Categories
Poetry

Biyaya ng kutob

Madalas sumasang-ayon
sa hinuha ng ina
ang panganib ng takipsilim
Kaya nasanay siyang sumangguni
Sa kutob at hinahayaang
Magdabog ang nalalabing tiwala
Sa kanyang dibdib
Binabagalan niya ang novena
at hinihila ang oras
sa hawak na rosaryo:

Unang Misteryo ng Galak.

Categories
Poetry

Kung Paano ang Maghimay

Tanggalin ang ulo.
Sipsipin ang malinamnam na katas
hanggang pumutla ang balat nito.
Kalasin ang maiikling paa,
ang taklob ng katawang nakakurba,
saka isunod na hilahin ang buntot.
Ilubog sa sukang may bawang at sili,
isubo ang kalamnang sumubok
sa kakayahan mong maghintay
hanggang dulo ng sabik na pagtatalop.

Ganito ang pananabik niya 
habang minamasdan ang pagbabalat mo
ng lamang-dagat na hindi niya kayang himayin. 
Lagyan mo ng ilan ang pinggan niya.
Tunghayan mo ang gutom niyang paglasap
sa pagkaing dumaan sa mga kamay mong
nangingintab sa mantika, tingnan mo
ang baso niyang may yelo na kanina lang
ay dinakot mo ng kamay at tinanggap niya
nang walang pag-aalinlangan.

Ganito kayo sa isa?t isa: siya,
na tanging sa kamay mo nagtitiwala;
ikaw, na nabubusog na sa pagdakot
at pagbabalat ng mga bagay-bagay
na hindi kahit minsan magiging sapat
upang masumpungan ang kanyang kabuuan.

Categories
Poetry

kung bakit laging may patugtog sa SM

kung papasok
sa anumang SM City Mall,
bago ang inaasam na lamig ng erkon,
tiyak na sasalubong muna ang patugtog.

sa loob, walang sulok na tahimik.
bawat stall ay may sariling gimik.
pana-panahon sa supermarket
ay meron pang “happy to serve!”
o bumibirit ng “through the fire” na salesclerk.
at syempre nariyan ang walang-kamatayang
paguusap-usap ng mga magkakamag-anakan,
magbabarkada, mga magnobyo’t magnobya,
mga nagbebenta at mga namimili.
walang minutong walang naririnig.

pero sa gabi,
pagkatapos ipalabas ang huling
pagkatapos ipalabas ang huling
pelikula sa cinema, habang isa-isang
kinakapkapan ng gwardya ang libo-libong
empleyado bago sila makauwi’t makapagpahinga,
habang sinasara ang mga tindahan,
habang tinatakpan ang mga paninda,
tumitigil ang mga patugtog at kanta.

doon lang mapapansin
ang laksang buntong-hininga
ng mga kontraktwal, at ang tunog
ng pagpiga sa kanilang halaga.
kung pagbubutihin, makaririnig din
ng tahimik na mga hikbi,
ng nagsasapaw-sapaw na hiyaw  –
ang naiwang diwa ng mga pinalilimot:
mga magsasakang pinalayas,
mga iskwater na dinemolis,
mga maninindang binangkrap,
sa dating sakahan, sa dating komunidad,
sa ngayo’y monopolyong tindahan
ng bilyonaryong ‘di nakapagtataka’y
bingi

Categories
Poetry

kamatis march

araw-araw siyang nagmamartsa
sa tapat ng bahay namin

nakasampay ang sako sa likuran
habang inuusisa ang aming

basurahan sa kung ano mang maglilikas
sa bagyo ng kanyang gutom?

boteng pambenta o mga
papel o bakal na maipakikilo pa.

minsan akong nagpatalo sa awa?t
konsensya: nag-iwan ng tatlong pisong

barya sa tabi ng kalkalan, sukli
sa sinakyang traysikel

tinitigan niya ito, at hindi ginalaw
habang isa-isang dinadampot

at pinapagpag ang mga padurog
at pabulok nang kamatis nawalang-panghihinayang kong
itinapon kaninang umaga.