Sanayan Lang ang Pagpatay
Mag-aalas kwatro ng madaling araw, nagpaalam kang
umalis. Tumambad sa atin ang mga bote ng alak na iniwang gumugulong sa kalsada
ng mga sundalong halos kauuwi pa lamang.
Mag-aalas kwatro ng madaling araw, nagpaalam
kang umalis. Isang oras na mas maaga sa karaniwan mong gayak.
Hindi ka pa nakalalayo ng bahay, nakarinig na ko
ng magkakasunod na putok. Huwag daw akong lalapit at kahit magpumilit, anong
laban ko sa dahas ng armadong militar?
Naging maligalig ang mga sumunod na araw.
Nakipagbarilan ka raw, sabi sa radyo. Rebelde ang tawag sayo ni mayor. Isa ka
raw sa sampung NPA na napatay sa shootout, balak parangalan ng Palasyo ang mga
pumaslang sa iyo.
Gusto kong dukutin nang direkta ang bituka ko sa
patong-patong na sakit na di ko na masikmura. Wala silang respeto sa alaala mo.
Inangkin nila ang buhay mo at pinipilit nilang baguhin ang katauhan mong para
bang sila ang may-ari.
Mag-aalas kwatro ng madaling araw, nagpaalam
kang umalis. Bago buksan ang gate, sinigurado mong nasa bag ang baon mong
tubig, lapis, at test permit.