya ng diretso ni Noel. “Anak ko yun, France.”

Hindi kumurap si France. Gusto niyang masisid ang lalim ng pagtitig sa kanya ni Noel. “Papayag kang magpakasal?”

“Para sa buhay ng bata.” Binawi ni Noel ang tingin.

Mabuti na lang. Hindi na niya nakita kung paanong tumarak ang punyal sa mga mata ni France. Kung paanong rumagasa ang luha niya na dapat sana’y ilalaan niya sa libing ng sinumang kamag-anak na papanaw. Hinayaan lang siya ni Noel na umiyak. 

“Hindi naman ako mawawala, tol.”

Nakapako sa nilalangaw na tokwa’t baboy ang tingin ni France nang muli siyang magsalita. “Sinungaling ka. Ang dami-dami nating pinangako sa isa’t isa tapos wala naman pala dun ang matutupad. Ikaw pa mismo ang nagsabi sa’kin na mangarap tayo nang magkasama para magkasama din nating tutuparin lahat ng yun. Anong klaseng pangako naman yun?”

Nag-aalangan man, kinuha pa rin ni Noel ang kamay ni France. Naramdaman niya kung gaano kainit ang palad nito. Humahalo ang lamig ng luha. Hindi na maalala ni Noel kung kailan sila huling naghawak ng kamay.

“Alam kong alam mo kung gaano kahirap din para sa’kin ‘to. At kahit anong desisyon ang piliin ko, o piliin natin, may masasaktan at may masasaktan. Walang madaling paraan.”

Nagsalimbayan sa isip ni France ang mga pangarap na binuo nila ni Noel. Makapagpatayo ng sariling palaisdaan. Makapagpagawa ng kung ilang bangkang pangisda. Makapasyal sa Bohol at makalangoy kasama ng mga butanding sa Donsol. Makasakay ng eroplano nang sabay sa unang pagkakataon. Maipakilala ang isa’t isa bilang magkasintahan sa kani-kanilang pamilya. Makapagpakasal kung maaari.

“Paano kung di ka na lang pumayag?”

“Ayokong isakripisyo ang buhay ng anak ko.”

Parang sirang plaka na tumalon-talon sa isip ni France ang anak ko. May anak na si Noel. Isa rin ito sa pinapangarap nila. Ang makapag-ampon ng isa o dalawang bata na magmamana ng lahat ng paghihirapan nila bilang mag-asawa.

Tinanggal ni France ang kamay sa pagkakahawak ni Noel. “Kaya tayo ang isasakripisyo mo?” 

“Kahit ano pa’ng mangyari, darating din tayo sa ganito.”

“Hindi yan ang sinabi mo sa’kin dati. Ang sabi mo noon, kahit gaano pa ‘to ka-mali sa paningin ng iba, hangga’t nararamdaman natin na ito ang tama, hindi tayo magpapadikta sa kanila. Ang hina mo naman pala. Ang duwag-duwag mo!”

Hindi agad nakaimik si Noel. Pinipigilan na rin niya ang pagkawala ng namuong luha sa hilam niyang mata. “Mas malakas sila sa’ting dalawa, France. Pag-ibig lang ang meron tayo.”

Kumahol ang itim na aso. Limang magkakasunod na kahol na para bang tinatawanan ang sinabi ni Noel. Sa isip ni France, pilit niyang tinitimbang kung pag-ibig nga lang ba ang mayroon sila. At kung oo, paano ito hindi naging sapat.

Nakasasakal ang katahimikang lumukob sa buong palaisdaan kasabay nang tuluyang pagkagat ng dilim. Sa pusikit na liwanag ng buwan, inaninag nang mainam ni Noel ang mukha ni France kagaya ng kung paano niya ito inaninag nung hatinggabing nasa lilim sila ng punong akasya. Halos walang pinagbago.

“Ayokong umalis ka.”

“Tulungan na lang natin ang isa’t isa na magpatuloy.”

“Buntisin mo na lang din ako.”

“Kung pwede lang.” Muli, parang sirang plaka na nagpauli-ulit sa isip ni France ang mga huling salitang narinig niya mula kay France. Kung pwede lang. Magpapaulit-ulit ito sa isip niya ng kung ilang araw. Ng kulang ilang linggo at buwan. Ng kulng ilang taon. Hanggang sa makatagpo siya ng katulad niyang naniniwala na hindi mahina ang umibig sa kapwa lalaki. Kung pwede lang. Kung pwede lang.


This literary piece is part of Katitikan Issue 4: Queer Writing.

By Eljay Deldoc

Si Eljay Castro Deldoc ng Hagonoy, Bulacan ay isang mandudula, direktor, at guro. Siya ay miyembro ng Tabsing Kolektib, The Writers Bloc, at Quiapo Collective. Ang kaniyang mga dula ay naitanghal na sa CCP, sa iba't ibang unibersidad sa Maynila at Mindanao, sa Saudi Arabia, California, at Canada.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site is protected by reCAPTCHA and the Google Privacy Policy and Terms of Service apply.